fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga dapat malaman kung gagamit ng contraceptive pills sa unang pagkakataon

contraceptive pills

Napakadaling gamitin at puno ng benepisyo ang mga contraceptive pills. Nagbibigay ito ng ligtas, madali, at epektibong proteksyon laban sa pagbubuntis, kaya hindi na rin nakakapanibago kung bakit ito ang karaniwang ginagamit ng mga babae.

Pero bago magdesisyon na gumamit ng pills, narito ang mga dapat mong malaman para makapagpasya kung ito ba ang tamang kontraseptibo para sa iyo:

Hindi ka agad-agad mapoprotektahan 

Depende ito kung saang punto ka ng iyong siklo ng regla kung kailan nagsimula inumin ang pills.

Protektado ka agad-agad kapag sinimulan inumin ang pills sa loob ng unang limang araw ng regla.

Kapag nagsimula sa kalagitnaan ng siklo ng regla o lagpas sa limang araw ng regla, kailangan gumamit ng backup contraceptive method — tulad ng condoms — sa unang pitong araw.

Kapag progestin-only pills naman ang gamit, protektado na agad pagkatapos ng 48 oras kahit saang punto ng siklo ng regla magsimula.

Mga karaniwang karanasan

Maraming babae ang nakakaranas ng kaunting pagbabago sa katawan sa mga unang buwan ng pag-inom ng pills, dahil nag-a-adjust ang iyong katawan sa pagbabago ng mga antas ng hormones. Mga karaniwang nararanasan ay:

  • Sakit ng ulo
  • Pagkahilo
  • Pamamaga ng mga suso
  • Bloating
  • Mood swings
  • Pagbaba ng libido

Pansamantala lang ang mga karaniwang karanasan na ito at mawawala rin kapag nakapag-adjust na ang iyong mga hormones, na kadalasang nangyayari sa loob ng tatlong buwan. Tandaan na iba-iba ang katawan ng bawat tao kaya maaaring iba rin ang magiging reaksyon sa iba’t ibang klase ng pills.

Tandaan: Walang ebidensya na ang mga combined oral contraceptive pills (COC) ay nagsasanhi ng pagtaas ng timbang. Kahit na ang tanong na ito ay sinaliksik na nang maigi mula nung nilikha ang mga pills noong 1960s, napakalaganap pa rin ng paniniwalang ito.

Normal ang spotting

Ang spotting at biglang pagdurugo ay karaniwan kapag nagsimulang uminom ng pills. May ilang babae na nababahala rito dahil hindi nila inaasahang maranasan ito. Huwag mabahala kapag nangyari ito sa ‘yo — natural na reaksyon lang ito ng katawan sa biglang pagdating ng mga hormones.

Maaaring datnan o ‘di datnan ng regla kapag patuloy umiinom ng pills

May ilang babae na maaaring hindi na talaga datnan ng regla kapag patuloy umiinom ng pills. Hindi dapat mabahala dahil hindi naman ito nakakasama sa kalusugan.

Pwede ring mapaaga ang regla, o hindi rin reglahin kapag nasa placebo pills o pill-free days. Ipagpatuloy lang ang pag-inom ng pills, datnan man o hindi, o kahit makaranas ng spotting.

Mas mainam inumin ang pills bago matulog

Mas malaki ang tsansa na mahilo kapag ininom ang pills nang walang laman ang tiyan. Sa mga nakakaranas ng pagkahilo, baka mas mainam para sa inyo na inumin ang pills bago matulog o pagkatapos kumain ng hapunan para maiwasan ang mga karaniwang karanasan.

Paghahanap ng pinakamainam na pill para sa iyo

Ngayon, marami nang iba’t ibang klase at uri ng ligtas at mabisang contraceptive pills, ang bawat isa ay naglalaman ng iba’t-ibang kombinasyon ng mga hormones.

Kung pagkatapos ng ilang buwan, hindi ka komportable sa nireseta sa iyo, o nakakaapekto ito sa araw-araw mong gawain, huwag kang mag-alala. Malamang may ibang pill na mas babagay sa ‘yo; iba-iba ang katawan ng babae, tulad ng nabanggit kanina.

Walang mali sa pagsubok ng iba’t ibang pormulasyon para mahanap ang nababagay na pill sa ‘yo, at gagabayan ka naman ng iyong doktor dito. May ibang pills na may iba pang benepisyo maliban sa pag-iwas sa pagbubuntis (tignan sa ibaba).

Maraming ibang benepisyo ang pills maliban sa proteksyon

Higit pa sa napakabisang proteksyon, ang pills ay maraming benepisyo tulad ng pagregulate ng regla (pwede nga ring paglaktaw ng regla kung kinakailangan), pagpagaan ng daloy ng regla, at pagbawas sa pananakit kapag nireregla o dysmenorrhea. Depende sa klase ng pill, pwede sila gamitin rin bilang lunas para sa:

  • Tagihawat,
  • Hindi kaaya-ayang buhok sa mukha o katawan (hirsutism),
  • PCOS (polycystic ovarian syndrome),
  • Pananakit ng puson kapag nireregla, at
  • Mga sintomas ng PMS at PMDD

Nakakabawas rin sila sa panganib ng anemia, mga sintomas ng endometriosis, panganib ng ovarian at endometrial cancer, at nakakabuti para sa bone density, at lunas para sa hot flashes at iba pang sintomas ng menopause.

Mga pinagmulan:

https://flo.health/menstrual-cycle/sex/birth-control/how-to-take-the-pill

https://www.uptodate.com/contents/combined-estrogen-progestin-oral-contraceptives-patient-selection-counseling-and-use

https://www.southavewomensservices.com/birth-control-for-beginners-5-things-to-know-before-you-start-the-pill/

https://www.pandiahealth.com/first-time-taking-birth-control-pills-here-are-some-tips/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon