fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Testosterone?

Kapag pinag-aaralan ang tungkol sa sekswalidad, siguradong madadaanan ang salitang “testosterone”, lalo na kung ang pinag-uusapan ay tungkol sa lalaki.

Ang testosterone ay isang hormon na nasa katawan ng lahat ng tao, lalaki man o babae, na nakakatulong sa paglaki ng kanilang katawan.

Sa mga lalaki, ang hormon na ito ay nabubuo sa bayag (testicles). Sa babae, ang hormon na ito ay nabubuo sa obaryo, pero sa mas maliit na dami lang.

May mga sabi-sabi ding ang hormon na ito ay dahilan upang ang mga lalaki ay kumilos ng kakaiba, tulad ng pagiging bayolente o kawalan ng pasensya, pero hindi ito totoo. Ang hormon na ito ay makakatulong sa mga lalaki sa kanilang pisikal, mental, at sekswal na kalusugan.

Ito ang ilan sa mga katotohanan tungkol sa testosterone para sa lalaki at babae.

Ano ang nagagawa ng testosterone sa lalaki?

Sobrang nakikinabang ang mga lalaki sa testosterone. Ito ay dahil ang testosterone ay ang pangunahing parte ng kanilang paglaki, lalo na habang sila ay nasa “puberty”. Ang mga pagbabagong ito ay:

  • Pagtubo ng mga buhok sa katawan, ulo, mukha, at sa ari, (maaari ring maging dahilan ng pagkakalbo)
  • Paglalim ng boses
  • Pagtaas ng tangkad
  • Mas malakas na muscle at buto
  • Paglaki ng ari

Ang testosterone ay may parte rin sa kakayahan ng lalaki na makabuntis. Ito ay dahil nakakatulong ang hormon na ito sa paggawa ng “sperm cell” at sa kanilang libido o libog.

Nakakaapekto rin ito sa enerhiya at kalagayan ng isang lalaki. Depende sa taas o baba ng testosterone, ito’y nakakaapekto sa kanilang kalusugang mental.

Paano naman ito naapektuhan ang kababaihan?

Oo, mayroon at gumagawa din ang katawan ng babae ng testosterone sa kanilang obaryo. Ito ay isa sa mga androgens (panlalaking hormon) sa kanilang katawan.

Pinaniniwalaan na ang testosterone ay may importanteng ganap sa katawan ng babae. Kasama rito ang:

  • Paggana ng obaryo
  • Lakas ng buto
  • Libido o ang ugaling sekswal (ngunit hindi pa sigurado ng mga pag-aaral)

Ang sobrang testosterone sa katawan ng babae ay nagdadala ng maraming pagbabago. Isa na rito ang pagkakaroon ng mas madaming buhok sa katawan, hindi regular o kawalan ng regla, o pagkakaroon ng polycystic ovarian syndrome (PCOS).

Paano malalaman ang Testosterone level

Ang testosterone ay maaaring mataas, mababa, o katamtaman lang. Ang tao ay maaaring makaranas ng iba-ibang problema sa kalusugan kung ang hormon nila ay hindi balanse nang matagal.

Tanungin ang iyong doktor kung paano mo malalaman ang iyong testosterone levels. Dahil paiba-iba ang lebel na ito, bibigyan ka niya ng oras kung kailan ito pinakapantay. 

Ang doktor ay kadalasang magsasagawa ng pagsusuri sa iyong dugo upang malaman ang testosterone level mo. Kung ang resulta ay hindi normal, maaari kang magpasuri ulit, pero hindi dapat sa parehong araw ng iyong nakaraang pagsusuri.

Pinanggalingan:

https://www.healthline.com/health/what-is-testosterone

https://www.medicalnewstoday.com/articles/276013#imbalances

https://www.health.harvard.edu/drugs-and-medications/testosterone–what-it-does-and-doesnt-do

https://www.hormone.org/your-health-and-hormones/glands-and-hormones-a-to-z/hormones/testosterone

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon