fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

Walang dapat ikabahala kung ang iyong siklo ng regla ay hindi regular paminsan-minsan. Ngunit alam mo ba kung kailan dapat mag-alala at maging mapagmatiyag?

Ang siklo ng regla ay hindi parating palagian tulad ng orasan. Ang ilang babae ay nireregla nang ayon sa iskedyul na tuwing 28 na araw, habang ang iba ay nahihirapan tantiyahin kung kailan sila rereglahin. Ang mga iregular na siklo ay karaniwang hindi dapat nakakabahala, ngunit minsan senyales na ito na mayroon kang problema sa kalusugang reproduktibo.

Ano ang itinuturing na iregular?

Ang karaniwang siklo ng regla ay tumatagal ng 28 araw, ngunit maaari rin itong mag-iba mula 21 hanggang 35 araw. Ang iregular na pagregla ay karaniwang nangyayari lalo na kung ang mga batang babae ay nagsisimulang reglahin pagkatapos ng pagdadalaga, ngunit ang kanilang mga siklo sa kalaunan ay nagiging mas regular at mas madaling tantiyahin habang tumatanda sila. Ang pagregla ay karaniwang tumatagal ng limang araw, ngunit maaaring magtagal mula dalawa hanggang pitong araw.

Tinuturing iregular ang pagregla kung naganap ito nang mas mababa sa 21 araw o higit sa 35 araw na pagitan, o ang pagdurugo ay tumatagal nang higit sa pitong araw. Ang mga iregular na siklo ay maaari ding matukoy sa pamamagitan ng mga nalaktawan na regla, mas marami o mas kaunting pagdurugo kaysa sa normal, at palagiang pagkakaroon ng bahid ng dugo sa pagitan ng mga regla.

Upang matukoy ang haba ng iyong siklo ng regla, bilangin ang mga araw mula sa huling araw ng iyong nakaraan regla hanggang sa unang araw ng iyong susunod na regla. Ang bilang ng mga araw sa pagitan ng bawat pagregla ay ang haba ng iyong siklo. Pare-pareho ba ang iyong siklo o tila hindi regular? Kung malaki ang pag-iiba ng mga agwat ng iyong mga regla bawat buwan, maaaring mayroon kang iregular na siklo.

Ano nga ba ang mga sanhi ng iregular na siklo?

Ang mga iregular na siklo ay maaaring sanhi ng ilang bagay tulad ng stress o kaya mga hindi nakikitang kondisyong medikal:

  • Pagdadalaga at menopos. Normal na makaranas ng paiba-ibang antas ng mga hormon sa loob ng ilang taon pagkatapos ng pagdadalaga at bago ang menopos. Maaaring sanhi ito ng mas mahaba o mas maikling siklo ng regla, at mas madami o mas kaunting pagdurugo.
  • Kontrasepsyon. Ang mga kontraseptibo ay maaaring makaapekto sa siklo ng regla kapag sinimulan mo ang paggamit ng isang pamamaraan. Ang mga pildoras ay maaaring magsanhi sa mas magaan, iregular, o mas madalas na pagregla, habang ang mga injectable ay minsan maaaring ganap na pahintuin ang ilang babae na magregla habang ginagamit nila ang pamamaraan. Ang tansong IUD kung minsan ay maaaring maging sanhi ng mas mabigat, mas mahahabang pagregla. Ang paghinto ng paggamit ng kontraseptibo ay nakakaapekto rin sa siklo. Ang ilan ay maaaring makaranas ng iregular na pagregla o kaya abutin ng anim na buwan bago bumalik sa regular ang siklo. Mahalagang tandaan na ang mga side effect na ito ay hindi nangyayari sa lahat ng babae, at kadalasan ay tumatagal lamang sa mga unang buwan. Bigyan ang iyong katawan ng sapat na panahon upang umayon sa kontrasepsyon.
  • Pagbubuntis o pagpapasuso. Ang nalaktawan na regla ay maaaring senyales ng pagbubuntis (lalo na kung nagkaroon ng hindi protektadong pagtalik). Maaari ring antalahin ng pagpapasuso ang pagbalik ng regla pagkatapos manganak.
  • Pamumuhay. Ang stress, malaking halaga ng pagtaas o pagbawas ng timbang, diyeta, pagbabago sa mga gawain sa pag-eehersisyo, paglalakbay, sakit, o iba pang pagkagambala sa pang-araw-araw na gawain ng isang babae ay maaaring makaapekto sa pagregla.
  • Polycystic ovary syndrome (PCOS). Kapag ang isang babae ay may PCOS, ang mga obaryo (ovary) ay gumagawa ng labis na halaga ng mga androgen (isang panlalaking hormon) at nagreresulta sa pagbuo ng maliliit na mga cyst sa mga obaryo. Ang mga pagbabago sa hormon ay pumipigil sa mga selulang itlog mula sa paghinog, na nakakasagabal sa regular na obulasyon, at nagreresulta sa iregular na pagregla
  • Mga sakit sa teroydeo. Bagaman bihira ang mga ito, maaaring maging sanhi ng iregular na pagregla. Ang thyroid gland ay matatagpuan sa leeg, at gumagawa ito ng mga hormon na nagkokontrol sa metabolismo ng katawan. Ang iregular na pagregla ay nangyayari kapag ang mga antas ng dugo ng teroydeong hormon ay napakababa o napakataas.
  • Iba pang mga sanhi. Bukod sa mga kadahilanan na nabanggit, ang iba pang mga kadahilanan na hindi gaanong karaniwan ay kanser sa matris o serviks, mga gamot tulad ng mga steroid, komplikasyon sa pagbubuntis, sexually transmitted infection (STI), diyabetis, mga fibroid sa matris, o endometriosis.

Ano ang dapat gawin kapag iregular ang siklo ng regla?

Ang mga iregualr na siklo ay kadalasang hindi nangangailangan ng paggamot, ngunit depende ito sa mga pinagbabatayan na mga sanhi. Dapat kang kumunsulta sa iyong tagabigay ng serbisyong pangkalusugan kung:

  • madalas magdugo sa pagitan ng mga regla o pagkatapos ng pagtalik
  • nakakaranas ng matinding pananakit o pangingirot habang nireregla o bago reglahin
  • mabibigat ang pagregla, kung saan kailangan baguhin ang tampon o napkin sa bawat oras o kada dalawang oras, o kailangan gumamit ng parehong napkin at tampon nang sabay
  • nakakaranas ng mabigat na pagdurugo na tumatagos sa kama o damit
  • tumatagal ang regla nang mas mahaba kaysa sa pitong araw
  • ang mga regla ay naging napaka-iregular kahit na regular ang mga siklo dati.
  • Maaaring mangailangan ng ibang kontraseptibo, o ng karagdagang pagsusuri upang malaman kung mayroon kang kakaibang kalagayan sa kalusugan

Kung ang mga iregular na siklo ay nakakaapekto sa iyong pang-araw-araw na gawain, mas mainam na ipakonsulta na ito. Ang iyong siklo ng regla ay maaaring natural na iregular, ngunit posible din na mayroong dahilan na maaaring mangailangan ng atensyong medikal. Kung iyon ang kaso, tamang pagsusuri at paggamot ay maaaring makatulong na maibalik sa regular ang siklo.

Mga pinagmulan: 

http://www.nhs.uk/Conditions/Periods-irregular/Pages/Introduction.aspx

http://www.everydayhealth.com/pms/irregular-periods.aspx

Please follow and like us:

213 thoughts on “Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

  1. Ask ko lang po kung marami din pong may case na katulad sakin na simula po nung nagka menstruation nung 12 y/o irregular na never po kong nakaranas na every month may regla kung meron man 2months lang po na magkasunod sa susunod ba month wala na naman baog napo ba pag ganon. Thankyou po

    1. Hi Mariz! Normal po sa mga nagdadalaga na makaranas ng irregular menstrual cycle dahil dumadaan pa ang katawan sa ilang pagbabago. Karaniwang kusang nagiging normal rin naman po ito pagkatanda. Ngunit, posibleng mayroon nang kondisyon kapag irregular pa rin ang pagregla kahit tumanda na. Para dito, mainam na ikonsulta ito sa OB/GYN para masuri ang sanhi.

  2. hi po tanung ko lang po vakit po kaya mahigit isang taon napo ako di nagkakaroon.. wla naman po ako nararamdaman na kakaiba..

    1. Hi Queenie! Gaya nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan. Para malaman ang tiyak na sanhi, kailangan niyo pong magpasuri sa OB/GYN.

  3. isang araw lang po ako niregla ang spotting lang po sya.. normal po ba iyo? 3 months na po nangyayare to then ngayong buwan hindi pa po ako dinadatnan

    1. Hi Dollnie! Maraming pwedeng magdulot ng mga pagbabago sa regla, at kasama rito ang ilang mga impeksyon, sakit, stress, diyeta, at biglaang pagbabago ng timbang. May ibang sintomas pa bang nararanasan? Mabuting makipag-ugnay sa obgyn para magpasuri kung ano ang sanhi at mapayuhan ka kung ano pwedeng solusyon para dito.

  4. Hello po 2 buwan na po ako Hindi nagkakaroon baka dahil po ba Ito sa nag diet ako? Ano po ba Ang mainam na gawin ko po?

    1. Hi Annie! Opo, ang pagbabago po sa diyeta ay minsan nakakaapekto rin sa siklo ng regla. Ngunit, may iba ring mga posibleng sanhi tulad ng kondisyon o sakit. Mainam na ikonsulta ito sa doktor lalo na kung nakakaranas ng iba pang sintomas.

    1. Hi Nueva! Tulad nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming pwedeng magdulot ng mga pagbabago sa regla, at kasama rito ang ilang mga impeksyon, sakit, stress, diyeta, at biglaang pagbabago ng timbang. May ibang sintomas pa bang nararanasan? Ang pinaka mabuting paraan para po matukoy ang sanhi ay ang pagpapasuri sa OB/GYN ukol dito.

  5. Hi po ask ko lang po kasi 15 days na po ako May menstration. Normal po ba yun? May existence akong sakit Lupus. Sana nasagot nio po kasi nag woworry na po ako Salamat po

  6. Hi po dalawnag buwan na po ako di nagkakaroon kasi lagi po kami nagttaalik nakakaapetp po ba yun kasi nag pt na po ako negative wala din po akongnararamdanan na buntis ako maari po ba may sakit ako

    1. Hi Elisa! Hindi po nakakaapekto sa regla ang pakikipagtalik nang madalas. Gaya nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng makaapekto sa inyong regla. Matutukoy lamang ito kapag nagpasuri sa doktor.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon