ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Gabay Sa Pag-Sext (Nang Ligtas)

Your Guide To Sexting (Safely)

Kung hindi ka pa pamilyar sa salitang ‘pag-sext,’ ito ay ang pagpadala ng mga litrato, bidyo, o mensaheng sekswal sa pamamagitan ng text o chat. Hindi naman kailangan lahad na lahad. Ang mga chat o litrato ay pwedeng mapagpahiwatig lang o mga implikasyon ng kahit anong sekswal.

Ang pag-sext ay makabagong abilidad na nakakadagdag ng sigla sa relasyon, lalo na sa modernong panahon. Ito ay masaya at malanding paraan na mapapanatili ang koneksyon ninyo ng iyong kasosyo, at mapuno ang inyong isip ng mga sekswal na bagay buong araw — kaya ito ay magandang foreplay! Ang pagpapadala ng mga sext sa iyong kasosyo ay nakakapagpasabik sa inyo na makasama muli ang isa’t isa.

Nakakatuwa siya, pero ang pag-sext ay magiging delikado at komplikado kapag hindi ka mag-ingat. Kung nais mong subukan pero nag-aalangan ka pa, may mga payo kami kung paano mo pwedeng umpisahan.

Mga pangunahing payo

Siguraduhin na totoo ang taong kinakausap! Ang payo na ito ay para sa mga tao na hindi pa nakikilala nang personal ang taong kinakausap nila. Dahil lang may litrato siya at kaunting pagpapakilala sa bio hindi kaagad ibig sabihin na mapagkakatiwalaan mo na sila nang husto, lalo na pagdating sa pag-sext at pagpapadala ng mga litratong sekswal! Minsan mapapagawa ka na lang ng kung anu-ano dahil sa sabik, ngunit kailangan mo mag-ingat nang husto. Hindi ka pa sigurado kung lubos na mapagkakatiwalaan mo ‘yung kausap mo? Huwag mo nang ibalak ang pag-sext o pagpapadala ng litratong sekswal. Bigyan pa ng oras makipag-usap nang kaswal para mas makilala ang isa’t isa. Kung kaya mo, mabuti ring kunin mo ang kanyang mga profile sa social media.

Tiyempo. Alamin kung nasaan at ano ang ginagawa ng iyong kasosyo bago mo umpisahan mag-sext. Hindi magandang panahon kapag siya’y kasama ang kanyang magulang o may meeting kasama ang boss. Tanungin mo ang kasosyo mo kung hindi ka sigurado nasaan siya.

Kumuha ng pahintulot. Oo, kailangan mo pa rin ng pahintulot kahit sa sext at kahit na magkasosyo na kayo. Ang pagtatanong sa kasosyo mo kung nais niya rin makipag-sext ay makakatulong rin sa iyo na mawala ang iyong pagkamahiyain o takot na matanggihan. Mabibigyan mo rin siya ng abiso na magpapadala ka ng mga chat at litrato na siya lang dapat ang makakakita, para maka-iwas siya sa mga posibleng kahihiyan.

Ang pagpapadala ng mga malalaswang litrato na hindi hinihingi o nang walang pahintulot ay hindi marapat at nakakabastos. Ito ay sexual harassment, at maaari kang maparusahan ng batas. Huwag mo na ring isipin gawin ito kung hindi gusto ng iyong kasosyo o hindi ka nakakuha ng tamang pahintulot.

Lagyan ng kaunting pagbiro. Umpisahan mo ang pag-sext nang may konting pagbibiro, bago gawing mainit at malibog ang mga usapan. Tandaan na tamang pagbibiro lamang at huwag mapasobra dahil baka magtawanan na lang kayo habang nagse-sext kaysa sa maakit ang isa’t isa.

Dahan-dahanin mo lang. Ang dahan-dahang pagpapa-init sa usapan ay ang nakakasabik at nakakatuwa sa pag-sext. Umpisahan ang usapan gamit ang mga mapagpahiwatig na mga mensahe o litrato muna, pero hindi masyadong lahad muna.

Ikaw ang may kontrol. Ikaw ang may kontrol, at ikaw ay lalandi sa iyong kasosyo upang ipahiwatig na handa ka para sa kahit anong bagay sa sekswal. Gamitin ang iyong mga salita, litrato, at bidyo sa pangaakit ng iyong kasosyo para makagawa ng pantasya sa kanyang isipan.

Maging malinaw. Walang masyadong epekto ang iyong mga sext kung ang mga salita mo ay magulo o malabo. Hindi maiintindihan ang iyong nais iparating kapag pinadala ito sa chat, tapos hindi pa klaro ang gustong sabihin. Ipabatid ito sa paraan na madali pa rin maintindihan.

Maglarawan nang mabuti. Gumamit ng mga salitang panglarawan na malinaw at nakakapukaw sa pandama at senswalidad. Payo: magbalik-tanaw at ipaalala sa iyong kasosyo ang mga nagawa na ninyo sa nakaraan at sabihin sa kanya ano ang nais mong gawin ninyo sa susunod.

Pa-ikliin. Gawing maikli, malinaw, at madaling maintindihan ang mga sext. Para mabilis ang palitan ninyo ng sext at hindi mawala ang sigasig. Payo: mag-isip na ng mga tanong, senaryo, pangyayari, at linya bago pa umpisahan magsext, at mag-ipon na rin ng mga litrato at bidyong sekswal sa iyong selpon na balak mong ipadala.

Isapersonal ito. Kung kailangan mo ng inspirasyon, humugot mula sa inyong mga personal na karanasan o alalahanin ang nakaraan niyong pagtalik ng iyong kasosyo. Puriin ang iyong kasosyo at ipaalam sa kanya paano ka napukaw sa kanyang pananamit, kilos, salita, atbp. Pwede ka ring gumamit ng mga salita, emoji, meme, at gif na pareho niyong naiintindihan. Kung nais mong gumamit ng mga salitang “love stick,” “hiwa,” o “pusa” para tumukoy sa mga maseselang bahagi ng katawan, gawin mo lang!

Ipabatid ang iyong mga pantasya. Nakakahiya ang pakikipag-usap tungkol sa iyong mga pantasya, lalo na kapag harap-harapan. Ang pag-sext ay magandang panahon para ipabatid sa iyong kasosyo ang iyong mga pantasya dahil mas kaunti ang kaba kaysa sa kapag nakatingin siya sa iyo.

Magtanong. Ang pag-sext ay usapan sa pagitan ninyo ng iyong kasosyo. Ang pagtanong sa kanya ng mga katanungang sekswal ay makakatulong sa iyo malaman ano ang nasa isip nila at ano ang kanilang pantasya. Makakatulong rin ito sa iyo na makagawa ng klarong imahe sa iyong imahinasyon.

Magsaya! Ikaw ang may kontrol sa pag-aakit sa iyong kasosyo. Magsaya sa paggawa nito, at malay mo kung saan ito maaaring maghantong mamayang gabi?

Mga linyang pangsext na maaari mong magamit

Ang pag-sext ay pwedeng mag-umpisa nang mapaglaro, mapang-akit, hanggang sa maging malibog. Narito ang ilang mga linya na maaaring makatulong sa iyo.

“Mga binti mo lang ang nasa isip ko buong araw.”

“Anong paborito mong parte ng katawan ko?”

“Iniisip ko ang iyong mga labi.”

“Mas gusto kitang halikan ngayon kaysa sa gawin ang kailangan kong gawin dito.”

“Ikaw ang gusto kong panghimagas mamayang gabi.”

“Hindi ko maalis sa isip ‘yung ginawa natin noong isang gabi.”

“Ang galing talaga ng iyong mga kamay.”

“Ang sarap mo ngayon.”

“Pwede ba kitang hubaran sa sofa mamayang gabi?”

“Gusto kitang tikman ngayon.”

“Ano ang iyong pantasya?”

Maraming mga linya ang maaari mong gamitin sa pag-sext, at ikaw ang bahala kung ano ang iyong gagawin at gagamitin. Maging malikhain!

Mga mahahalagang paalala

Paano kung ayaw ko gawin o wala ako sa tamang kundisyon?

Kung hindi ka komportable na makipag-sext o magpadala ng mga litratong sekswal, may karapatan kang humindi at huwag gawin. Hindi makakabawas sa iyong halaga ang pagtanggi. Karapat-dapat lang na maramdaman mong ika’y ligtas at nirerespeto palagi sa relasyon.

Kung nakatanggap ka ng sext o ng sekswal na litrato at hindi ka komportable dito, huwag mong ipakita sa ibang tao at burahin nalang ito kaagad. Huwag hayaan ang sarili na mapilitang magpadala rin ng sext o ng litrato. Ipaalam sa iyong kasosyo na hindi ka komportable at kung bakit ayaw mo makatanggap o gumawa ng mga tulad nun.

Ito ba ay ilegal?

Ang pagpapadala, pagkakaroon, at pagkuha ng mga litratong sekswal ng menor de edad (mga batang wala pang 18 ang edad) ay ilegal kahit na pareho kayong nagsabi na okay sa inyong gawin ito. Hinding hindi ito tama o mabuti kahit kailan.

Hinding hindi rin tama o mabuti ang pagkalat ng mga sekswal na litrato ng isang tao kahit na hiwalay na kayo, nag-away kayo, o hindi mabuti ang inyong pagtatapos. Kung ano man ang ibinahagi sa iyo na pribado, dapat lang manatili itong pribado kahit ano mangyari. Mabuting burahin nalang ang mga litrato o sext kaagad kapag tapos ka na para walang matirang bakas na baka makita pa ng ibang tao.

Paano ko masisiguro na sa aming dalawa lang ang aking mga ibabahagi?

Kahit gaano kayo nagmamahalan, gaano mo siya pinagkakatiwalaan, o ipangako pa niya sa iyo na sa inyong dalawa lang ang kahit anong ipapadala mo sa kanya, walang kasiguraduhan na mananatiling pribado sa inyong dalawa lang basta’t napadala mo na ang sext o litrato. Madali lang ang mga ito na itago sa selpon at ipadala kung kani-kanino nang hindi mo nalalaman. Wala ka nang kontrol sa kung sino makakakita at saan ito mapupunta basta’t napadala mo na ito sa iyong kasosyo. Kahit burahin mo pa ito sa iyong selpon o profile, hindi mo na mapipigilan ang mga tao mula sa pagkalat nito. Pag-isipan mabuti bago ka magpadala ng sext o sekswal na litrato.

Ang pag-sext ay parehong nakakatuwa at delikado, pero ikaw bahala kung nais mong gawin ito. Walang mali sa paglandi sa iyong kasosyo, pero may mga bagay na hindi talaga okay — kaya mabuting makakuha ng klarong pahintulot muna. Laging tandaan na respetuhin ang hangganan mo at ng iyong kasosyo, pati na rin kung ano ang pwede at hindi pwedeng gawin. Malaya kang gawin ano ang nais mo, ngunit ang mga kahihinatnan ay palaging nariyan. Manatiling ligtas at magsext sa sariling panganib.

Mga pinagmulan:

https://www.thecut.com/article/sexting-how-to-ultimate-guide.html

https://www.plannedparenthood.org/learn/teens/bullying-safety-privacy/all-about-sexting

https://lovematters.in/en/love-and-relationships/meeting-someone/sext-etiquette-dos-and-donts-for-sexting-strangers

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon