fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Testicular Torsion?

May iba’t ibang kundisyon na maaaring makaapekto sa reproductive system ng isang lalaki. Bagama’t marami sa kanila ay kilala’t madalas napag-uusapan gaya ng erectile dysfunction at sexually transmitted infections (o STIs), meron ding mga bihira lang nating marinig pero may matinding naidudulot. Halimbawa na lamang ay ang testicular torsion.

Hindi man madalas na nangyayari, ang testicular torsion ay isang medical emergency na kailangang bigyan agad ng atensyon. Alamin natin kung ano ito, paano ito nangyayari, at ano ang dapat gawin dito.

Ano ito?

Ang testicular torsion ay isang kundisyon kung saan naiikot o napipilipit ang spermatic cord na dinadaluyan ng dugo patungo sa bayag. Dahil dito, hindi makakatanggap ng wastong nutrisyon ang bayag ng isang lalaki, at pwede rin itong pagmulan ng iba pang masasamang sintomas.

Imahe mula sa Mayo Clinic

Mas madalas na mangyari ang testicular torsion sa mga batang lalaki hanggang sa mga binata, pero posible rin itong maranasan ng mga adult. Importanteng kilalanin ang mga sintomas ng testicular torsion at agad na dumalaw sa doktor sakaling maramdaman mo ang mga senyales nito.

Paano ito nangyayari?

Ang pag-ikot o pagkakapilipit ng spermatic cord ay pwedeng magmula sa matinding pisikal na aktibidad at trauma o malakas na tama sa bayag. Pero nangyayari rin ito kahit sa pagtulog lamang ng isang lalaki. Posible rin itong mangyari dala ng kundisyong bell clapper deformity kung saan may mga bahagi sa bayag na hindi nabubuo at pwedeng humantong sa torsion.

Pwedeng magdulot ng torsion ang mga aktibidad na may pabigla-biglang galawan gaya ng sports o pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Importanteng tandaan na ang torsion ay posibleng mangyari sa kahit anong oras. 

Ano ang mga sintomas nito?

Ang mga pinakamadaling mahalata na sintomas ng testicular torsion ay ang pananakit ng bayag na kadalasan ay may kasamang pamamaga nito. Pero bukod pa sa mga ito, may iba pang senyales na maaaring mapansin:

  • Lagnat
  • Madalas na pag-ihi
  • Pagsusuka

Sakaling makaramdam ka ng mga sintomas na ito, mainam na bumisita na agad sa isang doktor. Ang testicular torsion ay itinuturing na isang  medical emergency at kinakailangan nitong maagapan sa lalong madaling panahon.

Paano ito ginagamot?

Ang pangunahing paraan ng paggamot sa testicular torsion ay surgery, na kailangang isagawa kaagad pagkatapos ma-diagnose ang torsion. Sa surgery na ito, ibinabalik ang testicle sa normal nitong posisyon. Pagkatapos ay kailangang i-secure ang bayag para siguraduhing hindi na mauulit ang torsion.

Ang testicular torsion ay isang seryosong kundisyon na kailangang tugunan kaagad ng medikal na atensyon. Bagama’t hindi ito madalas nangyayari, posible pa rin itong maranasan ng mga lalaki. Kung ikaw ay nakakaranas ng biglaan at matinding sakit sa iyong bayag, o kung may kilala kang may ganitong sintomas, ‘wag kang mag-atubiling bumisita sa doktor kaagad.

Mahalaga ang agarang pagkilos kapag nakakaranas ng mga sintomas ng testicular torsion. Huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor para makaiwas sa mga komplikasyon sa iyong ari at kalusugang sekswal. Mainam na maging handa at maingat ‘pag kalusugan na ang usapan. That’s how you can #DoItRight!

Mga Pinagmulan:

  • Mayo Clinic Staff. (2022, February 24). Testicular Torsion. Mayo Clinic.
    https://mayocl.in/4dcyvNn 
  • Mathews, R. (2023, August 17). Testicular Torsion Treatment & Management. Manual Detorsion, Surgical Detorsion.
    https://bit.ly/3WmWC6e
  • Banner Image mula sa Freepik
Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon