Kanser Sa Suso
Ang kanser sa suso ay isang malubhang problema sa kalusugan. Ito ang pinaka-karaniwang anyo ng kanser sa mga kababaihang Pilipino anuman ang edad. Tinatantya ng mga doktor na 3 sa 100 babae ang magkakaroon ng kanser sa suso sa kanilang buhay.
Ang unang senyales ng kanser sa suso ay isang bukol sa suso o isang abnormal na resulta ng mammogram. May iba’t ibang klase ng kanser sa suso: mula sa maaga, maaaring magamot, hanggang sa malubhang kumalat na.
- Ang unang sintomas ay bukol sa suso o kilikili na nananatili hanggang pagkatapos ng iyong regla. Karaniwan hindi sila masakit, ngunit ang ilan ay maaaring merong mahapding pakiramdam. Ang mga bukol ay karaniwang nakikita sa isang mammogram kahit hindi ito nakita o naramdaman sa simpleng pagkapa.
- Pamamaga sa kilikili.
- Masakit o namamagang suso.
- Isang kapansin-pansin na pagpatag o bahagyang paglubog sa suso, na maaaring senyales ng isang bukol na hindi nakikita o nadarama.
- Anumang pagbabago sa laki, hugis, pakiramdam, o temperatura ng suso. Kapag mamula-mula at lubak-lubak tulad ng balat ng isang ponkan, ito ay maaaring senyales ng malubhang kanser sa suso.
- Pagbabago sa utong, tulad ng paglubog ng utong, lubak-lubak, pangangati, hapdi, o pagbuo ng mga pigsa.
- Kakaibang paglabas ng likido mula sa utong na maaaring maging malinaw, madugong, o ibang kulay. Maaaring ito ay dahil sa kanser lamang sa ilang mga kaso.
- Tila may holen sa ilalim ng balat.
- Isang bahagi na kakaiba sa alinmang bahagi sa suso.
Ang mga eksaminasyon para sa kanser sa suso, tulad ng mga pagsusuri sa suso o mga mammogram, ay nakakatulong maagapan at magamot kaagad ang kanser sa suso bago pa lumala.
Kanser Sa Serviks
Ang kanser sa serviks ay nagsisimula sa serviks, ang makitid na parte sa ibabang bahagi ng matris. Ito ang pangalawang nangungunang anyo ng kanser sa Pilipinas, na may tinatayang 7,277 bagong kaso taon-taon, at 3,807 pagkamatay ang inaasahan sa bawat taon.
Karamihan sa mga kaso ng kanser sa serviks ay sanhi ng isang lubhang mapanganib na uri ng HPV (human papillomavirus). Ang HPV ay isang mikrobiyo na napapasa-pasa sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ari, tulad ng vaginal, anal, o oral sex. Kung ang impeksyong HPV ay hindi mawawala nang kusa, at pwede itong magdulot ng kanser sa serviks sa paglipas ng panahon. May iba pang mga bagay na maaaring pataasin ang tsansa magkaroon ng kanser kasunod ng lubhang mapanganib na impeksyong HPV, at ang mga ito ay:
- Paninigarilyo.
- Pagkakaroon ng HIV (human immunodeficiency virus), o paghina ng resistensya.
- Pag-inom ng kontraseptibong pildoras sa loob ng mahabang panahon (higit sa limang taon).
- Pag-aanak ng tatlo o higit pang mga bata.
Maaari maiwasan ang kanser sa serviks sa pamamagitan ng pagkuha ng bakuna sa HPV. Ang bakunang ito ay magagamit at ginagamit na sa Pilipinas nang ilang dekada. Tanungin ang iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan tungkol sa pagpapabakuna. Ang pagsasailalim sa regular na pelvic examination ay makakatulong upang makita ang kanser sa serviks nang maaga, at ang paggamit ng mga condom sa panahon ng pagtatalik ay maaaring maiwasan ang pagkalat ng HPV.
Kanser Sa Obaryo
Ang kanser sa obaryo ay nagsisimula sa mga obaryo, na matatagpuan sa bawat panig ng matris. Ang mga obaryo ay gumagawa ng mga pambabaeng hormon, at ng mga selulang itlog ng babae. Ang kanser sa obaryo ay isang malubhang cancer na mas karaniwan sa mga matatandang babae. Ang paggamot ay pinaka-epektibo kapag ang kanser ay naagapan nang maaga.
Sintomas
- Pananakit ng balakang o puson
- Pamamaga ng puson
- Kailangang umihi kaagad
- Kadalasan ng pag-ihi (kinakailangang umihi nang madalas)
- Tibi o pagtatae
- Mabilis mabusog kapag kumakain
- Nahihirapan kumain
- Pagdurugo mula sa ari o iba pang paglabas na likido na naiiba sa normal
- Pananakit ng likod
Kanser Sa Matris
Ang kanser sa matris ay nakakaapekto sa sinapupunan, ang guwang, hugis-peras na organo kung saan lumalaki ang isang sanggol sa panahon ng pagbubuntis. Mayroong iba’t ibang mga uri ng kanser sa matris. Ang dalawang uri ay ang kanser sa endometrium, at uterine sarcomas. Ang kanser sa endometrium ay ang mas karaniwang klase ng kanser sa dalawa. Ang ganitong uri ng kanser ay nangyayari kapag nagsisimula ang kanser sa tisyu ng uterine lining (endometrium). Ang mga uterine sarcomas ay nangyayari kapag ang kanser ay nagsisimula sa mga kalamnan o iba pang mga sumusuportang tisyu sa matris. Sa mga kaso ng kanser sa matris, ang uterine sarcomas ay iilang kaso lamang.
Kanser Sa Ari
Ang kanser sa ari ay isang sakit na kung saan nabubuo ang mga malignant (kanser) na selula sa ari.
Ang ari ay ang kanal na humahantong mula sa serviks (pagbubukas ng matris) hanggang sa labas ng katawan. Sa ari rin dumadaan palabas ang sanggol sa pagsilang kaya ito ay tinatawag din na birth canal.
Ang kanser sa ari ay hindi karaniwan, at mayroong dalawang pangunahing uri:
Squamous cell carcinoma: Ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa ari. Nabubuo ito sa mga selulang squamous (ang manipis at patag na selula na nakapalibot sa ari), at dahan-dahan ito kumakalat karaniwan malapit sa ari. Maaari rin itong kumalat sa baga, atay, o buto.
Adenocarcinoma: Ang kanser na nagsisimula sa mga glandular (secretory) na selula, mga selula na matatagpuan sa paligid ng ari. Ang mga glandular na selula ay responsable sa paggawa at pagpapakawala ng mga likido tulad ng uhog. Ang adenocarcinoma ay mas karaniwang kumakalat sa mga baga at mga lymph node, kaysa sa squamous cell cancer. Ang isang bihirang uri ng adenocarcinoma ay naka-ugnay sa pagsasailalim sa diethylstilbestrol (DES) bago ipanganak, habang ang mga adenocarcinomas na hindi naka-ugnay sa pagsasailalim sa DES ay pinaka-karaniwan sa mga kababaihan pagkatapos ng menopos.
Ang anumang bagay na nagpapataas ng iyong panganib na makakuha ng isang sakit ay tinatawag na risk factor. Ang pagkakaroon ng isang risk factor ay hindi nangangahulugang magkakaroon ka ng kanser, at ang hindi pagkakaroon ng mga risk factor ay hindi nangangahulugang ligtas ka sa kanser. Makipag-usap sa iyong doktor kung sa palagay mo ay maaaring na sa peligro ka. Ang mga risk factor para sa kanser sa ari ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- May edad na 60 o higit pa.
- Pagsasailalim sa DES habang nasa sinapupunan ng ina. Noong 1950s, ang gamot na DES ay ibinigay sa ilang mga buntis upang maiwasang makunan (napaagang kapanganakan ng isang fetus na hindi mabubuhay). Ang mga babaeng sumailalim sa DES bago ipanganak ay may mas mataas na panganib ng kanser sa ari. Ang ilan sa mga babae ay nagkakaroon ng isang bihirang anyo ng kanser sa ari na tinatawag na clear cell adenocarcinoma.
- Ang pagkakaroon ng impeksyong human papillomavirus (HPV).
- Ang pagkakaroon ng kasaysayan ng mga hindi normal na mga selula sa serviks, o kanser sa serviks.
- Ang pagsasailalim sa hysterectomy dahil sa mga problema sa kalusugan na nakakaapekto sa matris.
Mga pinagmulan:
http://www.webmd.com/cancer/cervical-cancer/default.htm
https://www.doh.gov.ph/Health-Advisory/Uterine-Cervix-Cancer
https://www.pna.gov.ph/articles/1063773