fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Healthy Swimmers: Paano Panatilihing Malusog ang Iyong Semilya

May lilinawin muna tayo bago ang lahat: walang koneksyon ang iyong pagkalalaki sa kakayahan ng iyong semilya na makabuo ng bata. Isa itong luma at ‘di tamang paniniwala.

Hindi naman talaga totoo na ang iyong pagkamayabong o fertility ay may kinalaman sa iyong kalalakihan. Gayunpaman, lubos na kapaki-pakinabang na alamin kung paano mo maaalagaan ang iyong semilya. 

Ang pagkakaroon ng malusog na semilya ay nangangahulugan na maayos ang iyong sperm count; tama ang hugis ng iyong sperm cells; at may sapat na liksi ang mga ito. Nangangahulugan din ito na malamang na mayroon kang magandang tsansang maging ama kung nanaisin mo.

Alamin natin ang ilang mga paraan upang mapanatiling malusog ang iyong semilya.

Kumain ng masustansyang pagkain.

Hindi talaga ito payo. Isa dapat itong panuntunan na sinusunod ng lahat. Ang iyong diyeta ay may mahalagang papel sa iyong pangkalahatang kalusugan, kabilang na sa iyong reproductive system. 

Ang pagkain ng isang balanseng diyeta na mayaman sa mga bitamina at mineral ay maaaring makatulong na palakasin ang iyong sperm count, sperm motility, at kabuuang kalidad ng iyong semilya. Tiyaking magsama ang maraming prutas at gulay, legumes, protina, at malusog na karne sa iyong diyeta.

Mag-exercise nang regular.

Ang pageehersisyo ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng iyong pangkalahatang kalusugan at pagpapalakas ng iyong fertility. Ang regular na pisikal na aktibidad ay maaaring makatulong sa pagpapataas ng iyong sperm count, motility, at morphology. Subukan mong mag-ehersisyo nang 30 minuto, sa pamamagitan ng paglalakad, pag-jogging, o pagbibisikleta.

Magsuot ng komportableng underwear.

Ang pagsusuot ng masikip na underwear ay maaaring magpataas ng temperatura sa iyong bayag, na pwedengmagpababa ng iyong sperm count. Posible rin itong magkaroon ng masamang epekto sa kalidad ng iyong semilya.

Mainam na magsuot ng mga panloob na komportable sa iyong ari. Kung maaari, gumamit ka ng damit na may malambot na tela gaya ng cotton o bamboo.

Uminom ng maraming tubig.

Ang pag-inom ng maraming tubig ay maaaring makatulong sa pag-alis ng mga toxin sa iyong katawan, at mapapabuti nito ang kalusugan ng iyong semilya. Ugaliin mong uminom ng hindi bababa sa walong baso ng tubig araw-araw. 

Mainam din na umiwas sa matatamis na inumin gaya ng mga juice na maasukal at softdrinks.

Maghinay-hinay sa alak at kape.

Bagama’t ayos lang uminom paminsan-minsan ng kape o alak, ang labis-labis na pag-inom ng mga ito ay nakakasama sa iyong katawan at estado ng semilya. Subukan mong limitahan ang iyong pag-inom ng alak at kape, o ‘di kaya’y maghanap ka na lang ng mas masustansyang alternatibo gaya ng mga herbal tea, o tubig!

Kumonsulta sa doktor o eksperto.

Kung nahihirapan kayong makabuo ng partner mo, o kung may mga ikinababahala ka sa iyong pagkamayabong, importanteng bumisita sa isang health expert. Ang isang doktor ay makakatulong sa pagpuna o pagtuklas sa anumang isyu na maaaring mayroon ka. Magagabayan ka rin ng isang doktor sa tamang pag-alaga’t pagpapalakas ng iyong semilya.

Ang pagbabantay sa kalusugan ng iyong semilya ay kaakibat ng pagbabantay sa kalusugan ng iyong katawan, kaya walang dahilan para hindi ka mag-alala sa kalagayan ng iyong semilya.

Kung ang pagiging ama ay parte ng mga ninanais mong gawin sa buhay, malaki ang maitutulong ng mga payo na nabanggit sa taas. Para sa iba pang kaalaman tungkol sa kalusugan ng iyong semilya, tingnan mo ang article namin sa pagpaparami ng semilya.

Mga Pinagmulan:

  • Mayo Clinic Staff. (2022, Mayo 13). Healthy Sperm: Improving your fertility. Mayo Clinic. Kinuha noong Marso 8, 2023, mula sa http://bit.ly/3ZsQFDz
  • Jewell, T. (2018, Agosto 29). The 7-step Checklist to Healthy, Fertile Sperm. Healthline. Kinuha noong Marso 8, 2023, mula sa http://bit.ly/3ZM0091
Please follow and like us:

One thought on “Healthy Swimmers: Paano Panatilihing Malusog ang Iyong Semilya

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon