fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

Walang dapat ikabahala kung ang iyong siklo ng regla ay hindi regular paminsan-minsan. Ngunit alam mo ba kung kailan dapat mag-alala at maging mapagmatiyag?

Ang siklo ng regla ay hindi parating palagian tulad ng orasan. Ang ilang babae ay nireregla nang ayon sa iskedyul na tuwing 28 na araw, habang ang iba ay nahihirapan tantiyahin kung kailan sila rereglahin. Ang mga iregular na siklo ay karaniwang hindi dapat nakakabahala, ngunit minsan senyales na ito na mayroon kang problema sa kalusugang reproduktibo.

Ano ang itinuturing na iregular?

Ang karaniwang siklo ng regla ay tumatagal ng 28 araw, ngunit maaari rin itong mag-iba mula 21 hanggang 35 araw. Ang iregular na pagregla ay karaniwang nangyayari lalo na kung ang mga batang babae ay nagsisimulang reglahin pagkatapos ng pagdadalaga, ngunit ang kanilang mga siklo sa kalaunan ay nagiging mas regular at mas madaling tantiyahin habang tumatanda sila. Ang pagregla ay karaniwang tumatagal ng limang araw, ngunit maaaring magtagal mula dalawa hanggang pitong araw.

Tinuturing iregular ang pagregla kung naganap ito nang mas mababa sa 21 araw o higit sa 35 araw na pagitan, o ang pagdurugo ay tumatagal nang higit sa pitong araw. Ang mga iregular na siklo ay maaari ding matukoy sa pamamagitan ng mga nalaktawan na regla, mas marami o mas kaunting pagdurugo kaysa sa normal, at palagiang pagkakaroon ng bahid ng dugo sa pagitan ng mga regla.

Upang matukoy ang haba ng iyong siklo ng regla, bilangin ang mga araw mula sa huling araw ng iyong nakaraan regla hanggang sa unang araw ng iyong susunod na regla. Ang bilang ng mga araw sa pagitan ng bawat pagregla ay ang haba ng iyong siklo. Pare-pareho ba ang iyong siklo o tila hindi regular? Kung malaki ang pag-iiba ng mga agwat ng iyong mga regla bawat buwan, maaaring mayroon kang iregular na siklo.

Ano nga ba ang mga sanhi ng iregular na siklo?

Ang mga iregular na siklo ay maaaring sanhi ng ilang bagay tulad ng stress o kaya mga hindi nakikitang kondisyong medikal:

  • Pagdadalaga at menopos. Normal na makaranas ng paiba-ibang antas ng mga hormon sa loob ng ilang taon pagkatapos ng pagdadalaga at bago ang menopos. Maaaring sanhi ito ng mas mahaba o mas maikling siklo ng regla, at mas madami o mas kaunting pagdurugo.
  • Kontrasepsyon. Ang mga kontraseptibo ay maaaring makaapekto sa siklo ng regla kapag sinimulan mo ang paggamit ng isang pamamaraan. Ang mga pildoras ay maaaring magsanhi sa mas magaan, iregular, o mas madalas na pagregla, habang ang mga injectable ay minsan maaaring ganap na pahintuin ang ilang babae na magregla habang ginagamit nila ang pamamaraan. Ang tansong IUD kung minsan ay maaaring maging sanhi ng mas mabigat, mas mahahabang pagregla. Ang paghinto ng paggamit ng kontraseptibo ay nakakaapekto rin sa siklo. Ang ilan ay maaaring makaranas ng iregular na pagregla o kaya abutin ng anim na buwan bago bumalik sa regular ang siklo. Mahalagang tandaan na ang mga side effect na ito ay hindi nangyayari sa lahat ng babae, at kadalasan ay tumatagal lamang sa mga unang buwan. Bigyan ang iyong katawan ng sapat na panahon upang umayon sa kontrasepsyon.
  • Pagbubuntis o pagpapasuso. Ang nalaktawan na regla ay maaaring senyales ng pagbubuntis (lalo na kung nagkaroon ng hindi protektadong pagtalik). Maaari ring antalahin ng pagpapasuso ang pagbalik ng regla pagkatapos manganak.
  • Pamumuhay. Ang stress, malaking halaga ng pagtaas o pagbawas ng timbang, diyeta, pagbabago sa mga gawain sa pag-eehersisyo, paglalakbay, sakit, o iba pang pagkagambala sa pang-araw-araw na gawain ng isang babae ay maaaring makaapekto sa pagregla.
  • Polycystic ovary syndrome (PCOS). Kapag ang isang babae ay may PCOS, ang mga obaryo (ovary) ay gumagawa ng labis na halaga ng mga androgen (isang panlalaking hormon) at nagreresulta sa pagbuo ng maliliit na mga cyst sa mga obaryo. Ang mga pagbabago sa hormon ay pumipigil sa mga selulang itlog mula sa paghinog, na nakakasagabal sa regular na obulasyon, at nagreresulta sa iregular na pagregla
  • Mga sakit sa teroydeo. Bagaman bihira ang mga ito, maaaring maging sanhi ng iregular na pagregla. Ang thyroid gland ay matatagpuan sa leeg, at gumagawa ito ng mga hormon na nagkokontrol sa metabolismo ng katawan. Ang iregular na pagregla ay nangyayari kapag ang mga antas ng dugo ng teroydeong hormon ay napakababa o napakataas.
  • Iba pang mga sanhi. Bukod sa mga kadahilanan na nabanggit, ang iba pang mga kadahilanan na hindi gaanong karaniwan ay kanser sa matris o serviks, mga gamot tulad ng mga steroid, komplikasyon sa pagbubuntis, sexually transmitted infection (STI), diyabetis, mga fibroid sa matris, o endometriosis.

Ano ang dapat gawin kapag iregular ang siklo ng regla?

Ang mga iregualr na siklo ay kadalasang hindi nangangailangan ng paggamot, ngunit depende ito sa mga pinagbabatayan na mga sanhi. Dapat kang kumunsulta sa iyong tagabigay ng serbisyong pangkalusugan kung:

  • madalas magdugo sa pagitan ng mga regla o pagkatapos ng pagtalik
  • nakakaranas ng matinding pananakit o pangingirot habang nireregla o bago reglahin
  • mabibigat ang pagregla, kung saan kailangan baguhin ang tampon o napkin sa bawat oras o kada dalawang oras, o kailangan gumamit ng parehong napkin at tampon nang sabay
  • nakakaranas ng mabigat na pagdurugo na tumatagos sa kama o damit
  • tumatagal ang regla nang mas mahaba kaysa sa pitong araw
  • ang mga regla ay naging napaka-iregular kahit na regular ang mga siklo dati.
  • Maaaring mangailangan ng ibang kontraseptibo, o ng karagdagang pagsusuri upang malaman kung mayroon kang kakaibang kalagayan sa kalusugan

Kung ang mga iregular na siklo ay nakakaapekto sa iyong pang-araw-araw na gawain, mas mainam na ipakonsulta na ito. Ang iyong siklo ng regla ay maaaring natural na iregular, ngunit posible din na mayroong dahilan na maaaring mangailangan ng atensyong medikal. Kung iyon ang kaso, tamang pagsusuri at paggamot ay maaaring makatulong na maibalik sa regular ang siklo.

Mga pinagmulan: 

http://www.nhs.uk/Conditions/Periods-irregular/Pages/Introduction.aspx

http://www.everydayhealth.com/pms/irregular-periods.aspx

Please follow and like us:

213 thoughts on “Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Iregular Na Siklo Ng Regla

  1. Hi po buwan buwan po ako nireregla nong October po niregla ako tapos ngayong Nov hindi po, kinakabahan po ako normal lang po ba yun? ngayon lang po ito nangyari sakin 17 years old na po ako

    1. Hi Allison! Normal po para sa mga nagdadalaga katulad mo na hindi pa regular ang regla. Ito ay dahil dumadaan ang iyong katawan sa iba’t ibang pagbabago. Magiging regular rin naman po ito pagkatanda mo.

  2. Hello Magnda umaga tanong ko lang po normal lang ba sa edad ko 38. 2 days lang regla ko. Ngayon lang kasi ito ngyari sa Akin. Usually po 3 to 4 days ang regla bago mawala.

    Marami salamat sa sagot! Keep safe

    1. Hi Grace! Maraming pwedeng magdulot ng mga pagbabago sa regla, at kasama rito ang ilang mga impeksyon, sakit, stress, diyeta, at biglaang pagbabago ng timbang. Posible rin po na ito ay dulot ng perimenopause, o ang yugto bago ang menopause. Ngayon lang po ba nangyari ito? May ibang sintomas pa po bang nararanasan?

    1. Hi Angeline! Normal po para sa mga nagdadalaga katulad mo na hindi pa regular ang regla dahil ang iyong katawan ay dumadaan pa sa ilang pagbabago. Magiging regular rin naman po ito pagkatanda mo. Tulad nga rin po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan at hindi po namin masasabi kung ano ang dahilan ng iyo. Kung nababahala at nais malaman ang sanhi, ang pinakamainam na gawin po ay magpasuri sa OB/GYN ukol dito.

  3. Hello po ako po si jennifer nais ko lang po itanong dahil maglilimang buwan na po akong hindi nireregla nung july lang po akong niregla pero sa loob ng isang buwan na iyo ay isang linggo lang po ako nagkakaroon

    1. Hi Jennifer! Gaya nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng sanhi ng irregular menstruation, tulad ng ilang impeksyon o sakit. Ang tanging paraan para malaman ang tiyak na sanhi ay ang pagpapasuri sa OB/GYN.

  4. hello po nais ko po sanang tanungin ito dahil po 1 month na po akong delayed at nong september po nag karoon ako pag tapos po nong dalaw ko pumunta po ung boyfriend ko sa bahay may nangyare po samin pero hindi naman po sya nilabasan ng sperm sakin nagkalagnat dn po ako nong time na un at umiinom po ako ng gamot ano po ba ung dahilan ng 1 month delayed ko? sana po masagot nyo po ito

    1. Hi Krystal! Tulad nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming pwedeng magdulot ng mga pagbabago sa regla, at kasama rito ang ilang mga impeksyon, sakit, stress, diyeta, at biglaang pagbabago ng timbang. Para matukoy ang sanhi, ang tanging paraan po ay ang magpasuri sa OB/GYN.

  5. Hello Po tanong ko lang Po Sana dalawang buwan na Po kase akong Di nagkakadaw 23 yrs old na Po ako regular Po Ang dalaw ko pero nitong nakaraang dalawang buwan e Di ako dinadatnan Anu Po kaya Ito ?normal lang Po ba ? Di din Naman ako buntis Wala din Naman pong sintomas na buntis ako …Sana masagot Po tanong ko salamat…

    1. Hi Lenie! Tulad nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, maraming posibleng makaapekto sa siklo ng regla tulad ng stress, timbang, diyeta, at iba pa. Kung nais malaman ang tiyak na sanhi, mainam na magpasuri sa OB/GYN ukol dito.

    1. Hi po bakit po ganun 17 years old po ako pero hindi naman nagalaw pero 2 months nang delayed sa menstruation ano po bang nangyayare sa akin? Madalas djn po akong stress

      1. Hi Anne! Normal po para sa mga nagdadalaga na katulad mo na hindi regular ang regla, dahil dumadaan pa ang iyong katawan sa iba’t ibang pagbabago sa pagdadalaga. Magiging normal rin naman po ito pagtanda mo. Ang stress ay isa rin sa maaaring makaapekto sa regla, kaya mainam na umiwas at magbawas sa stress.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon