fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga senyales na baka mas mabuting makipaghiwalay na

Ang bawat mag-asawa, gaano man sila katagal na magkasama o kung gaano sila kasaya sa labas, ay dumadaan rin sa mga pagsubok. At hindi karaniwan para sa iyo na minsan ay mag-isip kung dapat ba kayong magpatuloy o maghiwalay na lang.

Ang paghihiwalay ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Minsan, mayroon ding kislap ng pag-asa na pinanghahawakan ng mga tao, umaasang magbabago ang kanilang partner balang araw. Iyon ang dahilan kung bakit maaaring piliin ng ilang tao na manatili sa kabila ng lahat ng malinaw na senyales na nakikita nila.

Siyempre, ikaw lang ang taong nakakaalam ng lahat tungkol sa inyong relasyon. Kaya, ikaw lang ang makakapagsabi kung mas mabuting makipaghiwalay ka sa iyong partner.

Kung sa tingin mo ay may mga mahihirap na desisyon na dapat gawin, narito ang mga palatandaan na dapat mong obserbahan at pagnilayan.

On and off ang relasyon

Noong kabataan niyo, baka normal pa ‘yung on-off ang inyong relasyon. Pero habang tumatanda, ang pag-uugali na ito ay hindi na maganda o nakakatuwa sa katagalan.

Okay lang na bigyan ng space ang isa’t isa kapag dumadaan kayo sa mga makabuluhang hamon. Ngunit kung palaging on-off ang inyong relasyon, marahil ay may pinagbabatayan na dahilan na iniiwasan niyo lang harapin. O kung napag-usapan niyo na ito nang masinsinan ngunit hindi pa rin nagbabago, kung gayon iyon ay isang senyales para sa iyo.

Ang relasyon ay puno ng tensyon

Ang mga hindi pagkakasundo ay hindi maiiwasan, ngunit hindi mo dapat maramdaman na palagi kang nag-iingat o tila sasabog ang partner mo anumang oras.

Ang pamumuhay sa patuloy na pag-igting at pagiging alerto sa lahat ng oras ay hindi komportable. Namumuo ito sa iyong mga balikat, nakakapit sa iyong puso, at nagpapahirap sa paghinga — maaari ka bang mabuhay nang ganoon magpakailanman?

Kung palaging may bagong dahilan para makipagtalo araw-araw, o parang palagi kang nababalisa o nag-ooverthink, maaaring oras na para maghiwalay ng landas.

Mayroong pisikal o emosyonal na pang-aabuso

Ang pang-aabuso, mental man, pisikal, o emosyonal, ay isang solid red flag na ang relasyon ay toxic at hindi malusog. Hindi katanggap-tanggap ang pananakot o paghahamon. Kung nangyari ito ng isang beses, mas madalas kaysa sa hindi, ito ay mauulit.

Walang sinuman ang may karapatang mang-abuso ng ibang tao. Dapat palaging may respeto sa isa’t isa para maging malusog ang relasyon at tumagal ng mahabang panahon. Mas mabuting mag-isa kaysa makasama ang taong hindi ka tinatrato bilang isang tao na karapat-dapat sa paggalang at dignidad.

Nawawala ang tiwala

Kapag may kutob kang ‘di maganda ang isang bagay, pakinggan mo ‘yan! Mahalaga ang transparency at honesty sa anumang relasyon, romantiko man o hindi.

Hindi niyo kailangang ibunyag ang lahat sa isa’t isa. Ang bawat tao’y may mga maliliit na sikreto na mas gusto nilang itago sa kanilang sarili, ngunit may ilang mga tao na kusang-loob na hindi tapat sa kanilang partner.

Kung madalas mong makita ang iyong sarili na nagtatanong kung ang iyong partner ay nagsasabi sa iyo ng totoo o kung sa tingin mo ay ang iyong partner ay hindi naghahayag ng kanilang tunay na sarili sa iyo, kung gayon iyon ay maaaring isang senyales na ito ay hindi magiging isang pangmatagalang relasyon.

Gayundin, ang pagsisinungaling, panloloko, at pagmamanipula ay hindi pagkakamali. Ang mga ito ay mga desisyon na kusang ginagawa. Kung nahuli mo ang partner mo ng isang beses, magiging mahirap na pagtagpi-tagpiin ang relasyon na parang walang nangyari pagkatapos ng paglabag sa iyong tiwala. Hindi mo dapat kwestyunin ang iyong halaga o sisihin ang iyong sarili kung bakit nanloko ang iyong partner.

Pilit ang mga emosyon

Nahihirapan ka bang magsabi ng “I love you” ng totoo sa iyong partner? Ang relasyon ba ay parang isang tungkulin na lang? Kung gayon, oras na para makipag-usap sa iyong partner.

Kapag hindi mo na nararamdaman ang pagmamahalan sa pagitan ninyong dalawa, at parang milya milya ang agwat ninyo kahit na pisikal na malapit kayo sa isa’t isa, baka gusto mong pag-isipang muli ang inyong relasyon ngayon.

Ang iyong mga paniniwala at pananaw ay hindi magkatugma

Ang iyong mga paniniwala ay bahagi ng kung sino ka. At kapag ang mga ito ay nakompromiso para sa kapakanan ng kasiyahan ng iyong partner, kailangan mong pagtibayin ang iyong halaga sa kabila ng relasyon.

Dapat pantay kayo ng iyong partner sa loob ng relasyon. Ang pagkakaroon ng parehong pananaw para sa hinaharap ay mahalaga sa isang pangmatagalang pagsasama. Kung palagi kayong nagtatalo dahil magkasalungat ang pananaw at naghahatakan kayo sa magkaibang direksyon, mas mabuting lumayo na lang kaysa sayangin ang iyong oras.

So, oras na ba para maghiwalay kayo?

Ang pakikipaghiwalay ay malaking desisyon. Ang mga senyales na binanggit sa itaas ay hindi nangangahulugang kailangan mong wakasan ang iyong relasyon kaagad, maliban kung nakakaranas ka ng anumang uri ng pang-aabuso. Sa halip, isaalang-alang ang mga ito bilang tanda mo upang suriin ang inyong relasyon.

Ikaw lang ang nakakaalam ng lahat ng nangyayari sa inyo. Kung sa tingin mo ay may pag-asa pa at sigurado kang nasa tamang partner ka, maaaring idaan sa usapan para ayusin ang mga bagay-bagay at humanap ng mga paraan para pasiglahin at patatagin ang iyong koneksyon.

Ngunit kung sa tingin mo ay paulit-ulit na ang kalungkutan at toxicity sa kabila ng lahat ng mga pagsisikap na ayusin ang mga bagay, huwag matakot na sa wakas ay gawin ang pinakamahusay na desisyon para sa iyo. Ang buhay ay masyadong maikli para gugulin sa pagtitiis ng kalungkutan at sakit.

Mga pinagmulan:

Lamothe, C. (July 30, 2019). When (and How) to Break Up with Someone You Love. Healthline. https://www.healthline.com/health/when-to-break-up-with-someone-you-love 

Arnaldo, S. (March 22, 2020). Is it time to break-up? Here are 5 signs. Rappler. https://www.rappler.com/life-and-style/relationships/signs-know-time-to-break-up/ 

Harsh Y. (December 5, 2019). 11 strong signs that you should breakup and move on. Medium. https://medium.com/live-your-life-on-purpose/11-strong-signs-that-you-should-breakup-and-move-on-2621e45a182b 

Wilson, K. (June 30, 2021). Is It Really Over? 9 Telltale Signs It’s Time To Breakup and Move On For Good. Essence. https://www.essence.com/love/relationships/when-to-breakup-end-relationship-psychologist-advice/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon