Bago pa man umusbong ang internet, meron nang pornograpiya (o porn). Nag-iba-iba na rin ang anyo nito sa mga nagdaang dekada. Pero, sa digital na mundo natin ngayon, napakadaling makahanap ng adult content online. Kahit sinong may gadget at access sa internet ay may kakayahang manood ng porn.
Sa dami ng porn websites na pwedeng madalaw online, madali lamang malulong sa pagnood ng pornograpiya. Ang labis na pagkahumaling, kung hindi bibigyan ng atensyon, ay posibleng mauwi sa pagkasira ng iyong performance sa trabaho, mga relasyon, at kalusugan.
Ang pagkilala sa mga senyales ng porn addiction ay napakahalaga sa pagtugon sa isyung ito dahil malaki ang pwedeng maging impact ng adiksyong ito kung hindi lulutasin.
Sa artikulong ito, tutuklasin natin kung paano matukoy ang mga senyales ng adiksyon sa porn at tatalakayin natin ang mga hakbang na pwedeng gawin para makaiwas dito. Maghanda na kayo, mga kaibigan! Baka makatulong ang artikulong ito sa inyo o ‘di kaya’y may matulungan kayo sa pagbabasa nito.
Ano ang mga senyales ng adiksyon sa porn?
Halos lahat naman ng tao ay nanonood ng porn. Pero kailan ba ito nagiging problema? Ang pinaka-maikling sagot diyan ay kung nakakasagabal na ito sa pag-iisip, mga relasyon, at kalusugan ng isang tao. Heto ang iba pang impormasyon.
Nakakasagabal na ito sa iyong propesyonal na buhay.
Pwedeng maapektuhan ng pornograpiya ang iyong pagtatrabaho sa maraming paraan. Posible kang mahumaling sa porn at manood nito imbis na magtrabaho. Indikasyon na ‘yan na may dapat ka nang baguhin o asusin.
Kung hindi ito maaagapan, pwede itong makasira sa iyong propesyon. Bukod pa riyan, posibleng mawalan ka ng pokus sa trabaho dala ng pag-iisip sa porn.
Nakakaapekto na ito sa iyong mga relasyon.
Isa sa mga pinakamalinaw na senyales ng adiksyon sa porn ay kapag may negatibong epekto na ito sa iyong mga relasyon. May mga nalululong sa porn na umaabot sa puntong hindi na nila kayang ma-turn on nang hindi muna nanunood nito.
May mga iba naman na mas pinipili nang manood ng porn kaysa sa makipag-bonding sa pamilya o mga partner. Posible ‘yang mauwi sa pagpapabaya sa mga relasyon.
Nakakaapekto na ito sa iyong pisikal at mental na kalusugan.
Ang adiksyon sa porn ay meron ding epekto sa iyong pag-iisip at katawan. Ang labis-labis na pagnood ng porn ay maaaring makasira sa iyong pagtulog, na pwedeng maging sanhi ng stress at pagod. Sa mental naman na aspeto, posibleng masirang porn ang iyong pananaw sa pakikipagtalik at sa sarili mong katawan. Mainam talaga na bigyang-pansin ang mga senyales ng porn addiction para maagapan agad ito.
Paano ito mabibigyang lunas?
Una sa lahat, tandaan nating walang masama sa paghingi ng tulong o suporta kung ikaw o isa sa mga kilala mo ay makaranas ng porn addiction. Ang adiksyon ay isang kalagayan kung saan nawawalan ng kontrol ang isang tao. May gawain siyang hindi na niya kayang pigilan, at hindi basta-basta ang paglutas dito. Walang dapat ikahiya sa paghahanap ng tulong. Sa katunayan ay malaki ang naitutulong ng mga support group sa isang recovering addict.
Kung nagbabalak ka nang tumigil sa pagnood ng porn, baka makatulong sa’yo ang article namin sa pag-iwas sa porn. Dapat nating basagin ang stigma sa pag-uusap tungkol sa porn addiction para maging mas madali ang pagharap sa isyung ito.
Lahat tayo’y may karapatang mabuhay nang maayos at magkaroon ng malinis na pagkakakilanlan sa ating sekswalidad. Isang hakbang tungo riyan ang pag-intindi sa porn addiction at paano ito maaagapan.
Pinagmulan:
- Pietrangelo, A. (2019a) How to identify and treat a pornography addiction, Healthline. Available at: https://bit.ly/48NST4J (Accessed: 05 January 2024).