fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Iba’t-Ibang Amoy Ng Ari At Ang Kanilang Mga Sanhi

Vaginal Odors

Ang malusog na ari at maaaring magkaroon ng iba’t-ibang amoy, pero hindi dapat ito mangamoy bulaklak.

Ang telebisyon ay nilulunod tayo sa maraming patalastas para sa mga femine wash at mga feminine product (tulad ng napkin) na pinagmamalaki ang kanilang amoy na “passionate bloom” o “fresh blossoms”. Lahat ng mga produktong ito ay sinisikap na itago ang natural na amoy ng ari, at pinaparamdam sa atin na dapat mahiya tayo sa natural na gawain ng ating katawan.

Ang ari ay tahanan ng bilyun-bilyong likas na bakterya, at pwedeng magbago ito araw-araw — at minsan kada oras. Ang iyong kinakain at kalagayan ng kalusugan ay maaaring makaapekto sa amoy ng ari. Normal lang na magbago ang amoy kasabay ng pagbabago sa mga antas ng hormon sa siklo ng regla, pagbubuntis, at menopos. Maliban doon, ang singit ay may mga glandula ng pawis (sweat glands), kaya hindi na kagulat-gulat kung bakit may amoy ang ari.

May iilang karaniwang amoy ng ari na malamang mararanasan ng mga babae kahit isang beses sa kanilang buhay, at narito ang ilan:

Matamis

Ang matamis na amoy ay karaniwan, at hindi dapat ikabahala. Maliban sa pagbabago sa antas ng pH ng ari at mga likas na bakterya, ang iyong kinain ay pwede ring dahilan ng matamis na amoy. Ang mga prutas na sitrus tulad ng kahel at pinya ay posibleng makatamis sa amoy ng ari.

Ngunit, ang sobrang pagdami ng yeast sa ari ay pwede rin magresulta sa pagkatamis ng amoy ng ari. Kung ang matamis na amoy ay sinamahan ng tila nasusunog na pakiramdam, pangangati, o pakiramdam na tuyo ang pwerta, mainam na magkonsulta sa OBGYN tungkol dito.

Maasim

Karaniwan na lumikha ng maasim na amoy ang ari. Sa katunayan, ang malusog na ari at ang ilang mga pagkain tulad ng yogurt at sourdough ay mayroong parehong klase ng mabuting bakterya: lactobacilli.

Ang maasim na amoy ay posibleng dulot ng kaasiman (acidity), kung paano dapat ang antas ng pH ng isang malusog na ari. Ang kaasiman ay pinananatili ng lactobacilli, na pinipigilan ang mga masasamang bakterya na dumami masyado.

Mala-bakal

Ang malatanso at bakal na amoy ay karaniwan at bihirang senyales ng seryosong problema.

Baka naamoy mo na ito noon tuwing nireregla. Dahil ang dugo ay mayroong iron, isang uri ng bakal, madalas na ito ang pinagmulan ng malabakal na amoy. Ang regla ay halo ng dugo at tisyu mula sa lining ng matris, na dumadaloy sa pwerta at ari tuwing nireregla.

Baka nakaranas ka na rin konting pagdurugo pagkatapos magtalik, na nagreresulta rin sa malabakal na amoy mula sa ari. Pagkatuyo ng pwerta at marahas na pagtalik ay mga karaniwang dahilan ng maliliit na sugat na nagsasanhi sa pagdurugo. Maaaring makatulong ang paggamit ng pampadulas gawa sa tubig (water-based lubricant) gaya ng EZ Lubricating Jelly para maiwasan ito sa susunod. Kung nagtalik nang walang condom, ang malabakal na amoy ay pwede ring resulta ng paghalo ng semilya at likido ng pwerta.

May iilang seryosong kaso ng pagdurugo na pwede rin magdulot ng malabakal na amoy. Mabuting magpunta na sa doktor kaagad kung nakakaranas ng pagdurugo na walang kinalaman sa iyong regla at kung ang malabakal na amoy ay nagtagal at sinamahan pa ng pangangati o vaginal discharge.

Malansa

Kung amoy malansa na tila isda ang ari mo, baka senyales na iyan ng seryosong sitwasyon.

Ang malansang amoy ng ari ay kadalasang sanhi ng impeksyon, alinman sa bacterial vaginosis o trichomoniasis — pero huwag mag-alala! Parehong ito ay pwedeng magamot ng antibyotiko.

Baka mayroon kang bacterial vaginosis kung ang malansang amoy ay lumakas pagkatapos magtalik, at dumami ang vaginal discharge. Ang impeksyong ito ay dulot ng sobrang pagdami ng bakterya na gumagambala sa sensitibong balanse ng pH ng pwerta. Sa kabilang dako, ang mga sintomas ng trichomoniasis (isang karaniwang sexually transmitted infection) ay malansang amoy, kulay berde na vaginal discharge, pangangati ng ari, at pananakit tuwing umiihi. Karaniwang mas malakas ang amoy dulot ng trichomoniasis kumpara sa bacterial vaginosis.

Pumunta na kaagad sa doktor kung nakakaranas ng alinman sa mga sintomas sa itaas. Susuriin nila kung ano sanhi ng iyong mga sintomas at papayuhan ka kung anong gamot ang iinumin. Huwag subukan mag-douche o gamutin ang sarili dahil pwedeng mapalala nito ang sitwasyon.

Mabaho

Mabahong amoy na nakakakunot ng mukha ay senyales ng malubhang sitwasyon.

Ang pelvic inflammatory disease (PID) ay maaaring magsanhi ng mabahong amoy, pananakit sa puson, at pananakit sa pagtalik. Ang sakit na ito ay malubha at dapat ikonsulta sa doktor kaagad para maiwasang lumala. Sa kabutihang-palad, pwede itong magamot gamit ang mga antibyotiko kapag ikonsulta sa doktor kaagad.

Pwede ring magresulta sa pamamaho ang naiwang tampon sa loob ng pwerta. Posibleng maalis ang nakalimutang tampon nang sarili, pero wala ring kailangan ikahiya sa pagbisita sa OB-GYN para magpatulong at magpasuri.

Malakas na amoy

Ang malakas na amoy na parang body odor ay normal — lalo na kung ika’y aktibong babae — dahil ang mga glandula ng pawis (sweat glands) malapit sa iyong ari ay nagpapakawala ng kahalumigmigan. Kung nababahala ka sa amoy, mabuting bisitahin ang iyong doktor para masiguradong hindi ito sanhi ng impeksyon o kondisyon.

Maliban sa pisikal na aktibidad, ang stress at pagkabalisa ay pwede ring maghikayat sa mga glandula ng pawis na magpakawala ng kahalumigmigan. Ang mga glandula ng apocrine (aprocrine glands; uri ng glandula ng pawis) ay lumilikha ng mala-gatas na likido kapag ika’y na-se-stress o nababalisa. Walang amoy ang likido mismo, pero pwedeng gumawa ng malakas na amoy kapag humalo sa mga bakterya sa iyong bulba o pwerta.

Amoy bleach

Ang amoy na parang kemikal o bleach ay posibleng sanhi ng bahid ng ihi sa panty o bulba. Kung malakas ang amoy, baka senyales na ito ng dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan.

May ilang babae rin na sensitibo sa amoy ng mga condom at pampadulas (lubricant). Subukang gumamit ng condom na may banayad na amoy, o mga pampadulas (water-based lubricant) tulad ng EZ Lubricating Jelly.

Kailang dapat pumunta sa doktor

Normal makaranas ng mga pagbabago sa amoy ng ari, pero may ilang mga bagay na dapat mong bantayan.

Kung ang amoy ay nakakakunot na ng mukha, siguradong kailangan mo nang pumunta sa doktor. Mga amoy na parang patay o bulok ay dapat nang bigyan ng atensyong medikal sa lalong madaling panahon.

Mga iba pang sintomas na dapat mong bantayan:

  • Pangangati o hapdi sa ari
  • Pananakit
  • Pananakit sa pagtalik
  • Malapot at puti na vaginal discharge na mukhang cottage cheese
  • Pagdurugo na walang kinalaman sa iyong regla

Paano maiwasan ang mga mababahong amoy

Kalinisan sa katawan

Ang kalinisan sa katawan ay isa sa pinakamahalaga ang pinakamadaling paraan para maiwasan ang pangangamoy ng ari at para mapanatiling mabuti ang kalusugan nito.

Mga gawi pagkatapos magtalik

Ang paggamit ng condom ay nakakaiwas sa paghalo ng semilya at likido ng pwerta na posibleng magresulta sa mabahong amoy kapag sila’y naghalo.

Pag-ihi at paghugas ng ari gamit ang tubig pagkatapos magtalik ay nakakatulong sa pagbanlaw ng mga bakterya na mapanganib makapasok sa pwerta.

Pagbabawas sa asukal at pag-inom ng maraming tubig

Ang pagkain ng matatamis ay nakaka-engganyo sa bakteryang yeast na lumago, at gawing mas malakas ng amoy ng ari.

Nakakapigil sa sobra-sobrang paglago ng bakterya at nakakabawas sa amoy ng pawis ang pag-inom ng maraming tubig araw-araw, kaya nakakahina rin ito sa amoy ng ari.

Mga pinag-mulan:

https://www.healthline.com/health/womens-health/vagina-smells

https://www.cosmopolitan.com/health-fitness/a10241526/vaginal-odors/

https://www.medicalnewstoday.com/articles/317560.php#types-of-vaginal-odor

Please follow and like us:

113 thoughts on “Iba’t-Ibang Amoy Ng Ari At Ang Kanilang Mga Sanhi

  1. hello po. Mahigit tatlong buwan konapo nararanasan yung pananakit sobra ng puson ko. Tapos yung amoy ng regla ko parang wala pong amoy hindi sya amoy malansa. At yung dugo kopo parang kulay maroon hindi po sya kulay pula

    1. Hi Leila! Maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan, gaya ng impeksyon o kondisyon. Doktor lang po ang makakasuri sa inyo. Mabuting makipag-ugnay na kaagad sa OB/GYN ukol dito o magpunta sa malapit na health center para makita ang sanhi at mapayuhan ka kung ano ang angkop na lunas para sa iyong sitwasyon.

    1. Hi JM! Tulad nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng makaapekto sa vaginal discharge, kasama na ang kinakain at gamot na iniinom. Maaari ring sintomas ito ng isang impeksyon.

  2. Hi po. Tanung ko lng po. Bakit po pag pinuputik ng husband ko sa loob and kinabukas po eh. Mabaho po ung amoy nya sakin. Kahit na mag hugas po ako.

    1. Hi Jillyn! Ang mabahong amoy po ay maaaring sanhi ng paghahalo ng inyong vaginal discharge at ng kanyang semilya. Kung nais po ito maiwasan, mainam na gumamit po ng condom tulad ng TRUST Condoms o Premiere Condoms.

  3. hi ako po amoy maasim ang discharge ko at minsan makati ang ari ko paiba ina din po ang discharge ko may white yellowish at minsan parang tubig lagi naman po ako naghuhugas sana po masagot nyo

  4. Good afternoon po!
    Tanong ko lang po, bakit po may lumalabas sa ari ko na Malapot at puti na vaginal discharge na mukhang cottage cheese pero wala pong amoy. Madalas rin po akong kung magdischarge. Worry lang po ako kasi po buo-buo yung lumalabas and irregular pp ang menstrual period ko. Thank you!

  5. Hi bakit po kaya iba ang amoy nang ari ko, hindi ko alam kung amoy malansa ba or basta mabahong amoy po, dati wala namang gantong amoy, hindi po kaya dahil sa ako ay nagbubuntis? Ano po ba usually ang amoy nang ari nang babae kapag nagbubuntis? Salamat po

    1. Hi Ronilda! Dahil po nagbabago-bago ang antas ng mga hormon habang buntis, ika’y mas prone sa mga impeksyon. Ang amoy ng iyong vaginal discharge ay maaari ring maapektuhan ng iyong kinakain, iniinom, o tinetake na gamot. Mainam po na ikonsulta ito kaagad sa iyong OB/GYN dahil may mga impeksyon na nagsasanhi ng mabahong vaginal discharge kahit walang ibang sintomas na nararamdaman.

      1. Hi Janeru! Tulad nga po ng nabasa niyo sa artikulong ito, ang iyong kinakain at gamot na iniinom ay maaaring makaapekto sa iyong vaginal discharge, kasama ang kulay at amoy nito.

  6. Hi po.. Bakit po kaya nag aamoy body odor ang ari ko eh lagi naman po ako naghuhugas? Anu po kaya ang pwede ko gamitin na panghugas o sabon para po mawala ang ganung amoy? Salamat po

    1. Hi Net! Karaniwang nangangamoy body odor rin po ang ari dahil maaaring nanggagaling ang amoy na ito sa singit. Ang singit po ay nagpapawis rin, at nakukulob ang amoy nito kaya nagsasanhi sa body odor. Mahalagang panatilihin ring malinis ang singit sa pamamagitan ng paghugas rin araw-araw, at pagiwas sa matagal at madalas na pagsuot ng masisikip na damit.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon