fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano Mas Makakatagal ang Mga Lalaki sa Kama

Maraming lalaki ang nakikipagsex hindi lamang para mapasaya ang sarili nila kundi pati na rin ang kanilang mga partner. At para sa ilan, ang pagpapasaya sa kanilang mga partner ay nangangailangan ng pagtagal sa kama. Ito ay totoo lalo na para sa mga straight na lalaki. Isang katotohanan na mas madalas
nakararanas ng sexual satisfaction ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Dahil dito, mahalagang malaman ng mga lalaki ang mga paraan kung paano sila mas makakatagal sa pagtatalik. 

Ano Ang Nagpapa-orgasm sa Mga Lalaki?

Kailangan mo munang maunawaan ang numero unong dahilan kung bakit nag-oorgasm ang mga lalaki: labis-labis na stimulation. Ang sobrang stimulation o “sarap” na iyong nararamdaman ay madaling maging sanhi ng iyong pagtatapos sa pagtatalik. Isipin mo na meron kang isang stimulation meter na, kapag umabot sa 100, ay magpapa-orgasm sa iyo.

Isa sa mga pinakasimpleng paraan upang mas tumagal ka sa pagtatalik ay ang pagpansin sa kung kailan ka mag-oorgasm, pagkatapos ay huminto ka muna sa pag-stimulate sa sarili o bawasan mo ang stimulation na nararanasan mo at hayaan mong bumaba ang meter. Merong ilang paraan upang magawa ito.

Edging

Ang edging ay ang proseso ng paghihinto ng stimulation kapag ang iyong stimulation meter ay umabot na sa 90. Nagreresulta ito sa pagbaba ng meter, at habang nagpapababa ng meter, maaari kang magfocus sa iyong partner hanggang sa handa ka na ulit para sa stimulation.

Pagsasarili Bago Makipagtalik

Sa pamamagitan ng pagsasarili bago makipagtalik, magiging mabagal ang pagtaas ng iyong stimulation meter. Ito’y dahil ang pagbulalas ay nakakababa ng sex drive.

Paghihinay-hinay ng Galaw

Mas mabilis kang mag-oorgasm kung makikipagsex ka nang mabilisan dahil sa lahat ng stimulation na nagagawa nito. Pero, kung babagalan mo ang paggalaw, babagal din ang pagtaas ng iyong stimulation meter. Dagdag pa rito, maaari itong magbigay ng oras para sa ibang bagay: makipag-usap ka sa iyong partner, purihin mo siya, sabihin mo sa kanya kung gaano ka kasaya o kung gaano kasarap ang ginagawa ninyo. Para sa ibang babae, ang mabagal na pagtatalik ay sensual.

Pagpapalit ng Posisyon

Ang pagpapalit-palit ng mga posisyon habang nagtatalik ay maaaring makaantala sa pagtaas ng stimulation meter, lalo na kapag may sinubukan kang posisyon na sobrang masarap para sa iyo.

Pagsusuot ng Condom

May mga lalaking ayaw magsuot ng condom sa kadahilanang “iba ang pakiramdam” ng pagtatalik kapag may condom. Pwede mong tingnan ang usapin sa ganitong anggulo: ang pakikipagsex habang may condom ay hindi mabilis na magpapa-orgasm sa iyo tulad ng pakikipagsex nang walang condom. Sa madaling salita, mas matagal kayong makakapagtalik ng partner mo kapag may condom na gamit. Bilang bonus, ito ay isang madali at abot-kayang paraan upang makipagtalik nang ligtas!

Malusog na Pamumuhay

May mga lalaki na napipilitan na lamang tapusin ang pakikipagtalik dahil sa pagod. Kadalasan, ang mga lalaking ito ay hingal na hingal pagkatapos makipagsex. Sa pag-aalaga sa iyong kalusugan, lalo na sa cardio health mo, maaari mong ihanda ang iyong puso para sa mas mahabang pakikipagtalik. Gayundin, sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, maiiwasan mo ang pagtatapos sa sex na parang asong humihingal!

Ang jogging, basketball, biking, at swimming ay kabilang sa mga pinakakaraniwang ehersisyo. Ang pagtigil naman sa paninigarilyo at pagsunod sa isang balanseng diyeta ay mga napatunayan nang paraan para mapaganda ang kalusugan ng isang tao. Ang mga gawaing ito ay hindi lamang makakatulong sa iyo na mas tumagal sa sex; makakatulong din ang mga ito sa pagpapahaba ng buhay mo.

Pakikipag-usap sa Iyong Partner

Ang sex ay hindi gawain na para lamang sa iisang tao. At tulad ng maraming aktibidad na nangangailangan ng kooperasyon ng dalawang tao, nakakatulong ang pagkakaroon ng mabuting komunikasyon. Ipaalam mo sa iyong partner na gusto mong mas tumagal sa kama. Sa ganoon, malalaman niya kung ano ang sinusubukan mong gawin at pwedeng matulungan ka pa niya. Maaari kayong magsalitan ng focus sa kama o mag-foreplay para sa mas mahabang sex.

Konklusyon

Bukod sa pagkakaroon ng kamalayan sa iyong stimulation meter, mahalagang tandaan na hindi lamang pisikal ang aspeto ng pagtatalik. Meron din itong emosyonal na bahagi, lalo na sa pagtatalik ng mga committed na partner.

Sa susunod na makikipagtalik ka, bigyan mo ng atensyon ang iba pang mga bagay bukod sa iyong stimulation meter at kung gaano kasarap ang sex para sa iyo. Isipin mo rin kung nasasarapan ba ang partner mo. Alalahanin mong kailangan din ng partner mong makaranas ng sekswal na kasiyahan.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/mens-health/how-to-last-longer-in-bed#what-you-eat
https://www.medicalnewstoday.com/articles/how-to-last-longer-in-bed

Ang larawan ay mula kay jcomp sa freepik.

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon