fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Kontraseptibong Iniksyon

contraceptive injectable, injectables, shot, contraceptive, family planning, reproductive health, depotrust, lyndavel

Sa Isang Tingin:

  • Tatlong buwang proteksyon laban sa pagbubuntis.
  • Kailangang pangasiwaan ng tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan ang pagturok.
  • Hindi napapansin.
  • Maaaring makaranas ng hindi regular na pagregla.
  • Kung ipapaturok ang iniksyon sa tamang oras, mabisa ito nang 99 porsyento.

Ano Ito

Ang kontraseptibong iniksyon, na mas kilala bilang Depo, ay tinuturok ng doktor o tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan, at nagpapalabas ng hormon na progestin na pumipigil sa pagbubuntis. Kapag nagpaturok, ang iyong proteksyon mula sa pagbubuntis ay saklaw ang tatlong buong buwan (13 linggo)—wala ka nang ibang gagawin. Ang ilang mga babae ay nagsabing hindi nila gusto ang iniksyon dahil natatakot sila sa mga karayom. Ngunit, ano ang isang maliit na turok kumpara sa isang hindi planadong pagbubuntis?

Paano Ito Gumagana

Gumagana ang iniksyon sa pamamagitan ng paglabas ng progestin sa loob ng tatlong buwan. Pinapalapot nito ang uhog ng serviks na hinaharangan ang semilya mula sa pagtagpo sa selulang itlog, at pinipigilan ang pagsanib ng semilya at selulang itlog. Ginagawang mas mahirap din para sa selulang itlog na kumabit sa uterine lining kung sakaling ito ay nagsanib sa semilya—at naiwasan muli ang pagbubuntis.

Paano Gamitin Ito

Wala ka talagang kailangan gawin upang magamit ang iniksyon, maliban sa pagtiyak na mapanatili ang regular na pagpunta sa tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan para magpaturok kapag kinakailangan na. Pumunta sa klinika para sa unang turok, at bumalik tuwing ikatlong buwan para sa susunod na turok—madali lang!

Siguraduhing talakayin ang araw ng pagregla at iskedyul ng pagturok sa iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan, dahil makakatulong ito na matukoy kung gaano kalaunan matapos ang pagturok ay protektado ka. Kung nakuha mo ang iniksyon habang may regla ka, epektibo ito kaagad. Kung makuha mo ito habang walang regla, kailangan maghintay nang isang linggo upang maging epektibo.

Gayundin, mahalaga na makuha ang iniksyon sa tamang oras. Kung ikaw ay higit sa apat na linggo huli para sa kasunod na iniksyon, at nakikipagtalik nang walang proteksyon, maaaring kailanganin magpasuri muna kung ika’y buntis bago ang susunod na iniksyon.

Mga Positibo

  • Madaling gamitin.
  • Hindi nakakaantala sa pagtatalik.
  • Sobrang pribado—walang makakaalam maliban kung sinabi mo.
  • Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pag-inom ng pildoras araw-araw.
  • Maaaring mas maikli at mas magaan ang regla—o walang regla.
  • Ang iyong proteksyon mula sa pagbubuntis ay saklaw na ang tatlong buwan sa isang dosis ng iniksyon.
  • Maaaring ipaturok ng mga babaeng hindi pwede gumamit ng estrogen
  • Ito ay napaka-epektibo sa pag-iwas sa pagbubuntis—kung makapagpaturok sa tamang oras.
  • Ligtas na gamitin ng mga nagpapasusong ina.

Mga Negatibo

Ang pagkabahala sa mga posibleng mararanasang pagbabago ay normal, ngunit para sa karamihan sa mga babae, hindi sila namorblema. Kung may nararanasan ka, mawawala rin sila sa paglipas ng panahon. Habang nagpapakilala ka ng mga hormon sa iyong katawan, bigyan ng konting panahon para maayos.

Mga karaniwang reklamo:

  • Hindi regular na paregla, lalo na sa unang 6-12 na buwan (maaaring mangahulugan ng mas mahaba, mas mabibigat na regla, o pagdurugo sa pagitan ng mga pagregla, o ang paghinto ng pagregla).
  • Pag-iba ng gana kumain.
  • Ang pagbisita sa klinika kada-13 linggo.
  • Ang pagkaantala sa pagbalik ng pagkamayabong nang ilang buwan matapos ang pagtigil mag paturok.

Mga hindi karaniwang epekto:

  • Pagbabago sa libog.
  • Depresyon.
  • Ang pagkawala ng buhok, o higit pang buhok sa iyong mukha at katawan.
  • Sakit ng ulo.
  • Pagsusuka.
  • Pananakit ng mga suso.

Tandaan: sa iniksyon, walang paraan upang ihinto ang iyong mga nararanasan. Kung hindi ka pa rin komportable pagkatapos ng kurso ng dalawang sunod-sunod na turok, baka mas mainam na magpalit ng kontraseptibo.

Karaniwang Maling Pagkaunawa

  • Ang pagkawala ng buwanang pagregla ay hindi nakakapinsala at hindi nangangahulugang na ang dugo ay “naiipon” sa loob ng katawan.
  • Hindi nakakabaog.
  • Kahit na ang iniksyon ay maaaring maantala ang pagbalik ng pagkamayabong, mahalaga pa rin na magpaturok kada tatlong buwan (13 linggo) kung nais masigurado ang pag-iwas sa pagbubuntis.
  • Ang pagpapaturok ay hindi makakagambala sa isang ganap nang pagbubuntis.

Pinagmulan:

https://www.nhs.uk/conditions/contraception/contraceptive-injection/

Please follow and like us:

23 thoughts on “Kontraseptibong Iniksyon

    1. Hi Ivee! Dahil lipas na ang iyong injectable, hindi na po ito lubos na mapoprotektahan ka. Mainam na magpaturok na uli ng susunod sa tamang oras, o kaya gumamit ng ibang kontrasepsyon tulad ng TRUST o Premiere Condom para siguradong protektado ka.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon