fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mataas na antas ng testosterone sa mga babae: Mga sanhi, sintomas, at lunas

High testosterone levels in females: Causes, symptoms, and treatment

Ang testosterone ay isang androgen, o male sex hormone. Gayunpaman, ang mga ovary at adrenal gland sa katawan ng mga babae ay naglilikha rin ng kaunting testosterone.

Ang hormone na ito, kasama ng estrogen, ay mahalaga sa paglaki, pagnatili, at pag-aayos ng reproductive tissue at bone mass, pati na rin sa pag-regulate ng libido at mood ng mga babae. Ngunit ano ang maaaring mangyari kapag labis ang antas ng testosterone sa katawan ng babae? Narito ang mga kailangan mong malaman.

Mga sanhi

Ang mga medical condition ay kadalasang nagdudulot ng mga pagbabago sa hormones at labis na testosterone sa mga babae.

Polycystic ovary syndrome (PCOS)

Ang PCOS ay isang karaniwang hormonal disorder na nakakaapekto sa mga babaeng nasa reproductive age. Nagdudulot rin ito sa mga komplikasyon tulad ng pagkabaog, pagtaas ng panganib na makunan at magkaroon ng sakit sa puso, endometrial cancer, labis na katabaan, at sleep apnea.

Ang eksaktong dahilan ng PCOS ay hindi pa alam ng mga eksperto, ngunit ang lahi at labis na insulin ay posibleng mga dulot.

Hirsutism

Ang hirsutism sa mga babae ay ang pagtubo ng hindi kanais-nais na buhok sa mukha at katawan. Kasama sa mga sintomas ang paglago ng buhok na tulad sa lalaki; maitim at magaspang, at kadalasan tumutubo sa dibdib, likod, at mukha.

Congenital adrenal hyperplasia (CAH)

Ang CAH ay isang pangkat ng mga namamanang karamdaman na nakakaapekto sa adrenal glands at produksyon ng mga hormones. Sa karamihan ng mga kaso ng CAH, ang katawan ay naglilikha ng masyadong maraming testosterone, na humahantong sa virilization, o ang pagdedebelop ng mga panlalaking pisikal na katangian sa mga babae.

Mga sintomas

Ang mataas na antas ng testosterone ay maaaring magdulot ng mga sintomas na nakakaapekto sa pisikal na hitsura at pangkalahatang kalusugan, tulad ng:

  • Malalaking kalamnan
  • Maliit na mga suso
  • Malalim na boses
  • Taghiyawat
  • Labis na pagkalagas ng buhok
  • Malaking clitoris
  • Hindi regular at madalang na regla
  • Hindi gaanong katangkaran nung umabot sa sapat na taong gulang, ngunit mabilis naman ang paglaki nung kabataan
  • Pagbabago ng mood
  • Mababang libido

Diagnosis

Ang doktor ay gagawa ng physical test batay sa iyong mga sintomas. Maaari rin silang magtanong tungkol sa iyong menstrual cycle, libido, at mga pagbabago sa mood.

Kung tila mayroon kang PCOS, maaaring magsagawa rin ang doktor ng pelvic ultrasound.

Maaaring hilingin sa iyo na magpa-blood test kung ang iyong mga sintomas ay nagmumungkahi ng mataas na antas ng testosterone. Maaari din nilang suriin ang iyong mga antas ng glucose at kolesterol. Ang mga blood test ay madalas na ginagawa sa umaga, kapag ang mga antas ng testosterone ay pinakamataas.

Paggamot

Ang paggamot para sa labis na testosterone ay depende sa sanhi. Sa pangkalahatan, kinabibilangan ito ng mga pagbabago sa pamumuhay at diyeta, pati na rin ang pag-inom ng mga gamot tulad ng glucocorticosteroids, metformin, oral contraceptive pills, at spironolactone.

Ang mga oral contraceptive pills ay epektibong nakaka-iwas sa labis na testosterone. Ang karaniwang inirerekumendang uri ng pills para sa mataas na testosterone at hirsutism ay ang mga may mabababang dosis ng norgestimate, gestodene, at desogestrel.

Ang pagkamit at pagpapanatili ng katamtamang timbang ay nakakabuti din sa mga sintomas ng hormonal imbalance. Ayon sa isang saliksik, ang pagbaba ng 5 hanggang 10 porsiyento sa timbang ng katawan ay maaaring mapabuti ang mga sintomas ng PCOS, bawasan ang antas ng testosterone, at makatulong na maiwasan ang mga komplikasyon na nauugnay sa pagkabaog.

Pinakamainam na kumunsulta sa doktor kung nakakaranas ka ng mga sintomas ng mataas na antas ng testosterone. Tutulungan ka nilang malaman kung ano ang sanhi nito, at bibigyan ka ng payo sa pinakamahusay na paraan upang malunasan ito.

Mga pinagmulan:

Anthony, K. (February 6, 2023). High Testosterone Levels in Women. Healthline. https://www.healthline.com/health/high-testosterone-in-women 

Leonard, J. (January 12, 2023). What causes high testosterone in women? MedicalNewsToday. https://www.medicalnewstoday.com/articles/321292 

Shkodzik, K. (September 9, 2019). High Testosterone in Women: Signs, Causes, and Treatment. Flo. https://flo.health/menstrual-cycle/health/symptoms-and-diseases/high-testosterone-in-women 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon