fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

4 na posibleng sanhi ng mga vaginal pimples

4 possible causes of vaginal pimples

Ang vulva area ay isa sa mga pinakasensitibong bahagi ng katawan. May ilang mga bagay o produkto na maaaring magdulot ng pangangati sa parteng ito, at magresulta sa mga pimples sa ari.

Ang mga pimples sa ari ay karaniwan, at bihirang senyales ng malubhang kondisyon. Gayunpaman, hindi sila komportable sa pakiramdam! Gaano man sila nakaka-irita, pinakamahusay na pabayaan sila at iwasang putukin ang mga ‘to. Baka lumala lamang ‘pag ginalaw mo.

Narito ang apat sa mga posibleng sanhi ng vaginal pimples, pati na rin ang mga bagay na maaari mong gawin upang mawala at maiwasan ang mga ito.

Folliculitis

Ang folliculitis ay ang impeksiyon at pamamaga ng follicle ng buhok dahil sa bacteria.

Ang follicle ay isang maliit na “butas” ng balat kung saan tumutubo ang buhok. May mga pagkakataon kung saan ang buhok ay kumukulot pabalik sa balat, kaya nagdudulot ng pangangati. Ang mga karaniwang sanhi ng folliculitis ay:

  • Pag-ahit
  • Ingrown hair
  • Mga damit na masikip, o mga damit na kumakaskas sa balat
  • Baradong follicle, o may iritasyon dahil sa pawis o mga skin products
  • Paggamit ng hindi malinis na hot tub o swimming pool

Lunas

Ang folliculitis ay nawawala nang kusa. Gayunpaman, maaaring magreseta ang doktor ng mga ointment o gamot para sa malalang kaso o paulit-ulit na impeksyon.

Kapag ang folliculitis ay naging malaking pigsa o ​​carbuncle (isang kumpol ng mga pigsa), maaaring sumailalim sa minor na operasyon upang palabasin ang nana at maibsan ang pananakit.

Pag-iwas

Kung ang impeksyon ay sanhi ng mga hair removal treatments (pag-ahit, pagbunot, o pag-wax), pinakamainam na umiwas muna sa mga ‘to sa loob ng 30 araw.

Ang wastong kalinisan sa katawan ay mahalaga sa pag-iwas sa folliculitis, o anumang impeksyon sa balat. Regular na hugasan ang iyong genital area ng maligamgam na tubig. Makakatulong rin ang regular na pagpapalit ng iyong tuwalya.

Contact dermatitis

Ang contact dermatitis ay dulot ng reaksyon ng iyong balat sa mga materyales o kemikal na maaaring makairita sa genital area. Ang mga posibleng sanhi ng contact dermatitis ay:

  • Mga pabango sa bubble bath at sabon
  • Mga feminine hygiene products gaya ng mga wipes, deodorant, lotion, o pabango
  • Mga tampon o napkin
  • Douches
  • Mga spermicide, condom, lubricant, o sexual arousal stimulant
  • Mga gamot sa balat
  • Sabong panlaba
  • Pawis
  • Vaginal discharge
  • Ihi
  • Semilya

Lunas

Ang mga pantal-pantal ay madalas na nawawala agad kapag naiwasan  na ‘ang sanhi ng iritasyon. Maglagay ng ice pack sa bahaging nangangati. Baka makatulong rin ang pagtulog nang walang underwear.

Kung lumala ang pantal o tila hindi nawawala, kumunsulta sa iyong doktor para mapayuhan sa tamang paggamot. May mga gamot at cream na makapagbibigay ng lunas.

Pag-iwas

Iwasan ang mga irritant at allergens, tulad ng mga scented feminine products, tissue, at detergent.

Hidradenitis suppurativa (HS)

Ang hidradenitis suppurativa, na kilala rin bilang acne inversa, ay isang pangmatagalang kondisyon ng balat na nakakaapekto sa mga sweat glands sa vulvar area. Nagdudulot ito ng mga sugat na may nana na mukhang mga pimples, na hindi madaling gumaling at maaaring mag-iwan ng mga peklat.

Lunas

Ang HS ay panghabambuhay na kondisyon na maaaring bumalik paminsan-minsan. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga na kumunsulta sa doktor kapag may mapansing mga sintomas. Makakatulong ang mga gamot sa ‘di malalang kaso ng HS, pero ang mga malubha o patuloy na mga kaso ay maaaring mangailangan ng operasyon.

Pag-iwas

Ang eksaktong dahilan ng HS ay hindi pa matukoy ng mga eksperto. Gayunpaman, pinaghihinalaan ng mga eksperto na ito ay konektado sa mga hormones, lahi, paninigarilyo o labis na timbang.

Molluscum contagiosum

Ang molluscum contagiosum ay isang viral infection na nagiging sanhi ng pagtubo ng mga pimples kahit saan sa katawan, kabilang ang genital area. Ang mga pimples na ito ay tinatawag na Mollusca, at kadalasang maliliit, naka-umbok, at kulay puti. Minsan maaaring magmukhang perlas at may dimple sa gitna ang mga ‘to. Ang mga breakout ay madalas na nawawala sa loob ng 6-12 buwan, ngunit maaari ding tumagal ng hanggang 4 na taon.

Lunas

Sa karamihan ng mga kaso, ang mga pantal ay kusang nawawala sa loob ng 6-12 buwan. Para sa iba — lalo na sa mga may problema sa immune system — ang mga pantal ay maaaring magtagal ng ilang buwan hanggang ilang taon.

Pag-iwas

Nagkakaroon ng molluscum contagiosum kapag nahawaan ka ng M. contagiosum virus. Maaari itong maipasa sa ibang tao kapag may may sugat. Posible ring maikalat ang virus mula sa isang bahagi ng iyong sariling katawan, patungo sa ibang bahagi.

Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang impeksyon ay ang pag-iwas sa paghawak sa balat ng ibang tao na mayroon nito. Dahil ang virus ay maaaring mabuhay sa mga bagay, pinakamahusay din na magsanay ng wastong paghuhugas ng kamay at iwasan ang pagbabahagi ng mga personal na bagay.

Mga pinagmulan:

Pietrangelo, A. (November 14, 2016). Why Do Vaginal Pimples Form?. Healthline. https://www.healthline.com/health/womens-health/vaginal-pimples#_noHeaderPrefixedContent 

Wilson, D. (January 26, 2020). How do you get rid of vaginal pimples? MedicalNewsToday. https://www.medicalnewstoday.com/articles/317810 

Pimple on Vagina. (November 4, 2021). Cleveland Clinic. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/22019-pimple-on-vagina 

Marhol, A. (February 3, 2023). Pimples on Labia: 4 Main Reasons They Happen. Flo. https://flo.health/menstrual-cycle/health/symptoms-and-diseases/pimples-on-labia-main-reasons#causes 

Healthwise Staff. (November 22, 2021). Vulvar Dermatitis: Care Instructions. MyHealth Alberta. https://myhealth.alberta.ca/Health/aftercareinformation/pages/conditions.aspx?hwid=tw12153#:~:text=Do%20not%20douche%20or%20use,%2C%20like%20diphenhydramine%20(Benadryl) 

Mayo Clinic Staff. (n.d.). Contact Dermatitis. Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/contact-dermatitis/symptoms-causes/syc-20352742 

Hidradenitis suppurativa. (November 6, 2022). NHS. https://www.nhs.uk/conditions/hidradenitis-suppurativa/ 
Biggers, A. (February 21, 2023). Everything You Need to Know About Molluscum Contagiosum. Healthline. https://www.healthline.com/health/molluscum-contagiosum

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon