fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ba ang Sexual Response Cycle?

Ang katawan ng tao ay dumadaan sa iba’t-ibang siklo araw-araw. Isa na rito ang tinatawag na sexual response cycle o ang tugon ng katawan sa mga bagay na sekswal tulad ng pagkikipagtalik o pagbabati.

Nagmumukha man itong isang simpleng proseso, ang siklong ito ay dumadaan sa apat na yugto: pagkasabik, plateau, orgasmo, at resolusyon.

Narito ang proseso ng sexual response cycle ng isang tao.

Una: Pagkasabik

Lahat ng sexual response cycle ay nagsisimula sa pagkasabik. Dito mamamataan ang unang katangian ng arawsal. Ang mga katangiang ito ay tumatagal ng ilang minuto hanggang sa ilang oras. Narito ang mga katangiang mapapansin sa pagkasabik:

  • Pagtaas ng tensyon ng mga masel ng katawan.
  • Pagbilis at pagtaas ng daloy ng dugo papunta sa ari na nagdudulot ng pagtigas ng ari ng lalaki at paglaki ng klitoris ng babae.
  • Pagiging mas sensitibo ng ari sa istimulasyon at presyur.
  • Pamumula ng ilang parte ng balat (mamamataan sa dibdib at sa likod).
  • Pagtigas o pagtayo ng utong.
  • Sa mga babae, nagsisimulang mabasa ang loob ng ari ng babae. May mga babaeng marami na agad ang nilalabas, ang ilan naman ay pagkatapos pa ng ilang istimulasyon.
  • Namimintog din ang suso at ang paligid ng pwerta ng babae.
  • Para naman sa lalaki, maliban sa paglaki at pagtayo ng ari, namimintog ang bayag at humihigpit ang scrotum nila at naglalabas ng klarong likido para maging pampadulas.

Pangalawa: Plateau

Kung patuloy ang istimulasyon, maabot ang yugtong plateau. Ang yugtong ito ay tumatagal hanggang bago umabot sa orgasmo ang isang tao. Ang mga pangkaraniwang katangian nito ay:

  • Mas pinataas na antas ng mga katangiang naramdaman sa yugtong pagkasabik.
  • Patuloy na pamimintog ng pwerta ng babae dahil sa pagtaas ng daloy ng dugo rito. Nagiging mala-ube rin ang kulay nito.
  • Pagiging mas sensitibo ng klitoris ng babae (na maaaring magdulot ng kaunting sakit kapag hinawakan) at pagtatago nito sa “clitoral hood” para maiwasan ang direktang istimulasyon galing sa ari ng lalaki.
  • Pagpasok at pagliit ng bayag ng lalaki.
  • Patuloy na pagbilis ng paghinga, tibok ng puso, at presyon ng dugo.
  • Pamumulikat ng masel sa paa, kamay, at mukha ay maaaring magsimula.
  • Patuloy na pagtaas ng tensyon ng mga masel sa katawan.

Pangatlo: Orgasmo

Ito ang pinakasukdulan ng sexual response cycle dahil ito’y maaabot lamang kung nakaramdam na ng sapat na istimulasyong ang mga ari ng lalaki at babae. Ito ay ang pinakamaikling yugto ng siklo na ito na kadalasang nagtatagal lang ng ilang segundo. Ang mga karaniwang katangian nito ay:

  • Pagpapakawala ng naipong tensyon sa masel sa pamamagitan ng ‘di mapigilang pabugso-bugsong kontraksyon ng masel.
  • Sa babae, ang masel ng pwerta ay nagkakaroon ng kontraksyong may ritmo. Maaaring sumabay rin dito ang puwet, matris, o ang buong katawan.
  • Sa lalaki, ang may ritmong kontraksyon na nangyayari sa kanila ay sa buong ari na bunga ng paglalabas ng semilya.
  • Tumataas sa pinakamataas na lebel ang presyon ng dugo, tibok ng puso, at paghinga.
  • Maaaring makaramdam ng pamumulikat.
  • Maaari ring makaranas ng pamumula ng balat o “sex flush”

Pang-apat: Resolusyon

Ito ang huling yugto ng sexual response cycle na kung saan ang katawan ay unti-unting bumabalik sa dati nitong normal na itsura, laki, at kulay.

Para sa parehong lalaki at babae, ang yugto ring ito ay nagbibigay ng pangkalahatang kagalingan, mas malapit na loob sa bawat isa, o, mas madalas, pagkapagod.

Ang pinagkaiba lang ay ang ilang mga babae ay may kakayahan muling makapag-orgasmo kung makakatanggap ng patuloy na istimulasyon, samantalang ang mga lalaki ay hindi. 

Ito’y dahil ang mga lalaki ay dumadaan sa “refractory period”  na panahon para magpahinga at mabawi ang kanilang lakas. Ang refractory period ay humahaba kasabay ng pagtanda.

Marami ang mabuting benepisyo ng pagiging maalam natin sa mga prosesong ginagawa ng ating katawan, lalung-lalo na sa ating sekswal na kalusugan. Kung sa tingin mo ay hindi mo naabot ang lahat ng ito, huwag kang mag-alala dahil normal ka pa rin.

Kung may mga katanungan ka tungkol sa kontrasepsyon at iba pang pangkalusugang sekswal, huwag mahiyang mag-mensahe sa aming Facebook page.

Always Do It Right!

Pinagmulan:
https://www.britannica.com/topic/human-sexual-activity/Sociosexual-activity#ref401884

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon