fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang PrEP?

Isa sa mga pinakamalaki at pinakakaraniwang pangamba ng mga taong nakikipagtalik ay ang pagkakaroon ng human immunodeficiency virus o HIV. Ito ay virus na nagpapahina sa immune system ng isang tao at pwede itong maging acquired immune deficiency syndrome o AIDS kung hindi maaagapan. Mabuti at mayroong mga paraan para makaiwas sa HIV gaya ng paggamit ng condoms at pag-inom ng gamot na makakapagpababa ng tsansang magkaroon ng HIV. Ang tawag sa paraang ito ay pre-exposure prophylaxis, o PrEP.

Ano mismo ito?

Ang salitang “prophylaxis” ay tumutukoy sa proseso ng pag-iwas sa mga partikular na sakit. Ang PrEP ay isang uri ng medikal na regimen na makakapagpababa ng tsansang magkaroon ng HIV mula sa pakikipagtalik nang walang proteksyon. Kung ikaw ay nangangambang magkaroon ng HIV, pwede kang mag-PrEP bilang hakbang upang makaiwas dito.

Sino ang mga dapat mag-PrEP?

Dapat na mag-PrEP ang mga taong walang HIV ngunit nanganganib na magkaroon nito dahil sa pakikipagtalik na walang proteksyon, lalo na ang mga taong kamakailan ay nakipagtalik sa higit pa sa isang tao. Inirerekomenda rin ang PrEP para sa mga taong nagkaroon ng sexually transmitted infections o STI sa nakalipas na anim na buwan.

Ano ang mga uri at brands ng PrEP?

Sa ngayon, may dalawang tabletas na maaaring gamitin para sa PrEP: Descovy at Truvada. Hinaharang nila ang mga HIV enzyme at sa gayon, pinipigilan nila ang virus ma maging impeksyon. Inirerekomenda ang Descovy para sa mga taong nanganganib na magka-HIV dahil sa pakikipagtalik. Mahalagang tandaan na ang Descovy ay hindi para sa mga taong itinalagang babae sa kapanganakan. Ang Truvada naman ay inirerekomenda para sa mga taong may posibilidad na magkaroon ng HIV dahil sa pakikipagtalik at/o paggamit ng droga na iniiniksyon. Mayroon ding injectable na uri ng HIV medicine na tinatawag na Apretude. Ito’y para sa mga nasa panganib ng HIV infection dahil sa hindi ligtas na pakikipagtalik at hindi bababa sa 77 lbs (o 35 kg.)

Gaano kadalas ito dapat inumin?

Ang tanging pormulasyon ng PrEP na inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ay Truvada, isang kumbinasyon ng Tenofovir at Emtricitabine. Mayroong dalawang paraan ng pag-inom nito: pwedeng uminom ng isang tableta araw-araw. Pwede rin itong inumin on-demand sa pamamagitan ng 2+1+1 regimen: Ito ay dalawang tabletas na dapat inumin dalawa hanggang 24 oras bago makipagtalik. Pagkalipas ng 24 oras, kailangang uminom ng isang tableta. Pagkatapos ulit ng 24 oras, kailangan muling uminom ng isa pang tableta.

Gaano ito kaepektibo?

Kung maayos ang pagkonsumo ng gamot, maaaring mabawasan ng PrEP ang panganib na magkaroon ng HIV mula sa hindi protektadong pakikipagtalik ng 99%. Sa ilang mga kaso, ang PrEP ay maaaring magdulot ng side effects tulad ng pagduduwal at pananakit ng ulo, ngunit ang side effects na ito ay mabilis na nawawala, at ang PrEP ay ligtas. Mahalagang tandaan na ang pag-inom ng tableta ay dapat samahan ng ligtas at protektadong pakikipagtalik (sa pamamagitan ng wastong paggamit ng condom at water-based na lube) at hindi ito tiket para sumabak sa mga delikadong sekswal na aktibidad.

Ano ang dapat gawin kapag nagsimula nang mag-PrEP?

Kapag nagsimula kang mag-PrEP, kailangan mo itong ituloy-tuloy. Kailangan mo ring mag-practice ng ligtas na pakikipagtalik. Bagama’t maaaring bawasan ng PrEP ang tsansang magkaroon ka ng HIV, dapat ka pa ring mag-ingat sa mga STI. Mahalaga rin ang regular na pagpapa-test habang sinusunod ang regimen na ito upang matiyak ang iyong kalusugan at kaligtasan.

Kung sa tingin mo’y makakabuti ang PrEP sa’yo, pwede kang kumonsulta sa doktor at magtanong tungkol dito. Maaari ding makipag-ugnayan sa mga organisasyong nagbibigay ng PrEP gaya ng HIV & AIDS Support House (o HASH) at LoveYourself. Inilunsad ng LoveYourself ang PrEP Pilipinas (o PrEPPY) na nagbibigay ng PrEP sa mga community center kabilang ang Manila, Parañaque, and Bacoor.

Mga Pinagmulan:

https://www.cdc.gov/hiv/basics/prep.html

https://hivinfo.nih.gov/understanding-hiv/fact-sheets/pre-exposure-prophylaxis-prep

https://loveyourself.ph/hiv-prevention/

https://www.cnnphilippines.com/life/culture/2019/12/1/HIV-PrEP.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon