fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Implantation Bleeding

implantation bleeding

“Niregla” ka pero sobrang hina lang ng daloy at halos tatlong araw lang nagtagal. Nakakaranas ka rin ng mga sintomas ng pagbubuntis, kaya ngayon naghihinala ka nang buntis ka ba o hindi. Ang tanging paraan para malaman kung ikaw ba ay buntis ay sa pamamagitan ng pagkuha ng pregnancy test.

Pero kung napapaisip ka kung ang iyong maikling “regla” ay normal ba o senyales na ng seryosong bagay, ito ang kailangan mong malaman — posible nga na regla talaga siya, pero pwede rin siyang implantation bleeding. Medyo nakakalito kung ano ba ang kanilang pinagkaiba. Narito ang ilang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa implantation bleeding.

Ano ang implantation bleeding?

Ang implantation bleeding ay isa sa mga pangunahing senyales ng pagbubuntis, ngunit hindi lahat makakaranas nito.

Karaniwan, ang pagdurugo ay nangyayari sa loob ng 6 hanggang 12 araw pagkatapos ng konsepsyon, kung kailan ang napertilisang selulang itlog ay kumapit na sa uterine lining. Madalas itong mapagkamalang regla dahil halos pareho sila ng itsura at panahon kung kailan ka karaniwang nireregla kada buwan.

Paano malalaman ang pinagkaiba ng regla at implantation bleeding?

May iilang iba sa implantation bleeding kumpara sa regla. Narito ang ilang sa kanila:

Tagal: Ang mga regla ay karaniwang nagtatagal nang tatlo hanggang pitong araw. Ang implantation bleeding ay nagtatagal lamang ng ilang oras hanggang tatlong araw.

Kulay: Kahit gaano kabigat ang daloy, ang dugo mula sa regla ay kadalasang makintab na pula hanggang maitim na pula. Ang dugo naman mula sa implantation bleeding ay madalas kulay rosas hanggang kulay kayumanggi na parang kalawang, o kaya itim.

Daloy: Madalas naguumpisa nang malakas ang regla at gumagaan habang patapos, at sapat para makapuno ng napkin o tampon. Ang implantation bleeding ay hindi tulad ng regla. Spotting lamang ito o napakagaan na pagdurugo.

Pananakit: Sumasakit ang puson tuwing regla, at madalas naguumpisa bago ang pagdurugo, at nagtatagal nang dalawa hanggang tatlong araw. Hindi ka makakaranas ng ganitong pananakit ng puson sa implantation. Kung mayroon man, sobrang hina lang kumpara kapag ika’y nireregla.

Pamumuo: Madalas na may buo-buong dugo sa regla, samantalang ang dugo mula sa implantation bleeding ay wala.

May ibang sintomas bang kasama ang implantation bleeding?

  • Mood swing o pabago-bagong damdamin
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkaduwal o nasusuka
  • Pananakit ng mga suso
  • Pananakit ng bandang ibaba ng likod

Pwede ring mga sintomas ng PMS o obulasyon ito. Kung nakakaranas ka ng mga sintomas na ito kasama ang rosas/kayumangging spotting, hindi ibig sabihin na buntis ka na kaagad.

Kailan dapat magsagawa pregnancy test?

Kumuha ng pregnancy test isang linggo pagkatapos ng nakaligtaang regla, o tatlong araw pagkatapos ng spotting.

Kailan dapat mag-alala?

Kahit anong pagdurugo habang buntis ay itinuturing na hindi normal. Hindi lahat ng pagdurugo ay senyales na agad ng komplikasyon, ngunit baka ipapasailalim ka ng iyong doktor sa ilang pagsusuri para makita kung ano ang sanhi. Kahit na ang implantation bleeding ay karaniwang hindi dapat sanhi ng pagkabahala, mas mabuti pa ring makipag-ugnay sa healthcare provider ukol dito.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/pregnancy/implantation-bleeding

https://americanpregnancy.org/getting-pregnant/what-is-implantation-bleeding/

https://www.healthline.com/health/pregnancy/how-long-does-implantation-bleeding-last

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/expert-answers/implantation-bleeding/faq-20058257

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon