fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pag-unawa sa mga female sex hormones

Lahat ng tao ay mayroon ng mga tinatawag na “male” o “female” sex hormones. Ang mga ito ay likas na nililikha ng katawan.

Malaki ang tungkulin ng mga sex hormones sa sexual development, reproduksiyon, at pangkalahatang kalusugan, sa pamamagitan ng paghatid ng mga mensahe sa mga selula at parte ng katawan para tumakbo nang maayos ang katawan.

Narito ang mga impormasyon tungkol sa mga sex hormones at kanilang layunin.

Ano ang mga female sex hormones?

Ang mga obaryo at adrenal glands ay ang mga karaniwang lumilikha ng mga hormones sa mga babae.

Ang dalawang pangunahing female sex hormones ay ang estrogen at progesterone. Ang testosterone ay isang male sex hormone, pero kailangan rin ito ng mga babae at lumilikha rin ang kanilang katawan ng kaunting testosterone.

Estrogen

Ang estrogen ay ang pinaka kilalang female sex hormone. Nagsisimula ang produksyon nito sa mga obaryo, pero ang mga adrenal glands at selulang taba ay naglilikha rin ng kaunti nito. Kapag buntis, ang placenta ay naglilikha rin ng estrogen.

Malaki ang tungkulin nito sa reproduksiyon at sexual development. Ang utak, cardiovascular system, buhok, musculoskeletal system, balat, at urinary tract ay naaapektuhan rin ng estrogen.

Progesterone

Pagkatapos ng obulasyon, ang mga obaryo at adrenal glands ay naglilikha ng progesterone. Ang placenta ay naglilikha rin ng progesterone kapag buntis.

Ang progesterone ay responsable sa:

  • Pag-regulate ng siklo ng regla
  • Paghahanda sa uterine lining (o endometrium) para sa napertilisang selulang itlog
  • Pagsuporta sa pagbubuntis
  • Pagbalanse sa produksyon ng estrogen pagkatapos ng obulasyon

Testosterone

Ang mga adrenal glands at obaryo ay naglilikha rin ng kaunting testosterone, na kasama sa isang uri ng male hormones na tinatawag na androgens. Ito ay nakakaapekto sa:

  • Pagnanais makipagtalik
  • Pagkamayabong 
  • Pagregla
  • Tibay at lakas ng mga buto at kalamnan
  • Produksyon ng pulang selula ng dugo

Ano ba ang layunin ng mga hormones sa katawan?

Maraming naaapektuhan ang mga female sex hormones. Pero habang dumadaan sa iba’t ibang yugto ng iyong buhay, paiba-iba rin ang iyong mga pangangailangan pagdating sa mga hormones, at lalo na kapag nagsimula na magdalaga.

Pagdadalaga

Ang pagdadalaga ay karaniwang nangyayari sa mga edad na 8 hanggang 13 taong gulang. Nangyayari ito dahil sa mga hormones.

Ang pituitary gland ay naglilikha ng mas maraming luteinizing hormone (LH) at follicle-stimulating hormone (FSH). Ang mga ito naman ay humihikayat sa produksyon ng mga sex hormones na estrogen at progesterone.

Dahil sa pagtaas ng antas ng mga female sex hormones, umuudyok ito sa pagbuo ng mga

 secondary sexual characteristics na:

  • Paglaki ng mga suso
  • Pagtubo ng buhok sa ari at kilikili
  • Pagtangkad
  • Pagdagdag ng taba, lalo na sa balakang, pwet, at hita
  • Paglawak ng pelvis at balakang
  • Pag-mature ng mga obaryo, matris, at pwerta
  • Pagdami ng produksyon ng sebum (oil) sa mukha
  • Pagsimula ng pagregla

Pagregla

Menarche ang tawag sa pinaka unang regla. Ito’y kadalasan nangyayari sa mga edad na 8 hanggang 15 taong gulang.

Normal lang na hindi pa regular ang regla ng mga nagdadalaga, pero karamihan naman ay nakakaranas ng regular na siklo ng regla pagkatapos ng kanilang menarche.

Nagiiba-iba ang antas ng mga hormones sa iba’t ibang yugto ng siklo ng regla. Iba-iba rin ito para sa bawat tao, at malalaman lang ito sa pamamagitan ng mga blood tests.

Pagnanais makipagtalik

Ang estrogen, progesterone, at testosterone ay nakakaapekto sa sexual desire (libido) at arousal. Kapag mas mataas ang antas ng estrogen, mas mataas ang libido pati na rin ang lubrikasyon ng pwerta. Ang pagtaas naman ng antas ng progesterone ay nakakababa sa sexual desire.

Dahil sa pagbabago ng antas ng mga hormones sa bawat yugto ng siklo ng regla, ang sexual desire ay karaniwang tumataas bago ang obulasyon.

Pagbubuntis

Biglang tumataas ang antas ng ilang mga hormones kapag buntis, kaya nakakaranas ng mga pangunahing sintomas tulad ng pagsusuka, pagduduwal, at pagdalas ng pag-ihi.

Kapag kumapit na ang napertilisang selulang itlog sa uterine lining, ito na ang marka ng simula ng pagbubuntis. Kumakapal at napupuno ng nutrisyon ang uterine lining para masuportahan ang paglaki ng embryo.

Tuloy-tuloy ang pagtaas ng antas ng progesterone sa mga unang linggo ng pagbubuntis. Pinapakapal nito ang cervix at binubuo ang mucus plug para hindi makapasok ang bakterya at esperma sa sinapupunan.

Nagsisimula na ring maglikha ng human chorionic gonadotropin hormone (hCG) ang katawan. Ito’y nakikita sa ihi, at maaaring matukoy kung mayroon ka nito sa pamamagitan ng paggamit ng pregnancy test kit. Ang HCG ay nagu-udyok sa produksyon ng higit pang estrogen at progesterone para pigilan ang siklo ng regla at para masuportahan ang pagbubuntis.

Ang placenta ay naglilikha ng isang hormone na tinatawag na human placental lactogen (hPL). Ito’y responsable sa pagkontrol ng metabolismo ng buntis, pagbigay ng nutrisyon sa lumalaking sanggol, at pagtulong sa pag-stimulate ng mga milk glands bilang paghahanda sa pagpapasuso.

Ang paglikha ng katawan ng relaxin habang nagbubuntis ay tumutulong sa pagkapit at paglago ng placenta, pagpigil sa mga contractions sa sinapupunan kapag hindi pa tamang oras ng panganganak, at pagrelaks sa mga litid sa balakang kapag nagli-labor na.

Panganganak at pagpapasuso

Bumababa ang mga antas ng hormones at bumabalik sa dati kapag natapos na ang pagbubuntis. Sinasabi na ang biglang pagbaba ng estrogen at progesterone sa yugtong ito ay ang sanhi ng postpartum depression.

Nakakababa rin sa antas ng estrogen ang pagpapasuso, na maaari ring pumigil sa obulasyon. Pero hindi ganito ang kaso ng lahat, kaya napakahalaga pa rin ng kontrasepsiyon bilang pag-iwas sa pagbubuntis uli agad-agad.

Kontrasepsiyon

Ang mga hormonal na kontraseptibo ay naglalaman ng kaunting estrogen at progesterone bilang proteksyon laban sa pagbubuntis. Ang mga ito ay pumipigil sa obulasyon, pinapakapal ang cervical mucus para hindi makapasok ang esperma, at pinapanipis ang uterine lining para hindi makakapit ang selulang itlog kung sakaling mapertilisa ito.

Maliban sa pag-iwas sa pagbubuntis, may iba pang benepisyo ang mga hormonal na kontraseptibo tulad ng pagregulate sa siklo ng regla, pagmanage sa endometriosis, at pagbawas sa tagihawat at hindi ninanais na buhok sa ilang parte ng katawan.

Perimenopause at menopause

Pagdating sa perimenopause — ang yugto bago ang mismong menopause — bumabagal ang produksyon ng progesterone at ang antas ng estrogen ay pabagu-bago na. Ang perimenopause ay maaaring magtagal ng 2 hanggang 8 taon, at karaniwang nagsasanhi sa mga sintomas tulad ng:

  • Hindi regular na regla
  • Hot flashes
  • Pabagu-bagong emosyon
  • Pagkatuyo ng pwerta
  • Pagbaba ng libido

Kapag 12 buwan ka nang hindi nireregla, ibig sabihin nito ay naabot mo na ang menopause. Patuloy pa rin naman na naglilikha ng estrogen at progesterone ang mga obaryo, pero napakakaunti na lang. Dahil sa mas mababang antas ng mga hormones, tumataas naman ang panganib para sa pagnipis ng mga buto (osteoporosis), mga sakit sa puso, at stroke.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/female-sex-hormones

https://www.medicalnewstoday.com/articles/324887

https://www.webmd.com/women/guide/normal-testosterone-and-estrogen-levels-in-women

http://www.webmd.com/sex/birth-control/qa/how-does-hormonal-contraception-work#:~:text=Hormonal%20contraceptives%20

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon