fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Regular Na Pagsusuri Ng Kalusugan Ng Mga Babae

Female Routine Health Check

Ang mga sistemang reproduktibo ay kumplikado, at habang ang karamihan sa mga babe ay walang mga problema sa kanilang kalusugan, mahalaga na sumailalim sa mga regular na pagsusuri upang matiyak na ikaw ay malusog. Habang ang ilang mga pagsusuri sa kalusugan ay madali at simple lamang na maaaring gawin sa bahay, ang iba ay nangangailangan ng paminsan-minsang pagbisita sa doktor. Ang pagpunta sa mga pagsusuri na ito ay titiyakin na ang isang babae ay malusog, at kung may kakaiba man, maaaring maagapan agad. Tingnan sa ibaba para sa listahan ng mga inirerekumendang pagsusuri.

Pagsusuri Sa Sariling Suso

Mahalaga para sa mga babaeng may sapat na gulang na patuloy na obserbahan ang kalusugan ng kanilang mga suso. Ang kanser sa suso ay isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay sa mga babae, at madaling makita at malunasan ito kung naagapan nang maaga. Isang beses kada buwan, ang mga babae ay dapat magsuri sa sariling suso, na madaling gawin bago/pagkatapos maligo o sa iba pang oras. Mayroong tatlong hakbang sa maikling pagsusuri na ito:

  1. Habang nakatayo, gamitin ang mga daliri para pakiramdaman ang mga suso para sa anumang mga bukol, tigas o iba pang mga pagbabago.
  2. Tingnan ang mga suso sa isang salamin, at maghanap ng mga pagbabago tulad ng pamamaga, mga batik, ibang kulay, o mga pagbabago sa utong.
  3. Humiga at i-angat ang mga balikat gamit ang isang unan, saka itataas ang bawat braso sa itaas ng ulo at suriin ang mga suso para sa mga bukol, matitigas na parte, o likido mula sa mga utong.

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsusuri na ito isang beses kada buwan, ang anumang mga pagbabago ay madaling makita at ang anumang malubhang sakit ay maaaring maagapan nang mas maaga. Kung nakatagpo ng anumang mga bukol o iba pang mga iregularidad, pumunta agad sa isang tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan upang magpa-mammogram.

Pap Smear

Ano Ang Pap Test

Ang pap smear (pap test) ay isang pagsusuri na ginagawa ng doktor o nars upang suriin kung may mga abnormal na selula sa serviks, impeksyon, o kanser sa serviks.

Bakit Ito Mahalaga

  • Maaaring makakita ng mga abnormal na selula at impeksyon.
  • Maagang paggagamot ng mga selula na ito upang mapigilan ang kanser sa serviks.
  • Mapipigilan ang kanser sa serviks.

Sino Ang Dapat Sumailalim Sa Pap Test

  • Mga babae sa loob ng 21-69 taong gulang na aktibong nakikipagtalik sa huling tatlong taon; kabilang ang oral, vaginal, anal sex, paghalik at anumang iba pang anyo ng aktibidad na sekswal.
  • Mga babae na nagpabakuna laban sa HPV ay kailangan pa ring magpa-pap smear test.
  • Mga babae na walang serviks dahil sa hysterectomy (operasyon upang alisin ang matris) o mga walang nakakabahalang nakaraang resulta ng pap smear test ay hindi kailangang dumaan sa pagsusuri.

Paano Ginagawa Ang Pagsusuri

Ang isang pap smear test ay simple at mabilis na proseso. Sa pagsusuri, pahihigain ka sa kama nang hubad mula sa baywang pababa, hanggang sa mga binti. Ang doktor ay magpapasok ng isang bakal na instrumento na tinatawag na ‘speculum’ sa iyong ari upang bahagyang buksan para makita ang serviks.

Isang maliit na brush o stick ang ipapasok sa iyong ari upang pumunas ng konting sampol ng mga isusuring selula mula sa balat ng serviks. Maaaring maging hindi komportable para sa iyo, ngunit hindi ito masakit—relaks ka lang! Pagkatapos ay inilalagay ang mga selula sa isang glass slide at ipapadala ito sa isang laboratoryo para sa pagsusuri.

Ganoon lang kasimple!

Gaano Kadalas Dapat Sumailalim Sa Pap Test

  • Kung na sa loob ng 21 at 29 taong gulang, dapat magpa-pap smear test isang beses kada tatlong taon.
  • Kung na sa loob ng 30 at 64 taong gulang, dapat magpa-pap smear test at human papillomavirus (HPV) test nang magkasama kada limang taon o pap smear test lamang kada tatlong taon.
  • Kung 65 taong gulang o mas matanda, tanungin ang doktor kung maaaring ihinto ang pagkuha ng pap smear test.

Paano Maghanda Para Sa Pap Test

Dalawang araw bago ang pap test, kailangan iwasan ang paggamit ng mga feminine-hygiene wash, cream o gamot, at ang pagtalik.

HPV Test

Ang HPV o mga human papilloma virus ay isang karaniwang STI (sexually transmitted infection) na maaaring makaapekto sa balat ng serviks, anus at paligid ng bibig at lalamunan.

Mayroong higit sa 100 uri ng mga HPV, at higit sa 40 ay kumakalat sa pamamagitan ng sekswal na pakikipag-ugnay.

Paano Nakukuha Ang HPV

Ang HPV ay kumalat sa pamamagitan ng:

  • Pagdikit ng mga balat (paghahalik, pag-ugnay sa ari, pagbabahagi ng mga laruang sekswal).
  • Vaginal, oral, o anal sex.
  • Panganganak; mula sa ina, at naipapasa sa kanyang sanggol.

Ang HPV ay maaaring kumalat kahit na walang mga sintomas; ibig sabihin, maaaring makakuha ng HPV mula sa isang taong walang mga senyales o sintomas.

Ano Ang Mga Sintomas Ng HPV

Ang ilang mga tao ay nagkakaroon ng mga kulugo sa ari, o genital warts (mga may kulay na kulugo sa paligid ng ari), na hindi masakit ngunit makati at nakakainis. Ang mga uri ng HPV na nagdudulot ng kulugo sa ari ay hindi nagiging sanhi ng kanser.

Ang iba pang mga uri ng HPV na maaaring maging sanhi ng mga kanser sa serviks ay hindi nagpapakita ng anumang mga sintomas, at tumatagal ng maraming taon bago ang kanser ay lumago. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga regular na pagsusuri at pap smear test pagkatapos ng 21 taong gulang ay mahalaga para sa mga babae upang maiwasan ang mga kanser sa serviks sa pamamagitan ng tamang paggamot.

Kailan Makakakuha Ng Bakuna Sa HPV

Ang bakuna sa HPV ay pinakamabisa kapag nakuha ito bago magkaroon ng anumang uri ng ugnayan na sekswal sa ibang tao.

  • Pagkatungtong ng mga batang babae sa edad na 11 o 12 ay dapat makakuha na ng tatlong dosis ng bakuna sa HPV.
  • Ang mga batang babae at kababaihan 13 hanggang 26 taong gulang ay maaaring mabakunahan kung walang nakuhang dosis noong sila ay mas bata.
  • Ang bakuna sa HPV ay hindi inirerekomenda para sa mga buntis.

Mga Kalamangan At Kahinaan

  • Isang mahalagang pagsulong sa pagpigil sa kanser sa serviks at kulugo sa ari.
  • Pinoprotektahan laban sa HPV, na nagiging sanhi ng 70% ng mga kaso ng kanser sa serviks at 90% ng mga kulugo sa ari.
  • Hindi bababa sa sampung taong proteksyon.
  • Ligtas at epektibo.
  • Mayroong ilang mga epekto (konting kirot o pamamaga sa parte na tinurukan).
  • Hindi mabisa sa mga pasyente na nahawaan na ng HPV.
  • Tatlong dosis ang kinakailangan sa loob ng anim na buwan upang lubos na maprotektahan.

Mammogram

Ang Mammogram ay isang low-dose X-ray exam para magkaroon ng mas masinsinang pagsusuri para sa mga pagbabago sa tisyu ng suso kapag walang makita na anumang bukol o kakaiba sa pamamagitan ng isang klinikal na pagsusuri sa suso.

Kapag nakatungtong na ng 40 taong gulang, dapat magpa-mammogram bawat taon. Sa pagitan naman ng mga edad na 50 at 74 taong gulang, tuwing makalawang taon nalang.

Ginagamit ito para sa mga babaeng may sintomas, tulad ng pagbabago sa hugis o sukat ng isang suso, bukol, paglabas ng likido mula sa utong, o pangingirot, pati na rin ng mga babaeng walang sintomas o napansing kakaiba sa kanilang mga suso.

Upang maiwasan ang kanser sa suso, ang mga babae ay dapat magpa-mammogram kada isa, hanggang tatlong taon. Kung mayroong kasaysayan ng kanser sa suso ang iyong pamilya, ang pagpa-mammogram bawat taon ay napakahalaga.

Pinagmulan:

https://medlineplus.gov/womenshealthcheckup.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon