fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano palitan ang oras ng pag-inom ng pills

Pwedeng inumin ang mga oral contraceptive pills sa anumang oras na gusto mo, pero ang mahalaga ay iinumin mo ito araw-araw sa parehong oras.

Naitatanong mo ba kung pwede at ligtas bang palitan ang oras ng pag-inom? Oo, maaari mo naman itong gawin.

Ngunit, importanteng malaman mo kung paano ito gagawin nang tama para ika’y lubos na protektado pa rin habang nagpapalit sa panibagong iskedyul. Magpatuloy nang pagbasa para malaman kung paano ba palitan ang oras ng pag-inom ng pills.

Bakit mahalagang inumin ito sa parehong oras?

Iminumungkahi na ang pag-inom ng pills ay gawin araw-araw sa pare-parehong oras. Pero hindi naman kailangan na saktong-sakto ang oras, dahil meron namang “safe” window ang mga pills.

Kung mga progestin-only pills ang iyong iniinom, kailangan rin itong inumin araw-araw sa parehong oras, sa loob ng 3-hour window. Hindi garantisado na lubos ang proteksyon kapag lumampas ka sa tatlong oras, at nakaligtaang pill na ito. 

Ano ang pinakamainam na paraan para palitan ang oras ng pag-inom ng pills?

Baka mas madali sa‘yo na hintayin na lang maubos mo muna ang pills bago palitan ang iskedyul para hindi ka malito. Pero nakadepende sa klase ng pills mo ang tamang pagpalit ng oras.

Combination pills (estrogen + progesterone)

Kapag mga combination pills ang iyong gamit, ang mahalaga ay ang bawat dose ay mainom sa loob ng 24 oras mula sa naunang dose.

Ito ang mga posibleng paraan para sa mga combination pills:

  • Kung nais magpalit sa mas maagang oras, inumin lamang ang susunod na pill sa mas maagang oras na gusto.

Halimbawa, gusto mong magpalit mula sa 8PM, at gawing 7PM na. Inumin na ang sunod na pills nang 7PM, at ipagpatuloy ang pag-inom ng mga susunod na pills sa bagong iskedyul, na 7PM. Nasa loob pa rin ‘yan ng 24 oras.

  • Kung nais magpalit sa mas late na oras, kailangan uminom ng dalawang pills sa iisang araw — isang pills sa nakagawiang oras, at isa pang pill sa bagong oras.

Kung, kunwari, ang nakagawiang oras ay 10AM pero nais lumipat sa 6PM, uminom ng isang pill nang 10AM at isa pang pill nang 6PM, sa bagong iskedyul. At sa mga susunod na araw, inumin na ang mga pills sa panibagong iskedyul.

Protektado ka pa rin mula sa pagbubuntis, pero tandaan na baka mas maaga mong mauubos ang pakete ng mga pills. Okay lang ito, basta tama at tuloy-tuloy ang pag-inom ng mga pills.

Progestin-only pills

Para sa mga gumagamit ng mga progestin-only pills, mga ilang araw ka mag-aadjust hanggang sa maabot ang bagong iskedyul na ninanais, dahil ang mga ganitong pills ay may 3 oras na safe window lamang.

Halimbawa, nakagawian na iniinom ang pills nang 10AM, pero nais palitan ito nang 3PM. Inumin ang pill sa nakagawiang oras na 10AM. Kinabukasan, inumin ang pill sa mas late na oras pero sa loob pa ring ng 3 oras na safe window, gaya ng 12PM. Gawin ang prosesong ito sa mga susunod na araw hanggang sa maabot na ang nais na bagong iskedyul.

Paano masisiguro na protektado pa rin kapag magpapalit ng oras?

Ligtas at protektado ka pa rin naman kapag nagpapalit ng iskedyul, basta hindi ka lalampas sa safe window kapag lumilipat galing sa nakagawiang oras papunta sa bagong oras.

Tandaan na ang safe window para sa mga combination pills ay 24 oras, at 3 oras naman para sa mga progestin-only pills.

Pero kung sakaling lumampas sa safe window, kailangan gumamit ng backup method gaya ng condoms para protektahan ang sarili laban sa pagbubuntis.

Para sa mga gumagamit ng mga progestin-only pills, kailangan gumamit ng backup method sa susunod na dalawang araw.

Para naman sa mga gumagamit ng mga combination pills, kailangan gumamit ng backup method sa susunod na pitong araw.

Ano ang mga karaniwang karanasan kapag nagpapalit ng iskedyul?

Ang mga karaniwang karanasan kapag nagpapalit ng iskedyul (na nararanasan rin kapag bago pa lang sa pag-inom ng mga pills) ay ang spotting at irregular bleeding.

Wala namang kailangang ikabahala, kasi mawawala rin naman ang mga ito kapag nakaadjust na ang iyong katawan sa bagong iskedyul — siguraduhin lamang na tama at tuloy-tuloy ang pag-inom ng mga pills.

Kung nababahala sa mga menstrual irregularities, mainam na kumonsulta sa doktor ukol dito.

Mga pinagmulan:

https://help.simplehealth.com/article/155-if-i-started-taking-the-pill-at-one-time-but-want-to-change-the-time-i-take-it-every-day-can-i-do-that

https://www.healthline.com/health/birth-control/can-i-change-the-time-i-take-my-birth-control

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon