fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

Walang dapat ikabahala kung ang iyong siklo ng regla ay hindi regular paminsan-minsan. Ngunit alam mo ba kung kailan dapat mag-alala at maging mapagmatiyag?

Ang siklo ng regla ay hindi parating palagian tulad ng orasan. Ang ilang babae ay nireregla nang ayon sa iskedyul na tuwing 28 na araw, habang ang iba ay nahihirapan tantiyahin kung kailan sila rereglahin. Ang mga iregular na siklo ay karaniwang hindi dapat nakakabahala, ngunit minsan senyales na ito na mayroon kang problema sa kalusugang reproduktibo.

Ano ang itinuturing na iregular?

Ang karaniwang siklo ng regla ay tumatagal ng 28 araw, ngunit maaari rin itong mag-iba mula 21 hanggang 35 araw. Ang iregular na pagregla ay karaniwang nangyayari lalo na kung ang mga batang babae ay nagsisimulang reglahin pagkatapos ng pagdadalaga, ngunit ang kanilang mga siklo sa kalaunan ay nagiging mas regular at mas madaling tantiyahin habang tumatanda sila. Ang pagregla ay karaniwang tumatagal ng limang araw, ngunit maaaring magtagal mula dalawa hanggang pitong araw.

Tinuturing iregular ang pagregla kung naganap ito nang mas mababa sa 21 araw o higit sa 35 araw na pagitan, o ang pagdurugo ay tumatagal nang higit sa pitong araw. Ang mga iregular na siklo ay maaari ding matukoy sa pamamagitan ng mga nalaktawan na regla, mas marami o mas kaunting pagdurugo kaysa sa normal, at palagiang pagkakaroon ng bahid ng dugo sa pagitan ng mga regla.

Upang matukoy ang haba ng iyong siklo ng regla, bilangin ang mga araw mula sa huling araw ng iyong nakaraan regla hanggang sa unang araw ng iyong susunod na regla. Ang bilang ng mga araw sa pagitan ng bawat pagregla ay ang haba ng iyong siklo. Pare-pareho ba ang iyong siklo o tila hindi regular? Kung malaki ang pag-iiba ng mga agwat ng iyong mga regla bawat buwan, maaaring mayroon kang iregular na siklo.

Ano nga ba ang mga sanhi ng iregular na siklo?

Ang mga iregular na siklo ay maaaring sanhi ng ilang bagay tulad ng stress o kaya mga hindi nakikitang kondisyong medikal:

  • Pagdadalaga at menopos. Normal na makaranas ng paiba-ibang antas ng mga hormon sa loob ng ilang taon pagkatapos ng pagdadalaga at bago ang menopos. Maaaring sanhi ito ng mas mahaba o mas maikling siklo ng regla, at mas madami o mas kaunting pagdurugo.
  • Kontrasepsyon. Ang mga kontraseptibo ay maaaring makaapekto sa siklo ng regla kapag sinimulan mo ang paggamit ng isang pamamaraan. Ang mga pildoras ay maaaring magsanhi sa mas magaan, iregular, o mas madalas na pagregla, habang ang mga injectable ay minsan maaaring ganap na pahintuin ang ilang babae na magregla habang ginagamit nila ang pamamaraan. Ang tansong IUD kung minsan ay maaaring maging sanhi ng mas mabigat, mas mahahabang pagregla. Ang paghinto ng paggamit ng kontraseptibo ay nakakaapekto rin sa siklo. Ang ilan ay maaaring makaranas ng iregular na pagregla o kaya abutin ng anim na buwan bago bumalik sa regular ang siklo. Mahalagang tandaan na ang mga side effect na ito ay hindi nangyayari sa lahat ng babae, at kadalasan ay tumatagal lamang sa mga unang buwan. Bigyan ang iyong katawan ng sapat na panahon upang umayon sa kontrasepsyon.
  • Pagbubuntis o pagpapasuso. Ang nalaktawan na regla ay maaaring senyales ng pagbubuntis (lalo na kung nagkaroon ng hindi protektadong pagtalik). Maaari ring antalahin ng pagpapasuso ang pagbalik ng regla pagkatapos manganak.
  • Pamumuhay. Ang stress, malaking halaga ng pagtaas o pagbawas ng timbang, diyeta, pagbabago sa mga gawain sa pag-eehersisyo, paglalakbay, sakit, o iba pang pagkagambala sa pang-araw-araw na gawain ng isang babae ay maaaring makaapekto sa pagregla.
  • Polycystic ovary syndrome (PCOS). Kapag ang isang babae ay may PCOS, ang mga obaryo (ovary) ay gumagawa ng labis na halaga ng mga androgen (isang panlalaking hormon) at nagreresulta sa pagbuo ng maliliit na mga cyst sa mga obaryo. Ang mga pagbabago sa hormon ay pumipigil sa mga selulang itlog mula sa paghinog, na nakakasagabal sa regular na obulasyon, at nagreresulta sa iregular na pagregla
  • Mga sakit sa teroydeo. Bagaman bihira ang mga ito, maaaring maging sanhi ng iregular na pagregla. Ang thyroid gland ay matatagpuan sa leeg, at gumagawa ito ng mga hormon na nagkokontrol sa metabolismo ng katawan. Ang iregular na pagregla ay nangyayari kapag ang mga antas ng dugo ng teroydeong hormon ay napakababa o napakataas.
  • Iba pang mga sanhi. Bukod sa mga kadahilanan na nabanggit, ang iba pang mga kadahilanan na hindi gaanong karaniwan ay kanser sa matris o serviks, mga gamot tulad ng mga steroid, komplikasyon sa pagbubuntis, sexually transmitted infection (STI), diyabetis, mga fibroid sa matris, o endometriosis.

Ano ang dapat gawin kapag iregular ang siklo ng regla?

Ang mga iregualr na siklo ay kadalasang hindi nangangailangan ng paggamot, ngunit depende ito sa mga pinagbabatayan na mga sanhi. Dapat kang kumunsulta sa iyong tagabigay ng serbisyong pangkalusugan kung:

  • madalas magdugo sa pagitan ng mga regla o pagkatapos ng pagtalik
  • nakakaranas ng matinding pananakit o pangingirot habang nireregla o bago reglahin
  • mabibigat ang pagregla, kung saan kailangan baguhin ang tampon o napkin sa bawat oras o kada dalawang oras, o kailangan gumamit ng parehong napkin at tampon nang sabay
  • nakakaranas ng mabigat na pagdurugo na tumatagos sa kama o damit
  • tumatagal ang regla nang mas mahaba kaysa sa pitong araw
  • ang mga regla ay naging napaka-iregular kahit na regular ang mga siklo dati.
  • Maaaring mangailangan ng ibang kontraseptibo, o ng karagdagang pagsusuri upang malaman kung mayroon kang kakaibang kalagayan sa kalusugan

Kung ang mga iregular na siklo ay nakakaapekto sa iyong pang-araw-araw na gawain, mas mainam na ipakonsulta na ito. Ang iyong siklo ng regla ay maaaring natural na iregular, ngunit posible din na mayroong dahilan na maaaring mangailangan ng atensyong medikal. Kung iyon ang kaso, tamang pagsusuri at paggamot ay maaaring makatulong na maibalik sa regular ang siklo.

Mga pinagmulan: 

http://www.nhs.uk/Conditions/Periods-irregular/Pages/Introduction.aspx

http://www.everydayhealth.com/pms/irregular-periods.aspx

Please follow and like us:

213 thoughts on “Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

  1. Hi po! normal lang po sakin ang madelay ng period mga 2-3 mos po pero ngayon halos mag 7 mos na po is it normal lang po ba? nag aalala na po kase ako. I was 12 yrs old back then nung nagsimula akong reglahin and now I’m 14 turning 15 wala pa pong nanggagalaw sakin. Ask ko lang po kung Normal po ba ito or kung anong mga dapat kong gawin specially now,wala pa pong mga bukas na hospitals due to pandemic. Sana po ma notice. Thank you!

    1. Hi Catherine! Normal para sa mga nagdadalaga katulad mo na makaranas ng irregular menstruation dahil ang iyong katawan ay dumadaan pa sa ilang pagbabago. Magiging normal rin naman po ito pagkatanda mo. Marami rin po kasi iba pang nakakaapekto sa regla, tulad ng stress, lifestyle, timbang, diyeta, kondisyon, at iba pa. Kapag maaari, mainam na magpasuri rin sa OBGYN ukol dito para malaman kung mayroon ka bang kondisyon na nagsasanhi nito.

  2. Hi po, normal po bang reglahin ulit? Last week kasi August 22 nagkaron na po ako, 3-4days nagtagal. Tapos ngayong araw po, August 29 nagkaroon po ako, pero hindi nman po siya ganun karami, bahid lang po. Normal po ba ito?

    1. Hi Erica! Maraming posibleng sanhi ng pagdurugo na walang kinalaman sa regla, kasama na rito ang stress, timbang, diyeta, pagbabago sa antas ng mga hormon, at iba pa. Ang stress (pisikal o emosyonal) ay maaaring makaapekto sa katawan, pati na rin sa menstrual cycle. Baka makatulong po sa inyo ang pagbabawas sa stress at paggawa ng libangan na nakakarelaks.

  3. Ahmmm.. Hi po normal po ba na hindi nireregla malapit na mag 3 months? Just 2 days nalang po 3 months na kong hindi pineperiod. I’m just 15 yrs ola going 16 na po. Virgin pa po ako, ano po ba ang maaari kong gawin o di kaya ang kondisyon ko? Normal po ba to? Eh kase ang first ever period ko is nung May 26 2020, pero hindi nako dinatnan until now August 24 2020. Is it normal pa po ha?

  4. Hello 6 months na po ako hindi nireregla active po ako sa mga sports tulad ng pagbibike tennis. Anu pi Kaya possibleng sakit ki iregular pp talaga ako dati pa pero wlaa namn akung nararamdamn sakin na masama kapag nireregla ako minsan natural Lang pakiramdam ko walng nasakit

    1. Hi Seth! Tulad nga po ng inyong mababasa sa artikulong ito, maraming posibleng makaapekto sa inyong pagregla, tulad ng inyong lifestyle. Balikan niyo rin po ang nilalaman artikulong ito para malaman ano ang puwede ninyong gawin. O maaari rin kayong magpasuri sa OBGYN ukol dito.

  5. hi po ok lang po ba na reglahin kahit wala pa pong isang buwan? pwede rin po ba mag pt kahit may regla?ang result po ng pt is negative hindi po ba buntis kapag ganun?salamat po

    1. Hi Clarizza! Kapag may regla ka, senyales po ‘yun na hindi ka buntis. Bale wala lang po ang pregnancy test kung ginawa mo ito nang niregla. ANg pregnancy test ay ginagawa po pagkalipas ng isang linggong hindi pa rin nireregla mula sa araw na karaniwang dinadatnan ka (halimbawa tuwing ika-5 ng buwan ka karaniwang dinadatnan, dapat sa ika-12 mag-pregnancy test kung hindi pa rin dinatnan sa 12), o kaya magpasuri sa OBGYN. Basahin rin po ito: https://doitright.ph/tl/oras-na-bang-mag-pregnancy-test/

  6. Hi po! Ask ko Lang po kung normal po bang ma delay ang regla ng 2 buwan hindi pa po kasi ako nireregla 2 months na , 16 years old palang po ako

  7. Normal bang reglahin ng isang araw? Last weekof month or first week ng month dinadatnan pero nagkaroon po ako ng june 22 at isang araw lang tumagal

    1. Hi Joyce! Maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan, gaya ng impeksyon o kondisyon. Doktor lang po ang makakasuri sa inyo. Mabuting makipag-ugnay na kaagad sa obgyn ukol dito o magpunta sa malapit na health center para makita ang sanhi at mapayuhan ka kung ano ang angkop na solusyon para sa iyong sitwasyon.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon