fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ang Mga Benepisyo sa Kalusugan ng Pagsasarili

Narinig na nating lahat na ang pagsasarili ay hindi masama. Normal lang na gustuhin nating gawin ito, at walang masama dito. Pero, marami ang hindi nakakaalam na ang pagsasarili ay may mga benepisyo sa kalusugan. Ang pakikipaglaro kay Junior ay may iba pang epekto bukod sa sarap o kilig na nadudulot nito!

Mapapaganda nito ang iyong mood

Ang pagbabati ay nakakapagpataas ng lebel ng mga hormones na makapagpapasaya sa’yo. Kabilang sa mga hormones na ito ang serotonin, endorphins, at dopamine. Iba-iba ang kanilang partikular na epekto sa utak, pero lahat sila’y nakakatulong sa pagpapabuti ng iyong pakiramdam. 

Makakatulong ito sa pagtulog

Bukod sa mga hormones na makapagpapasaya sa’yo, ang pagbabati ay nagdudulot din ng paggawa ng hormones na nakakabawas ng stress. Ibig sabihin nito, pagkatapos ng isang DIY session, madali kang makakapagrelax. Kung sakaling mahirapan kang matulog, ang pagsasarili ay isang simpleng aktibidad na pwede mong gawin para solusyonan ang problemang ‘yon.

Makakatulong ito sa pag-intindi sa sarili

Ang mga imahe o eksenang pumapasok sa isip mo habang nagsasarili ay hindi lamang mga simpleng bagay na gawa-gawa ng iyong isip. Ito’y mga sekswal na pantasya: mga senaryo o karanasan na pumupukaw sa iyong sekswalidad. Ang pagkilala sa mga pantasyang ito ay pwedeng makatulong sa’yo sa pag-intindi ng sarili. May mga sekswal na pantasya na maaaring magbunyag ng iyong personalidad o mga interes.

Mapapababa nito ang panganib ng prostate cancer 

Napag-alaman sa isang pag-aaral tungkol sa pagsasarili at ang koneksyon nito sa prostate cancer na ang mga lalaking nagbubulalas nang hindi bababa sa 21 beses sa isang buwan ay may 20% na mas mababang tsansa na magkaroon ng prostate cancer. Sinong mag-aakala na ang pagpapasaya sa iyong sarili ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa paglaban sa isang uri ng cancer? Sa lahat ng paraan na mapoprotektahan ng mga tao ang kanilang sarili laban sa mga sakit, ang pagsasarili siguro ang pinakasimple at pinaka nakakatuwa.

Mapapalakas nito ang puso mo

Pwede mong isipin ang pagsasarili at iba pang sekswal na aktibidad bilang cardio. Maaari nilang pagandahin ang paggana ng iyong puso sa isang malusog na paraan. At gaya ng cardio, ang regular na pagsasarili ay nakakapagpalakas ng puso.

May mga magagandang dahilan para magsarili bukod sa masarap itong gawin at natural lang na gustuhin natin itong gawin. Hindi dapat makaramdam ng hiya sa paggawa nito, lalo na kung ang iyong DIY sessions ay may normal o healthy na routine: isang routine na hindi naman nakakasama sa iyong personal o propesyonal na buhay. Bukod pa rito, kung regular kang nagsasarili, maaari mong ikatuwa na may ginagawa kang nakakatulong sa kalusugan mo.

Mga Pinagmulan:

https://www.menshealth.com/sex-women/a19534050/5-reasons-you-should-masturbate-tonight/

https://www.webmd.com/prostate-cancer/ejaculation-prostate-cancer-risk

https://www.medicalnewstoday.com/articles/masturbation-effects-on-brain#positive-effects

https://www.healthline.com/health/does-masturbation-increase-blood-pressure#:~:text=May%20improve%20heart%20health,effect%20on%20your%20cardiovascular%20health.

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon