fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Menopos

menopause

Ang menopos ay ang kawalan ng regla sa isang buong taon mula sa huling regla ng isang babae. Ito ay panahon pagbabago sa buhay ng babae habang siya’s papasok sa panibagong yugto ng kanyang buhay. Nakakaramdam ng kalayaan ang ilang dahil naguumpisa ang menopos kung kailan natatapos na magregla.

Ang menopos ay natural na proseso ng katawan ng mga babae. Ngunit, nakakadulot rin ito ng kaunting kawalan ng ginhawa dahil sa pagbabago ng mga hormon. Hindi ito problema sa kalusugan, at hindi ito nangangailangan ng paggamot.

Magbasa pa para higit pang malaman ang tungkol sa menopos.

Kailan nagsisimula at natatapos ang menopos?

Ang mga sintomas ng menopos ay lumalabas mga apat na taon bago ang huling regla ng babae. Sa ilang mga kaso, may mga nakakaranas na ng mga sintomas sa loob ng isang dekada bago pa ang talagang simula ng menopos.

Para sa mga Pilipina, karaniwang nagsisimula ang menopos sa edad na 48.

Ang genetika, kalusugan ng mga obaryo, at iba pang mga bagay ang makakatukoy kung kailan magsisimulang magmenopos ang isang babae. Mga isang porsyento ay makakaranas ng premature menopos o primary ovarian insufficiency, kung saan nagsisimula ang menopos bago pa umabot ng 40 taong gulang ang babae. Mga limang porsyento naman ang makakaranas ng menopos sa loob ng edad na 40 hanggang 45, at ito ay tinatawag na early menopause (maagang menopos).

May tawag rin sa mga panahon bago at pagkatapos ng menopos. Ang mga ito ay perimenopause at postmenopause.

Perimenopause

Bago pa ang menopause mismo, mauuna ang perimenopause. Nagsisimula nang magbago ang mga hormon sa perimenopause. Puwede itong magtagal nang ilang buwan hanggang ilang taon. Karamihan sa mga babae ay pumapasok na sa yugtong ito pagkatapos ng kanilang mid-40s. May iba namang mga babae na hindi na ito nararanasan, at bigla na lang nagme-menopos na.

Sa perimenopause, hindi na regular ang pagregla, at maaari maging mas mabigat o mas magaan ang daloy kumpara sa nakasanayan.

Menopause

Ang menopos ay ang isang buong taon nang hindi dinadatnan ng regla. May mga klinikal na rason, gaya ng pag-alis ng mga obaryo, na maaari ring magdulot ng tulyang pagtigil ng regla.

Postmenopause

Postmenopause ang tawag sa mga taon pagkatapos ng menopos. Mahirap matukoy kung kailan matatapos ang menopos, at kailang nagsimula ang postmenopause.

Ano ang mga sintomas ng menopos?

Iba-iba ang karanasan ng bawat babae sa menopos. Maliban sa pagbabago sa pagregla, ang mga sintomas ng perimenopause, menopos, at postmenopause ay pare-pareho. Madalas na naaapektuhan ang kalusugang pisikal at pangkaisipan.

May mga kondisyon rin na nauugnay sa kalusugan ng obaryo, gaya ng kanser o hysterectomy, na maaaring mapalala at mapahaba ang mga sintomas ng menopos. May ilang mga nakasanayan sa pamumuhay rin na puwedeng makaapekto sa mga sintomas, gaya ng paninigarilyo.

Ang mga pagbabagong maaaring maranasan sa perimenopause at menopos ay:

  • Kawalan ng kakayahan mabuntis
  • Hindi regular reglahin
  • Mas mabigat o mas magaan na daloy
  • Hot flashes
  • Night sweats (labis na pagpapawis habang natutulog)
  • Pagtuyo ng puwerta
  • Hirap makatulog (gaya ng insomnia at pagkabalisa)
  • Pagdagdag sa timbang at pagbagal ng metabolismo
  • Urinary incontinence
  • Mababang libido
  • Pananakit ng mga suso
  • Hirap tumutok sa isang bagay
  • Pabago-bagong damdamin at emosyon
  • Pagnipis ng buhok
  • Pagtuyo ng balat

Ano mangyayari sa katawan ko kapag naabot ko na ang menopos?

Pagkatapos ng menopos, mas mataas ang tsansa ng mga babae na makakuha ng iba pang problema sa kalusugan. Hindi menopos ang talagang sanhi ng mga ito, pero posibleng may kinalaman ang pagbabago sa hormon. Ang ilan sa mga kondisyon na ito ay:

  • Vulvovaginal atrophy, o ang pagnipis ng balat sa paligid ng pwerta
  • Dyspareunia, o pananakit habang penetrasyon
  • Osteoporosis, o paghina ng mga buto
  • Katarata
  • Cardiovascular disease
  • Kanser sa suso

Ano ang puwede kong gawin para kayanin ang mga pagbabagong ito?

Hindi naman kailangan ng mga paggamot para sa mga sintomas ng menopos. Ngunit, may ilang mga babae na malala talaga ang kanilang sintomas at nakakaapekto na ito sa kanilang pamumuhay kaya binibigyan sila ng paggamot gaya ng mga hormone therapy, gamot, at ointment. Makipagusap sa iyong doktor kung nais mong humingi ng mga payo para sa mga paggamot.

Mga pagbabago sa pamumuhay

May ilang mga home remedy at pagbabago sa pamumuhay na makakatulong sa mga babae na mabawasan ang mga sintomas. Ang mga ito ay:

  • Pagpapanatiling komportable at presko
  • Pag-ehersisyo
  • Pagsasabi ng mga kailangan at nadarama
  • Paggawa ng mga nakakarelaks na aktibidad (gaya ng yoga o pagnilay-nilay)
  • Pagtigil sa paninigarilyo at secondhand smoking
  • Pagbabawas sa pag-inom ng alak
  • Pagsagawa ng mga ehersisyong Kegel
  • Paghahanap ng paraan para makatulog nang mahimbing
  • Paghingi ng tulong sa therapist para sa kalusugan pangkaisipan
  • Pag-alaga sa balat
  • Paghanap ng panibagong aliwan

Ang menopos ay natural at normal na yugto sa buhay ng mga babae. Dito na nawawala ang kanilang kakayahan na mabuntis at tumitigil na silang reglahin. Kahit na hindi ito problemang medikal, makakatulong pa rin ang pagpunta sa doktor para humingi ng mga payo kung paano makakayanan ang mga sintomas at pagbabagong nararanasan.

Nakakaranas rin ng iba pang mga pagbabago ang mga babae sa kanilang “middle age.” Maliban sa menopos, baka may mga pinagdadaanan rin silang pagbabago sa kanilang relasyon, trabaho, o buhay sa bahay. Minsan tila nakakalunod ang pakiramdam ng sunod-sunod na mga pagbabago sa loob ng maikling panahon.

Karamihan sa mga babae ay nagkakaroon pa rin ng aktibo, at malusog na buhay habang menopos at sa mga susunod pang dekada. Kung kakapasok mo lang sa “midlife” at parang nalulula ka, okay lang na humingi ng tulong sa mga doktor, therapist, kaibigan, at pamilya. Panibagong yugto ito sa buhay mo, kaya sulitin mo na.

Mga pinagmulan:

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/menopause/symptoms-causes/syc-20353397

https://www.healthline.com/health/menopause#timeline

https://www.medicalnewstoday.com/articles/155651

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon