Malaki ang ambag ng mga hormones sa iyong kalusugan at pag-regulate ng iba’t ibang tungkulin ng mga organs.
Isa sa mga hormones na ito ay ang estrogen. Mas kilala ito bilang female sex hormone. Ang katawan ng mga lalaki ay naglilikha rin ng estrogen, pero mas mababa ang antas kumpara sa mga babae.
Nag-iiba rin ang antas ng estrogen habang dumadaan sa iba’t ibang punto ng menstrual cycle. Pero may mga pagkakataon sobra-sobra naman ito bumababa — anong nangyayari pag ganito?
Bakit mahalaga ang antas ng estrogen?
Ang estrogen ay responsable sa:
- Sexual development ng mga babae kapag nagdadalaga
- Paglago ng uterine lining bilang paghahanda sa pagregla o pagbubuntis
- Pagbabago sa mga suso kapag nagdadalaga o nagbubuntis
- Pag-regulate ng gana kumain, timbang, glucose metabolism, at insulin sensitivity
Ang estrogen ay may kinalaman rin sa pag-develop rin ng utak, cardiovascular system, buhok, musculoskeletal system, balat, at urinary tract.
Paunti-unti lang naman mag-likha ng estrogen ang katawan. Pero kapag masyadong kaunti naman ito, posibleng makaranas ka ng ilang problema sa kalusugan.
Anu-anong nakakaapekto sa antas ng estrogen?
May iba’t-ibang dahilan kung bakit nag-iiba ang antas ng estrogen. Dahil ang mga ovaries ang pangunahing organ na nag-lilikha nito, ang anumang kondisyon na nakakaapekto o nakakasama sa mga ovaries ay maaaring magdulot ng pagbaba sa antas ng estrogen.
Ang edad ay ang isa sa mga pangunahing sanhi ng mababang antas ng estrogen. Normal lang sa mga babae na bumaba ang estrogen habang papalapit sa menopause.
Ngunit, maaaring makaranas ng mababang antas ng estrogen sa anumang edad. Sa mga mas batang babae, maaaring dulot ito ng:
- Labis na pag-eehersisyo
- Sobrang babang timbang
- Mga thyroid disorders
- Turner Syndrome
- Low-functioning pituitary gland
- Premature ovarian failure
- Chronic kidney disease
- Chemotherapy
Kung nasa lahi niyo rin ang mga hormonal problems, pwede rin itong magdulot ng mababang antas ng estrogen.
Ano ang mga senyales at sintomas ng mababang antas ng estrogen?
Ang mga karaniwang sintomas ng mababang antas ng estrogen ay:
- Irregular mens
- Pagkaranas ng pananakit tuwing nakikipagtalik
- Mood swings
- Hot flashes
- Madalas na pagkakaroon ng urinary tract infections (UTI)
May ilang babae na nakakaranas rin ng menstrual migraine, o labis na pananakit ng ulo, dahil sa biglang pagbaba ng antas ng estrogen.
Ang estrogen kasama ang calcium, vitamin D, at iba pang mga minerals ay nagpapanatili ng malakas at matibay ang mga buto. Kapag masyadong mababa ang antas ng estrogen, maaaring mag-sanhi sa pagbaba ng bone density; saka tumataas ang tsansa na makaranas ng mga fractures o osteoporosis.
Ano ang lunas sa mababang antas ng estrogen?
‘Di lahat ng kaso ng mababang estrogen ay mangangailangan ng paggamot. Pero maaari maghanap ng lunas ang mga nakakaranas ng nakakaabalang sintomas.
Estrogen Therapy
Maaaring maresetahan ng estrogen kapag mababa ang antas nito. Nakakatulong ito sa pagbaba ng panganib para sa bone loss, cardiovascular disease, at iba pang hormonal imbalances. Pwede ring makabuti sa mga malalalang sintomas ng menopause.
Ang angkop na dosis ay nakadepende sa lubha ng nararanasan at kung paano ibibigay ang estrogen. Maaaring oral, topical, vaginal, or ituturok.
Kadalasan nagtatagal ng 1-2 taon ang estrogen therapy. Pero sa iilang kaso, baka kailanganin ng mas mahaba-habang gamutan kahit na naging normal na ang antas ng estrogen.
Hormone Replacement Therapy
Binabalik ng HRT sa normal ang mga antas ng hormones. Kadalasan ito inirerekumenda sa mga babaeng papalapit na sa menopause o nakakaranas ng mga sintomas ng post-menopause.
Ang HRT ay pwede ring oral, topical, vaginal, o ituturok. Ang dosis, tagal, at kombinasyon ng mga hormones ay nakadepende sa bawat kaso.
Ang mga hormones tulad ng estrogen ay napakahalaga para sa iyong kalusugan. At napakaraming dahilan bakit nag-iiba ang mga antas ng hormones.
‘Di naman delikado kapag labis na mababa ang antas ng estrogen. Ngunit, maaari itong magdulot ng problema sa kalusugan at nakakabahalang sintomas.
‘Di rin lahat ay mangangailangan ng paggamot. Mainam na kumonsulta sa doktor kung sa palagay mo’y mababa ang iyong antas ng estrogen o nakakaranas ng mga sintomas.
Mga pinagmulan:
Villines, Z. (January 5, 2023). What happens when estrogen levels are low?. MedicalNewsToday. https://www.medicalnewstoday.com/articles/321064
Davidge-Pitts, C. & Solorzano, C. (January 24, 2022). Reproductive Hormones. Endocrine Society. https://www.hormone.org/your-health-and-hormones/glands-and-hormones-a-to-z/hormones/estrogen
Ginta, D. (February 15, 2023). What Are the Symptoms of Low Estrogen in Women and How Are They Treated? Healthline. https://www.healthline.com/health/womens-health/low-estrogen-symptoms#:~:text=Low%20estrogen%20levels%20can%20interfere,years%20and%20become%20more%20effective.