fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Sexual Assault

reproductive health, family planning, sexual assault, sexual harrassment

Ang sexual assault ay isang krimen at maaaring tumukoy sa anumang uri ng sexual activity o pambabastos kung saan ang pahintulot ay hindi nakuha o malayang ibinigay. Ang taong responsable sa sexual assault ay madalas na isang taong kilala ng biktima, at maaaring maging, ngunit hindi limitado sa, isang kaibigan, miyembro ng pamilya, katrabaho, o kapit-bahay. Ang sexual assault ay hindi kailanman kasalanan ng biktima.

Maraming iba’t ibang uri ang sexual assault. Ang ilang mga uri, kabilang ang sexual harassment, banta, pananakot, at pagkuha ng mga hubad na larawan nang walang pahintulot, ay walang kasamang pisikal na ugnayan sa pagitan ng biktima at ng may sala. Ang iba pang mga uri ng sexual assault tulad ng hindi kanais-nais na paghawak at panggagahasa, ay may kasamang pisikal na ugnayan.

Ang “sexual assault” sa pang-araw-araw na wika ay isang pangkalahatang termino na kinabibilangan ng panggagahasa at iba pang mga pagkakasala tulad ng pag-atake (battery) at seksuwal na paghawak. Ang mga kahulugan at katawagan ng sexual assault ay maaaring magkakaiba sa iba’t ibang bansa batay sa kanilang mga batas. Kahit na ang salitang “assault” ay maaaring maisa-isip bilang pisikal na pag-atake, hindi lamang ito tungkol sa pisikal na pananakit. Maaari ring ituring na sexual assault ang paggamit ng pwersa o takot upang gawin ng isang tao ang mga bagay na hindi niya nais gawin.

Bakit may mga ganitong karahasan?

Ang sexual assault ay hindi tungkol sa kasiyahang seksuwal na nakakakuha ng may sala mula sa pakikipagtalik o anumang iba pang anyo ng pang-aabuso; sa halip, ito ay tungkol sa pagpapakita ng kapangyarihan at kontrol sa ibang tao. Ang mga taong gumagawa ng sexual assault ay kadalasang kakilala ng biktima.

Paano nakakaapekto sa isang tao ang pagiging biktima ng seksuwal na pag-atake?

Ang bawat tao ay may kanya-kanyang kakayahan na harapin ang mga uri ng sexual assault. Ang mga indibidwal ay maaaring makaranas ng iba’t ibang agaran, panandalian, at pangmatagalang epekto sa kanyang pisikal at emosyonal na kagalingan. Kabilang dito ang:

  • Pagkabigla o pagtanggi. Ang isang taong nabiktima ng sexual assault ay maaaring hindi tanggapin na totoong nangyari.
  • Matapos maganap ang anumang anyo ng sexual assault, maaaring matakot ang isang tao sa nagkasala, ibang tao, o gustuhin na mapag-isa. Ang isang tao ay maaari ring matakot na harapin ang mga medikal, ligal o sosyal na kahihinatnan ng krimen, at sa posibilidad na itakwil siya ng mga mahal niya sa buhay dahil sa eskandalo.
  • Ang isang nakaligtas ay maaaring maging tensyonado. Maaaring hindi mapalagay ang kanyang loob o palagiang makaramdam ng nagbabadyang panganib.
  • Pagkakasala (guilt) at paninisi. Ang isang nakaligtas ay maaaring patuloy na balikan ang mga pangyayari na humantong sa marahas na kaganapan, at maghanap ng kasalanan sa kanyang sarili, o sa iba pa para sa pag-atake.
  • Mababang pagpapahalaga sa sarili. Ang isang nakaligtas ay maaaring makaramdam ng kahihiyan o isiping siya ang marumi pagkatapos ng pag-atake.
  • Mga bangungot at balik-gunita. Ang mga imahe at alaala ng karahasan ay maaaring magpatuloy sa pang-araw-araw na buhay at maging sa pagtulog ng isang nakaligtas.
  • Pagkawala ng tiwala sa iba. Matapos ang pag-atake, ang isang biktima ay maaaring mahirapan na magtiwala sa ibang tao kahit wala silang kinalaman sa insidente, kasama ang mga kaibigan at kapamilya.

Paano tukuyin ang karahasang seksuwal?

Karamihan sa sexual assault ay nangyayari sa loob ng isang relasyon (matalik na kapareha, miyembro ng pamilya) o sa pamamagitan ng isang taong kakilala. Maaari ring maganap ang sexual assault kahit na ang isang tao ay hindi pisikal na inaatake. Ang seksuwal na pamimilit (o sexual coercion) ay hindi kanais-nais na seksuwal na aktibidad na nagaganap pagkatapos ang isang tao ay pilitin, linlangin, o pwersahin sa isang hindi pisikal na paraan.

Kahit sino ay maaaring gumamit ng pamimilit — halimbawa, asawa, kapartner, kasintahan, kaibigan, katrabaho, boss, o mga ka-date.

Ang sexual assault na nangyayari sa pamamagitan ng pamimilit ay mahirap mapansin o makilala.

Maaaring subukan ng isang tao na pilitin ka sa pamamagitan ng paghiling ng sex nang paulit-ulit, nang sa gayon ay mapilitan kang sumang-ayon na lamang. Maaaring sabihin nila ang mga bagay tulad ng, “Kung mahal mo talaga ako, gagawin mo ito,” o “Hindi mo alam kung ano ang ginagawa mo sa akin.”

Maaaring iparamdam sa’yo ng isang tao na huli na upang umayaw ka at sabihin sayo na, “Ngunit na nakapagsimula na ako,” o “Hindi mo pwedeng basta pigilan ang isang lalaki”.

Maaari nilang iparamdam sayo na kapag hindi ka nakipagtalik ay mapapasama ang inyong relasyon at sasabihin ang mga bagay tulad ng, “Makikipaghiwalay ako sa iyo kung hindi ka makikipagtalik sa akin.”

Ang isang tao ay maaaring gumawa ng mga pangako at sabihin sayo na, “Gagawin ko itong sulit sa oras mo,” o “Alam mong marami akong koneksyon.”

Maaari silang magbanta sa kaligtasan ng iyong mga anak, pamilya, trabaho, tahanan o paaralan sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay tulad ng “Nirerespeto ko ang trabaho mo dito. Sayang naman kung may magbago, ‘di ba? ”o” Gagawin ko ito sa mga anak mo kung hindi mo ito gagawin para sa akin.”

Ang pagpilit sayo na makipagtalik ay hindi mo kasalanan. Kung pinipilit ka na gumawa ng isang bagay na hindi mo nais gawin, huwag kang pumayag o uamlis ka sa sitwasyon. Mas mainam na ipagsapalaran na matapos ang relasyon o masaktan mo damdamin ng isang tao kaysa sa paggawa ng isang bagay na hindi mo handa o nais gawin.

Narito ang mga maaari mong isagot:

“Gusto kita, ngunit hindi pa ako handa para sa sex.”

“Kung talagang may pakialam ka sa, igagalang mo na ayaw kong makipagtalik.”

“Wala akong utang na loob sa iyo o anumang bagay.”

Maging malinaw at direkta sa taong pumipilit sa iyo. Sabihin sa kanya kung ano ang iyong pakiramdam at kung ano ang hindi mo nais na gawin. Kung sila ay hindi nakikinig sa iyo, iwanan ang sitwasyon. Kung ikaw o ang iyong pamilya ay nasa panganib, subukang lumayo mula sa tao sa lalong madaling panahon.

Pagpapanatili ng kaligtasan

Hindi mo laging maiiwasan ang sexual assault. Kung ikaw ay inatake, o kung napunta ka sa isang sitwasyon na sa tingin mo ay hindi ligtas, hindi mo ito kasalanan. Ngunit may mga hakbang na maaari mong gawin upang mapanatili ang iyong kaligtasan:

  • Lumabas o tumungo sa iyong pupuntahan nang may kasama;
  • Lumabas kasama ang mga taong sa tingin mo ay ligtas ka at may mabuting hangarin para sayo. Ang iyong kaligtasan ay isinasaalang-alang ng mga mabubuting mong kaibigan at kakilala;
  • Ipaalam sa isang tao — tulad ng iyong mga magulang, kapatid o kasama sa silid – kung saan ka pupunta at kung anong oras ka makakauwi. Kung nagbago ang iyong mga plano, ipaalam sa mga taong ito;
  • Alamin ang iyong limitasyon sa pag-inom ng alkohol. Huwag hayaan ang sinumang pilitin ka na uminom o gumawa ng hindi mo gustong gawin;
  • Magtiwala sa iyong mga instinct. Kung nag-iisa ka na kasama ang isang taong hindi mo kilala o pinagkakatiwalaan, umalis ka. Kung hindi ka komportable sa anumang sitwasyon sa anumang kadahilanan, umalis ka.
  • Maging mapagmasid sa iyong paligid. Lalo na kung naglalakad mag-isa, iwasang makipag-usap sa iyong telepono o makinig sa musika gamit ang iyong headphone. Manatili sa maliwanag at mataong, lalo na sa gabi.
  • Kung nakikipag-date ka sa isang tao at may mga pahiwatig na gumagamit sila ng pamimilit, tanungin ang iyong sarili kung tama ba o malusog ang inyong relasyon.

Paano ka makakatulong sa iba

Maaari kang makatulong sa isang kaibigan o miyembro ng pamilya na naging biktima ng sexual assault sa pamamagitan ng pakikinig at hindi paghusga. Ipaalam sa kanila na hindi sila ang may sala at natural na makaramdam ng galit, pagkalito, o hiya — o anumang kombinasyon ng mga damdamin.

Upang matulungan ang isang tao na nakaranas ng sexual assault:

  • Ipaalam sa iyong kaibigan na nag-aalala ka tungkol sa kanilang kaligtasan. Maging tapat. Sabihin sa kanya ang tungkol sa mga oras na nag-aalala ka para sa kanila. Ipaalam sa kanya na nais mong makatulong.
  • Magpakita ng suporta. Makinig sa iyong kaibigan. Tandaan na maaaring napakahirap para sa kanila na pag-usapan ang pang-aabuso na naranasan niya. Sabihin sa kanya na hindi siya nag-iisa, at may mga nais tumulong sa kanya.
  • Huwag ibaling sa iyong kaibigan ang kahihiyan, paninisi, at sala. Huwag sabihin “Hindi ka dapat lumabas”, sabihin na “Naniniwala ako na hindi mo ito kasalanan.” Sabihin sa kanya na naiintindihan mo na ang kanyang sitwasyon ay napakahirap.
  • Kung nagpasya ang iyong kaibigan na manatili sa isang mapang-abusong relasyon, patuloy silang suportahan. Maaaring magpasya ang iyong kaibigan na manatili sa relasyon, o maaaring umalis siya at pagkatapos ay bumalik nang maraming beses. Maaaring mahirap para sa iyo na maunawaan, maraming tao ang nananatili sa mga mapang-abusong relasyon sa maraming kadahilanan. Magpakita ng suporta, kahit na ano ang pagpapasya ang gawin ng iyong kaibigan.

Pinagmulan: http://www.womenshealth.gov/violence-against-women/get-help-for-violence/how-to-help-a-friend-who-is-being-abused.html

http://www.womenshealth.gov/publications/our-publications/fact-sheet/sexual-assault.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon