Ang mga sekswal na pantasya at fetish ay mga natural at karaniwang aspeto ng sekswalidad. Maaari silang pagmulan ng kasiyahan at makatulong sa pagkilala sa iyong sarili. Gayunpaman, may mga taong maaaring malito sa kanilang mga pantasya at makaramdam ng kahihiyan.
Natutuwa ka man sa iyong mga pantasya o hindi, ang pag-aaral sa kung paano dapat pangasiwaan ang mga ganitong uri ng kaisipan ay makakatulong sa pagkilala sa sarili at pagpapatibay ng kumpiyansa mo sa iyong sekswalidad at mga relasyon.
Heto ang ilang tips at mga diskarte para sa responsableng pagharap sa iyong mga sekswal na pantasya.
Unawain at Tanggapin ang Iyong mga Pantasya
Ang unang hakbang sa pagtanggap sa iyong mga pinapantasya ay ang pag-unawa na ang mga ito ay normal at hindi dapat ikahiya.
Maaaring makatulong ang paglalaan ng oras para kilatisin ang mga ito. Mainam na suriin at pagnilay-nilayan mo ang mga tema at eksenang pumupukaw sa’yo. Subukan mo na ring intindihin kung bakit sila kaakit-akit sa iyong isip.
Pag-isipan mong mabuti kung ang mga pantasya mo ay nagmumula sa pagnanais na magkaroon ng kapangyarihan. Importante ring intindihin kung ano ang nararamdaman mo sa mga naiisip mo. Baka makatulong sa’yo ang pagbabasa ng artikulo namin tungkol sa posibleng kahulugan ng iyong mga sekswal na pantasya.
Pag-isipan ang Posibleng Maidulot ng mga Ito sa Iyo at sa Iba
Kung tatangkain mong gawin ang mga pantasya mo, mainam na intindihin mo muna ang mga posibleng epekto ng mga ito. Bagama’t may mga pantasyang ayos lang gawin, meron ding mga hindi dapat basta-bastang subukan nang walang pahintulot mula sa iyong partner.
Siguraduhin mo na rin na ang mga ninanais mong gawin ay ligtas at hindi makakapaminsala sa ibang tao, lalo na sa’yo at sa partner mo. May isyu rin ng legalidad. Hindi mo naman siguro gustong makulong o maparusahan dahil sa kagustuhang mag-sexy time, no?
May mga pantasya ring posibleng makasakit gaya ng BDSM (o bondage, discipline, dominance and submission.) Dapat paghandaan nang mabuti ang mga ganitong uri ng pantasya, at ‘wag mong kalimutang manghingi ng consent sa partner mo. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa mga pagnanasa mo ay makakatulong sa pagpasya kung pwede nga bang gawin ang mga ito.
Maging Responsable sa Pagkilos
Kung may mga sekswal na pantasya o fetish kayong nais gawin ng partner mo, ugaliin niyo dapat ang pagiging sensitibo sa damdamin ng isa’t-isa. Tandaan mo ring hindi lahat ng pantasya ay pwedeng subukan.
Normal lang na magkaroon ng moral dilemma tungkol sa ibang mga pantasya. Ang pagninilay-nilay sa mga ito ay makakatulong sa pagpasya kung komportable kayong subukan ang mga ito.
Kung may nais kang gawin kasama ang partner mo, dapat mo muna siyang kausapin tungkol dito. Kung okay lang sa kanya, edi mag-enjoy ka! Importanteng bahagi ng mga relasyon ang pag-uusap tungkol sa pakikipagtalik. Kailangan din ng maayos na komunikasyon pagdating sa mga pantasya at fetish.
Kumonsulta sa Eksperto kung Kinakailangan
Kung ika’y nababahala sa iyong mga sekswal na pantasya, o kung nakakaapekto na ang mga ito sa iyong pang-araw-araw na buhay, baka makabuting bumisita ka sa isang eksperto. Ang isang therapist o sex counselor ay posibleng makatulong sa pag-unawa sa iyong mga naiisip.
Baka matulungan ka rin sa pagtuklas kung saan nagmumula ang mga pantasya mo.
Bagama’t ang mga pantasya at fetish ay nasa isipan mo lamang, ang pagkilatis sa mga ito ay may positibong epekto sa iyong sekswalidad at kalusugan. Kailangang kilalanin at tanggapin ang mga ito; pag-isipan ang mga posibleng epekto kung gagawin niyo sila ng partner mo; at maging responsable. Maganda ring kumonsulta sa isang propesyonal kung kailangan.
Kung gusto mo pang pag-aralan ang mga pantasya, fetish, at mga dapat gawin sa mga ito, pwede mong panoorin ang Episode 2 ng The Naked Truth Show sa Youtube o sa aming Facebook page. Isa itong talk show na nagtatampok kay Macoy Dubs bilang ang curious na si Gina G, at ang sexologist na si Doc Rica Cruz.
Sa wastong pangangasiwa sa mga sekswal na pantasya, maaari kang magkaroon ng positibo’t nakagagalak na karanasang sekswal.
Pinagmulan:
- Loggins, B. (2022, Mayo 17). Having sexual fantasies? Here’s why and when you should act on them. Verywell Mind. Kinuha noong Abril 18, 2023, mula sa https://bit.ly/41Cxnfu
- Imahe mula sa Freepik