Ang siklo ng regla ay isang normal na proseso na nangyayari sa halos lahat ng mga babae sa mga taon na kaya nilang magbuntis—mula sa pagdadalaga hanggang sa menopos.
Sa kabila nito, marami pa ring kumakalat na mga hindi makatotohanang sabi-sabi tungkol sa regla—marahil dahil maraming mga babae (at lalaki) hindi komportable na pinag-uusapan ito. Kaya, ito ay maaaring maging pangunahing dahilan bakit maraming sabi-sabi sa regla.
Tingnan natin kung ano ang depinisyon nito sa medikal na kahulugan.
Ito ay isang natural na biyolohikal na proseso sa mga babae. Bawat buwan, inihahanda ng katawan ng babae ang kanyang sarili para sa pagbubuntis, ngunit kung walang pagbubuntis na mangyayari, ilalabas ng matris ang namuong uterine lining nito, at saka magsisimula ang pagregla. Ang regla ay nagmumula sa matris, dumadaan sa serbiks, at dumadaloy palabas ng katawan sa pamamagitan ng ari. Ang regla ay binubuo ng dugo, pati na rin ang labis na tisyu mula sa uterine lining. Maaari rin itong maglaman ng hindi napertilisang selulang itlog na dumaloy mula sa fallopian tube papuntang matris sa panahon ng obulasyon.
Ano ang mga karaniwang sabi-sabi tungkol dito?
Katha #1 Ang mga babae ay hindi dapat mag-ehersisyo o gumawa ng mga masidhing aktibidad habang nireregla.
Maliban kung malubha ang pananakit ng iyong puson (dysmenorrhea) o labis ang daloy ng dugo (menorrhagia) na nakakasagabal ito sa iyong kakayahang lumahok sa mga pisikal na aktibidad, walang dahilan upang iwasan ang pag-eehersisyo o regular na masidhing aktibidad kapag ikaw ay nireregla. Ang iyong regla ay isang normal na tungkulin ng iyong katawan. Sa katunayan, maraming mga eksperto sa kalusugan ang inirerekumenda ang pag-eehersisyo kapag may regla upang makatulong na mabawasan ang pananakit ng puson dahil ang mga aerobic na ehersisyo tulad ng paglalakad, pagtakbo, pagbibisikleta, pagsayaw, o paglangoy ay gumagawa ng mga kemikal na makakatulong sa pagpigil sa pananakit.
Katha #2 Ang dugo sa regla ay may masamang amoy.
Ang bawat babae ay may sariling natatanging amoy, ngunit ang dugo mismo ng regla ay walang amoy. Ito ay gawa sa dugo at tisyu na lumalabas mula sa iyong matris, at kung ihalo sa natural na nabubuhay na bakterya sa iyong katawan, maaaring mangamoy nang kaunti. Huwag mag-alala dahil malamang walang ibang makakaamoy nito. Duda ring naamoy mo na rin ang regla ng ibang tao. Ang ari ay hindi naman nag-aamoy tulad ng mga bulaklak sa kabila ng kung ano ang pinapakita ng mga patalastas ng napkin. Panatilihing malinis pa rin ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagpapalit ng iyong sanitary napkin o tampon, at regular na paghuhugas ng iyong ari gamit ang tubig at banayad na sabon. Huwag gumamit ng vaginal douche—maaari nitong sirain ang tamang balanse ng pH, at gawing mas madaling tablan ng impeksyon. Dahil ang ideya na mabaho ang amoy ng regla ay kathang-isip lamang, huwag nang mag-alala kung maamoy ito ng ibang tao. Gayunpaman, kung napansin mo na mayroong mabahong amoy, o pakiramdam mo na may nakakabahalang kundisyon, makipag-usap sa iyong doktor. Ang masamang amoy ng ari ay maaaring magpahiwatig ng yeast infection.
Katha #3 Mawawalan ka ng maraming dugo sa iyong panahon ng regla.
Ang ideyang ito ay purong kathang-isip. Ang karaniwang babae ay nawawala lamang ng dalawa hanggang tatlong kutsara ng dugo sa panahon ng regla. Kahit na ikaw ay nakakaranas ng menorrhagia (labis na pagdurugo), ang iyong matris ay naglalabas lamang ng apat na kutsara ng dugo. Ang tanging oras na mag-alala ay kung labis ang pagdurugo, na nakakaapekto na sa iyong buhay. Ang paggamit sa higit sa pitong napkin o tampon sa isang araw, ang pagdurugo ng higit sa pitong araw, o pagiging anemiko (anemic) ay mga palatandaan na maaari kang nawawalan ng labis na dugo, at kailangan mong makakita ng doktor. Subalit tandaan, ang labis na pagdurugo ay hindi normal o mabuti, at karaniwang hindi nararanasan ng karamihan sa mga babae.
Katha #4 Huwag maligo o hugasan ang iyong buhok habang nireregla.
Walang dahilan para hindi maligo o hugasan ang iyong buhok sa panahon ng regla. Sa katunayan, ang pagligo gamit ang mainit na tubig ay maaaring mapawi ang pananakit ng puson at tensyon ng katawan bago mag regla.
Katha #5 Masama sa kalusugan ang pakikipagtalik habang nireregla.
Ang ilang babae ay maaaring hindi komportable makipagtalik habang nireregla, ngunit hindi ito nakakasama sa kalusugan kung nais mong gawin. Malamang, ang sabi-sabi na ito ay nagmula sa mga turo sa relihiyon na nagbabawal makipagtalik habang nireregla. Walang panganib sa kalusugan ang nauugnay sa pagtalik habang may regla. May ebidensya din na iminumungkahi na makakatulong ito na mapawi ang pananakit ng puson. Kaya, kung pipiliin mo, magpatuloy ka at makipagtalik sa iyong panahon nang walang pag-aalala, huwag lang kalimutan ang proteksyon.
Katha # 6 Ang paghilamos ng mukha gamit ang dugo mula sa unang regla ay makakaiwas sa tagihawat.
Ito ay kadiri, marumi, at mali. Ang ritwal at ang pagtubo ng tagihawat ay walang kaugnayan. Ang mga tagihawat ay maaaring maiugnay sa pagbabagu-bago ng mga hormon sa siklo ng regla, na maaaring gawing mas mamantika ang iyong mukha at humantong sa mga tagihawat.
Katha 7 # Tumalon mula sa ikatlong hakbang ng hagdan para tatlong araw lang ang iyong pagregla.
Bukod sa pagiging mali, hindi rin ligtas ang sabi-sabi na ito. Ang pagdaloy ng regla ay karaniwang tumatagal ng tatlo hanggang limang araw, kung minsan kahit pito, at ang pagtalon mula sa ikatlong hakbang ng hagdan ay walang kinalaman sa kung gaano katagal ito dadaloy.
Pinagmulan:
https://www.rappler.com/move-ph/issues/gender-issues/93686-menstruation-hygiene-myths