fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ba ang lasa ng ari ng babae?

Ang healthy na ari ay dapat maglasang healthy na ari, syempre! Pwede itong maglasang matamis, maasim, maalat, mapait, o parang metaliko.

Pwede rin ito maging kalasa ng anuman ang iyong kinain kagabi. Maaari rin magbago-bago ang lasa ng ari dahil sa siklo ng regla.

May kanya-kanyang lasa ang bawat ari, pero may ilang mga karaniwang lasa na normal para sa iyong ari. Basta hindi nakakaranas ng kakaibang sintomas tulad ng masangsang at mabahong amoy, okay lang ang iyong lasa at amoy.

Sa artikulong ito, alamin ang iba’t ibang lasa ng ari, bakit ito nagbabago, at kung ano ang pwede mong gawin kapag tingin mo ay kakaiba ang iyong amoy at lasa.

Metalikong lasa

Ang pwerta — ang panloob na parte ng ari — ay natural na acidic, na mabuti at normal naman. Ito ang paraan ng pwerta para manatiling malusog at balanse ang mga bakterya.

May mga nagsasabi na ang ganitong lasa ay parang bakal, barya, o baterya.

Mas madalas magkaroon ng metalikong lasa sa mga araw pagkatapos ng regla. Ito ay dahil sa mga tira-tirang dugo sa loob at paligid ng ari. Ang metalikong lasa ay dulot ng nilalamang iron ng dugo.

Maalat o maasim

Ang maalat na lasa ay karaniwang dulot ng pagpapawis ng katawan.

Pwede ring sanhi ito ng bahid ng ihi kapag hindi nakapagpunas nang mabuti pagkatapos umihi.

Normal rin na maglasang maasim kapag labis na nagpawis o kapag nagsuot ng masisikip na damit buong araw. Hindi naman ito agad-agad senyales ng kondisyon o impeksyon.

Anong nakakaapekto sa lasa?

Ang pH level ng iyong pwerta

Ang puwerta ay natural na acidic para manatiling malusog at protektado mula sa masasamang bakterya.

Kapag biglang nagkaroon ito ng malakas at mabahong amoy o kakaibang lasa, posibleng naapektuhan ng gamot o produkto ang pH level ng iyong pwerta.

Pwede itong magsanhi ng pamamaga, iritasyon, o impeksyon, at magresulta sa kakaibang amoy o lasa.

Ang iyong kinakain

May mga pagkain na maaaring makaapekto sa amoy at lasa ng ari — at hindi kasama ang mga pinya sa listahan.

Ang asparagus ay nagdudulot ng masangsang na ihi, na pwede ring makaapekto sa ari.

Ang curry at mga maaanghang na pagkain ay nakakaapekto rin sa iyong amoy at lasa. Nakakapagpapawis ang mga ganitong pagkain at nagsasanhi ng pawis na may malakas na amoy.

Alak

Mas nagpapawis kapag umiinom ng alak. Nakakaapekto rin ito sa lasa ng iyong mga bodily fluids, kasama ang vaginal discharge.

Pwedeng maglasang mapait o maasim, depende sa alak na iyong ininom.

Tabako

Dahil ang mga pagkain, alak, at gamot ay nakakaapekto sa lasa ng iyong ari, halos lahat na talaga ng iyong kinokonsumo ay ganun rin ang epekto. Oo, pati ang mga produktong tabako ay nakakaapekto sa iyong pagpapawis at sa amoy nito.

Kung ika’y naninigarilyo, mapait at acidic ang lasa ng iyong ari.

Kalinisan

Ang iyong pwerta ay may kakayahan na panatilihing malinis ang sarili, kaya mainam na hayaan mo lang siya. Kailangan mo lang hugasan ang bulba — ang panlabas na parte ng iyong ari — gamit ang banayad na sabon at maligamgam na tubig.

Kung hindi mo regular na hinuhugasan ang iyong ari, maaari kang magkaroon ng hindi kanais-nais na mga amoy at lasa.

Kung hindi rin naggugupit ng buhok sa ibaba, siguraduhin na lang na regular rin itong hugasan dahil ang pubic hair ay kinakapitan rin ng mga amoy.

Mga huling paalala

Iba-iba ang posibleng lasa ng iyong pwerta, pero iisa lang ang sigurado: hindi dapat ito maglasang prutas o kendi.

Hindi ka dapat nahihiya sa amoy, lasa, at pati itsura ng iyong ari. Ang iyong ari — o buong katawan — ay hindi kailangan baguhin o ayusin.

Basta wala ka nakikitang senyales ng anumang impeksyon, walang kailangan ikabahala sa amoy at lasa ng iyong ari. Pero kapag mayroong masangsang o malansang amoy, mainam na kumonsulta na sa doktor.

At kung meron mang ayaw makipagtalik sa’yo dahil sa lasa at amoy ng iyong ari, baka ‘di niya rin deserve manatili sa buhay mo, sis!

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/what-does-a-vagina-taste-like

https://greatist.com/health/what-does-a-vagina-taste-like#what-does-a-vagina-taste-like

https://www.huffpost.com/entry/vagina-smell-taste-hygiene_b_610874fbe4b0497e67026ce5

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon