fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Masakit na pagbulalas: Ano ang dapat mong malaman

Ang masakit na pagbulalas ay ginagawang nakakainis ang isa sa pinakadakilang kasayahan sa buhay.

Ang dysorgasmia o orgasmalgia, o ang masakit na pagbulalas, ay isang kondisyon kung saan nakakaramdam ang lalaki ng pananakit habang o pagkatapos ng bawat pagbulalas. Ang sakit na ito ay maaaring maramdaman sa ari, bayag, perineal o ang lugar sa paligid ng puwit.

Ang kondisyong ito ay maaaring makaapekto sa relasyon at sa buhay sekswal ng isang lalaki. Maaari rin itong sintomas ng katamtaman hanggang seryosong kumplikasyon.

Sanhi

Ang masakit na pagbulalas ay maaaring dulot ng maraming iba’t-ibang kondisyon. May mga panahon ding ang sanhi ay sikolohikal o hindi maipaliwanag ng sanhing medikal. Ang mga karaniwang sanhi ay ang mga sumusunod:

Prostatitis

Ang problema sa prostate ang isa sa pinakakaraniwang sanhi ng masakit na pagbulalas. Kabilang rito ang prostatitis o ang pamamaga ng prostate. Ang prostatitis ay kadalasang dahil sa impeksyon sa prostate, at nagdudulot rin ito ng pananakit tuwing umiihi, na maaaring maihalintulad sa urinary tract infection (UTI). Ilan pa sa sintomas nito ang pananakit sa baba ng tiyan o hirap sa pagkakaroon ng ereksyon.

Ilang mga operasyon

May mga operasyong may iba’t-ibang mga epekto, kasama na rito ang masakit na pagbulalas. Ang mga operasyong sangkot ang prostate o paggamot sa kanser sa prostate ay maaaring magdulot ng sakit na ito. Ilan pa sa mga epekto ay ang hirap sa ereksyon at pananakit ng ari o bayag.

Ang operasyon din para sa hernia ay maaaring magdulot ng masakit na pagbulalas.

Ilang medikasyon

May ilang mga medikasyon ang maaaring magdulot ng masakit na pagbulalas. Kabilang rito ang mga antidepressants, na maaari ring magdulot ng iba pang problemang pang-sekswal tulad ng pagbabago ng libido at problema sa ereksyon.

Cyst o mga bato

Ang pagkakaroon ng mga cyst o mga bato sa ejaculatory duct ay maaaring magdulot ng sakit tuwing nagbubulalas. Maaari nitong maharangan ang tubong dinadaanan ng bulalas, kaya nagdudulot ng pananakit. Maaari rin itong magdulot ng infertility.

Kanser sa prostate

Isa sa pinakakaraniwang sintomas ng kanser sa prostate ay ang masakit na pagbulalas. Kahit na kadalasa’y wala itong sintomas, ang uri ng kanser na ito ay may karaniwang sintomas din tulad ng erectile dysfunction, problema sa pag-ihi, o dugo sa semilya o ihi.

Sexually Transmitted Infection (STI)

May maraming bilang ng mga sexually transmitted infection (STI) ang maaaring magdulot ng masakit na pagbulalas. Dagdag pa rito, maaari ring maramdaman ng mga lalaki ang mainit na pakiramdam sa ari tuwing umiihi. 

Ilan sa karaniwang impeksyon ay gonorrhea, chlamydia, at trichomoniasis.

Problema sa seminal vesicle

Ang seminal vesicle ay isang gland na naghahalo ng sperm at iba pang likido ng katawan upang maging semilya. Kapag ang gland na ito ay may problema, tulad ng mga pagtubo ng calculi, maaari itong magdulot ng masakit na pagbulalas.

Problema sa nervous system

Ang mga problemang nakakaapekto sa nervous system ay maaaring magdulot ng pagkasira ng mga ugat na responsable sa orgasmo at pagbulalas. Ang mga pagkasirang ito ay maaaring magdulot ng pananakit tuwing nagbubulalas.

Ilan pang mga pinsalang pisikal na maaaring makaapekto sa ugat ay maaaring magdulot ng sakit. Ang mga lalaking may masamang kasaysayan sa kanilang spinal cord ay may iba ring maaaring maranasang pakiramdam tuwing nagbubulalas.

Isyung sikolohikal

Ang iba’t-ibang uri ng isyung sikolohikal kabilang ang depresyon, stress, at anxiety ang maaaring makaapekto sa buhay sekswal ng lalaki, na maaari ring maging pisikal na problema tulad ng masakit na pagbulalas.

Paggamot

Ang paggamot nito ay iba-iba depende sa makikitang sanhi. Makipag-usap sa iyong doktor at magpatingin nang maayos. Maaaring magsagawa sila ng pagsusuring pisikal, pati na rin ang iba pang pagsusuri upang makita ang sanhi ng problema.

Prostatitis, mga STI, at iba pang impeksyon – isang kurso ng mga antibiotic ang madalas na inerereseta. Para sa mas malalang mga impeksyon, maaaring IV na uri ng antibiotic o pagpapaospital ang kinakailangan.

Mga medikasyon at antidepressant – makipag-usap sa iyong doktor upang malaman ang maaaring pwedeng ipalit sa iyong gamot. Huwag humintong inumin ang iyong medikasyon ng hindi nakikipag-usap muna sa iyong doktor, dahil maaaring lumala ang iyong kondisyon.

Cyst at mga bato – ang pagbara ng mga cyst o bato ay madalas na ginagamot sa pamamagitan ng operasyon at pag-aalis nito sa ejaculatory duct.

Epekto ng operasyon – sa mabagal pero siguradong paraan, gumagaling ito ng kusa. Pero, maaari mo namang kausapin ang iyong doktor tungkol sa maaaring paggagamot na bagay dito, lalo na para sa isang tiyak na kondisyon.

Kanser sa prostate – may iba’t-ibang lakas ang paggagamot na mayroon rito, depende sa uri, stage, at sa gaano ka-agresibo ang kanser. Karaniwang paggamot dito ay radiation therapy, hormone therapy, at chemotherapy.

Sikolohikal na problema – upang malaman kung anong sanhi ng sikolohikal na isyu na nagdudulot ng masakit na pagbulalas, therapy ang kinakailangan. Ang therapist ay maaaring makatulong na mahanap at pangasiwaan ang isyung ito.

Kahit na maaaring nakakahiyang pag-usapan ang problema sa pagbubulalas, ang masakit na pagbubulalas ay isang sintomas na hindi dapat ipagkibit-balikat. Isa itong hindi komportableng pakiramdam na siguradong makakaapekto sa iyong buhay sekswal nang negatibo.

Tandaan na ang masakit na pagbulalas ay isang totoong problemang medikal na kailangang maresolba gamit ang tamang paggamot. Ugaliing makipag-usap sa iyong doktor kung nakakaramdam ng pananakit sa iyong pagbubulalas o orgasmo. Kung mapapabayaan, maaaring maging mas malala ito at magpawi sa kasiglahan ng pakikipagtalik.

Pinagmulan:

https://www.healthymale.org.au/mens-health/painful-ejaculation

https://www.medicalnewstoday.com/articles/320470

https://www.healthline.com/health/mens-health/painful-ejaculation

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon