fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

12 Senyales Na Handa Na Kayo Mag-Live-In

You're Ready to Move In Together

Kung matagal-tagal na rin kayong magkarelasyon, mapapa-isip ka kung ano ba ang susunod niyong gagawin. Karaniwang pinag-iisipan ng mga magkarelasyon na mag-live-in na. Baka ito na ang pinakamalaking desisyon na gagawin ng mga magkarelasyon na hindi pa naninirahan sa loob ng iisang pamamahay.

Nakakasabik para sa karamihan ang mag-live-in, pero napakalaking desisyon ito. Mahirap bumalik sa dati at maging simpleng magkarelasyon na lang uli kapag hindi maganda ang kinalabasan ng desisyon.

Mag-live-in kayo dahil pareho ninyong gusto, at hindi dahil lang sa palagay niyo kailangan ito gawin. Walang tamang panahon o tamang edad para dito. Kung pareho kayong handa at gustong gusto talagang gawin ito para sa mga tamang rason, maaaring na kayong magdesisyon kung tama na ba ang oras para sa inyong dalawa.

Tignan ninyo ang 12 senyales na ito kung handa na ba kayong dalawa na mag-live-in.

Klaro kung ano kayo

Umpisa pa lang dapat klaro na kung ano ba kayo. Kung walang duda o kalabuan sa inyong relasyon, alam mo kung saan ka lulugar, at saan patungo ang relasyon niyo.

Napag-usapan niyo na ang pera

Mahirap pag-usapan ang pera. Kailangan niyong pag-usapan ang inyong estadong pinansyal at ano kaya ang patutunguhan nito. Kapag live-in na kayo, kasama na sa responsibilidad ninyo ang mga bayarin at pera. Hindi kayo mapapakain ng pag-ibig lamang. Dapat napag-uusapan ninyo ang kinikita at ginagastos niyo, paano niyo paghahatian ang bayarin, at paano niyo masisiguro na mas marami ang ipon ninyo kaysa sa ginagastos.

Komportable kayo sa presensya ng isa’t isa

Kapag live-in na kayo, lahat ng bagay ay gagawin ninyo sa presensya ng isa’t isa, kahit ang mga nakakahiyang bagay. Magkasama rin kayo kahit sa mga “boring” na araw. Mahirap ang palaging may tinatago kapag mag-live-in na kayo. Mas kita na ang buong pagkatao mo, kasama ang iyong mga kapintasan at pagkukulang. Kung komportable kang ipakita ang tunay na sarili sa iyong partner, magandang senyales ito na handa ka na mamuhay kasama siya.

Alam niyo kung paano magresolba ng mga problema

Hindi maiiwasan ang mga problema, away, at hindi pagkakaintindihan. Normal para sa mga magkarelasyon na pagdaanan ito. Kung matagumpay ninyong naresolba ang mga problema at away ninyo dati, handa na kayo mamuhay nang magkasama. Mas madalas ang mga away at problema kapag nasa iisang lugar lang kayo. Kailangan niyong intindihin kung paano ma-stress ang isa’t isa, alamin ang pinakamabuting paraan para maresolba ang problema, matutong makipag-usap nang mahinahon, at umintindi sa panig ng iyong partner.

Napag-usapan na ninyo ang kalinisan at ang gusto niyo sa bahay

Hindi ka dapat parang magulang o yaya ng iyong partner kapag live-in na kayo. Dapat pareho kayong kaya maglinis, at umiwas na mag-iwan ng kalat na makakadagdag sa responsibilidad ng iyong partner.

Maliban sa kalinisan, mabuti ring isaalang-alang ang kanya-kanyang pangangailangan sa bahay. Habang tumitingin kayo ng matitirhan, tignan niyo rin kung paano niyo aayusin ang mga gamit sa paraan na makukuha ang gusto ng isa’t isa.

Pareho kayong handa magsakripisyo

Ang unang sakripisyo na kailangan mong gawin kung mag-li-live-in kayo ay ang iyong pansariling espasyo at oras mag-isa. Kung handa kang isakripisyo ang iyong pagsasarili para mamuhay kasama ang iyong partner, hindi na siguro ito magiging malaking problema para sa ‘yo.

Hindi naman palaging masaya ang mga araw kapag live-in na kayo. Sabay ninyong haharapin ang mga problema, at ilang sa kanila ay mangangailangan ng inyong sakripisyo. Minsan talaga kailangan niyong magsakripisyo para sa ikabubuti.

Parang mag-live-in na rin kayo

Kung madalas na rin kayong magkasama sa kanya-kanyang bahay, mas maiisip mo na kung paano magiging ang buhay niyo kapag mag-live-in na kayo. Mabuti na ring mamuhay kayo nang magkasama kung halos wala o wala kayong problema kapag magkasama kayo.

Napag-usapan niyo na ang kinabukasan

Mas madali magplano ng mga gagawin sa panahon ngayon kapag napag-isipan niyo na ang gusto niyong kinabukasan. Dapat pareho kayo ng hangad ng iyong partner, o dapat alam ninyo ang plano ng isa’t isa. Kung parte kayo sa plano ng isa’t isa at isinaalang-alang niyo ang isa’t isa sa hinahangad na kinabukasan, baka makabuti sa inyo ang mag-live-in. Puwede kayong magtulungan para maabot ang kinabukasang hangad niyong dalawa.

Iniintindi niyo ang nakaugalian ng isa’t isa

Lahat tayo ay may nakaugalian sa bahay. Minsan ito ay nakakadiri, nakakatawa, nakakahiya, o kakaiba. Parte na ito ng ating pagkatao, at madalas nagiging komportable o nasisiyahan tayo kapag nagawa natin ang mga ito. Kung naiistorbo ka o naiinis ka sa mga nakaugalian ng iyong partner, baka hindi makabuti sa inyo ang mag-live in. Kakayanin mo bang mamuhay kung nakikita mo ito araw-araw?

Kaya ninyo ang sarili

Kahit na magkasama na kayo sa iisang pamamahay, mabuti pa ring kayanin mo ang iyong sarili. Dapat kaya mong pangasiwaan ang iyong sarili at gumawa ng mga desisyon kapag nasa trabaho o wala sa bahay ang iyong partner, o kapag siya’s may ginagawa.

Alamin ang hangganan ng isa’t isa

Dapat alam niyo ang hangganan ng isa’t isa at kailang sumusobra na ang isang bagay. Tandaan na huwag niyo dapat sagarin ang mga hangganan na ito kahit na mag-live-in kayo. Puwedeng humantong ito sa malalaking away kapag nasagad na — mas gusto nating iwasan ang mga ito, ‘di ba?

Walang napipilitan

Kung gusto mong mag-live-in kasama ang iyong partner, dapat pareho ninyong gustong-gusto ito at gagawin ninyo ito para sa ikabubuti at tamang rason. Huwag mong iisipin na mag-live-in na kayo kung gagamitin mo lang ito para “baguhin” ang iyong partner, o dahil lang gusto mong may kahati kasa mga gastusin.

Ang tamang panahon para mag-live-in ay kung kailan pareho kayong handang-handa at gustong-gusto gawin ito. Malaking desisyon ito. Pag-isipan nang mabuti.

Mga pinagmulan:

https://www.independent.co.uk/life-style/love-sex/move-in-with-boyfriend-girlfriend-how-to-know-when-ready-living-together-a8467601.html

https://www.insider.com/should-you-move-in-with-your-partner-here-are-signs-2019-6

https://www.bustle.com/p/7-signs-youre-ready-to-move-in-together-according-to-relationship-experts-2

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon