Kapag tinanong ka ng doktor, “May ibang gamot ka bang iniinom,” o “May maintenance na gamot ka ba,” sinusuri niya kung meron ka bang iniinom na gamot na posibleng makaapekto sa iyong mga contraceptive pills.
May mga gamot na hindi lubos na mabisa kapag nasabayan ng ibang gamot. At ganun rin pagdating sa mga hormonal contraceptives, lalo na ang mga pills. Kaya mahalaga na sabihin sa doktor ang anumang kondisyon na meron ka o gamot na iniinom mo.
Para siguradong lubos na mabisa ang iyong mga pills, mainam na umiwas sa ilang mga gamot na maaaring makaapekto dito.
Mga antibiotics
Karamihan ng mga antibiotics ay hindi nakakaapekto sa mga hormonal contraceptives. Ayon sa isang saliksik, ang nag-iisang antibiotic, sa ngayon, na nakakaapekto sa bisa ng mga kontraseptibo ay ang rifampin. Ito ay ginagamit para sa pagpuksa ng tuberculosis.
Mga anti-hiv na gamot
Ayon sa isang saliksik, ang mga sumusunod na retrovirals na lunas sa HIV ay nakakaapekto sa mga hormonal contraceptives:
- Darunavir
- Efavirenz
- Lopinavir/Ritonavir
- Nevirapine
Okay lang ang iba pang mga gamot na wala sa listahan, pero mabuti pa rin na ikonsulta sa iyong doktor.
Mga antifungal na gamot
Ang mga antifungal creams, ointments, at powders na pinapahid sa balat ay hindi nakakaapekto sa kontraseptibo.
Pero may mga oral at intravenous antifungal na gamot na nakakabawas sa bisa ng kontraseptibo. Ito ay ang griseofulvin, ketoconazole, fluconazole at itraconazole.
Ayon sa mga eksperto, mababa ang panganib na makaapekto ang mga antifungal na mga gamot sa kontraseptibo, pero iminumungkahi na kumonsulta pa rin sa doktor.
Mga anticonvulsants
Ang mga sumusunod na gamot para sa seizures ay nakakaapekto sa mga hormonal contraceptives:
- Carbamazepine
- Felbamate
- Oxcarbazepine
- Phenobarbital
- Phenytoin
- Primidone
- Topiramate
Modafinil
Ang modafinil ay isang stimulant na karaniwang ginagamit na lunas para sa narcolepsy, sleep apnea, at iba pang mga sintomas ng mga sleep disorders. Nakakabawas ito sa bisa ng mga pills, at maaaring mangailangan gumamit ng backup method, kahit isang buwan nang itinigil ang modafinil.
Mga herbal na suplemento
Ang St. John’s wort ay isang suplemento na sinasabing nakakatulong sa mga sintomas ng depresyon, insomnia, at balisa. Ipinapakita ng isang saliksik na ang mga suplemento tulad nito ay pwedeng makaapekto sa kontraseptibo.
Ang flaxseed rin ay pwedeng makaapekto sa mga hormonal contraceptives. Ito ay suplemento na karaniwang ginagamit na lunas sa ilang mga digestive problems tulad ng malalang tibi, at irritable bowel syndrome (IBS).
Mga pinagmulan:
https://www.webmd.com/sex/birth-control/medicines-interfere-birth-control-pills
https://www.nhs.uk/conditions/contraception/contraceptive-pill-interact-medicines/
https://www.singlecare.com/blog/medications-that-interfere-with-birth-control/