fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang uterine prolapse?

Uterine Prolapse

Ang buwa, o uterine prolapse, ay nangyayari kapag ang mga pelvic floor muscles at tisyu ay labis na nababanat at humihina. Samakatwid, kulang ang suporta sa matres kaya ito’y bumababa at umuusli sa pwerta. Sa ilang kaso, lumalabas ito sa bukasan ng ari.

Mga sanhi

Ang buwa ay dulot ng paghina ng mga pelvic muscles at sumusuportang tisyu.

Ito ang mga bagay na maaaring makaapekto sa tibay ng mga pelvic muscles at tisyu:

  • Labis na timbang
  • Tibi
  • Ubong ‘di nagagamot o bronchitis
  • Madalas na pagbubuhat ng mabibigat
  • Pagbubuntis
  • Mahirap na labor at panganganak
  • Komplikasyon sa panganganak
  • Pagpapanganak sa malaking sanggol
  • Mababang antas ng estrogen pagkatapos ng menopause

Kahit sino, anuman ang edad, ay maaaring makaranas ng buwa. Ngunit, mas karaniwan ito sa mga babaeng postmenopausal at nagkaroon ng isa o dalawang vaginal deliveries.

Mga sintomas

Karaniwang walang senyales o sintomas ang mga kaso ng buwa na ‘di naman malubha. Pero sa mga malalalang kaso, ang mga karaniwang sintomas ay:

  • Mabigat na pakiramdam sa balakang
  • Pananakit o presyur sa puson o balakang
  • Pakiramdam na tila may inuupuang maliit na bola o parang may mahuhulog mula sa pwerta
  • Mga laman-laman na nakausli sa pwerta
  • Problema sa pag-ihi, gaya ng urine leakage (incontinence) o urine retention
  • Tibi o iba pang problema sa pagdumi
  • Pananakit sa bandang ibabang parte ng likod
  • Problema sa pakikipagtalik, tulad ng pakiramdam na tila maluwag ang mga tisyu sa pwerta

Mga karaniwang kadahilanan ng panganib, at mga posibleng komplikasyon

Ang mga karaniwang kadahilanan ng panganib ay:

  • Panganganak (ito ay isa sa mga pinaka madalas na sanhi, lalo na kung malaki ang sanggol)
  • Normal vaginal delivery
  • Isa o higit pang pagbubuntis at normal vaginal birth
  • Edad
  • Menopause
  • Labis na timbang
  • Nakaraang pelvic operation
  • Tibi o iba pang problema sa pagdumi
  • Lahi ng mga mahihinang connective tissue sa katawan

Ang buwa ay maaari ring magresulta sa prolapse ng iba pang pelvic organs. Ito ay ang:

  • Anterior prolapse (cystocele), kung saan ang pantog ay umuusli sa pwerta
  • Posterior vaginal prolapse (rectocele), kung saan ang tumbong ay umuusli sa pwerta

Ang malubhang buwa ay maaari ring makaapekto sa vaginal lining at maitulak ito palabas ng katawan. Kapag ito ay kumaskas sa damit, maaaring magdulot ng vaginal sores.

Pag-iwas

Para maiwasan ang buwa, mainam na:

  • Regular na magsagawa ng mga Kegel exercises
  • Gamutin at iwasan ang tibi
  • Gamutin ang ubo, iwasan ang paninigarilyo
  • Manatili lamang sa katamtamang timbang

Paggamot

Ang mga kaso ng buwa na ‘di naman malubha ay karaniwang ‘di mangangailangan ng paggamot. Pero kapag nababahala sa mga sintomas at nakakaabala na sa pang-araw-araw na gawain, mainam na kumonsulta na sa doktor para mapayuhan sa angkop na lunas.

Maaari kang gumamit ng pessary, isang aparato na ipinapasok sa pwerta para suportahan ang mga pelvic organs at bawasan ang mga nararanasang sintomas.

Isang permanenteng solusyon ay ang hysterectomy, isang operasyon kung saan tinatanggal ang buong matres. Pwede itong idaan sa pwerta para mas mabilis ang paggaling, kumpara sa abdominal incision.

Mga pinagmulan:

https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/uterine-prolapse 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/uterine-prolapse/symptoms-causes/syc-20353458

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon