fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Benepisyong Pangkalusugan Ng Pagtatalik

health benefits of sex, family planning, reproductive health

Ang pagtatalik at seksuwalidad ay normal na bahagi ng buhay. Bukod sa pagpaparami, ang pakikipagtalik ay tungkol sa pagpapalagayang-loob at kasiyahan.

Ang seksuwal na aktibidad, pakikipagtalik, o pagbabati, ay maaaring magbigay ng maraming kamangha-manghang benepisyo sa lahat ng aspeto ng iyong buhay: pisikal, intelektwal, emosyonal, sikolohikal, at sosyal. Ang seksuwal na kalusugan ay higit pa sa pag-iwas sa mga sakit at hindi planadong pagbubuntis. Tungkol din ito sa kaalaman na ang pagtatalik ay isang mahalagang bahagi ng iyong buhay.

Paano nakikinabang ang iyong katawan sa pagtatalik?

Iminumungkahi sa isang pag-aaral na ang pagtatalik ay isang mahusay na uri ng ehersisyo para sa kalusugan ng puso sa parehong lalaki at babae. Kahit na ang pagtatalik ay hindi isang ganapa na ehersisyo, maaari itong ituring na katamtamang ehersisyo. Narito ang ilan sa mga pakinabang na maaari mong makuha mula sa pagtatalik:

  • pagbaba ng presyon ng dugo
  • pagsunog sa calorie
  • pagbuti ng kalusugan ng puso
  • nagpapalakas ng mga kalamnan
  • binabawasan ang panganib ng sakit sa puso, stroke, at hypertension
  • pagtaas ng libido

Ang mga taong aktibong nakikipagtalik ay napag-alamang mas madalas na mag-ehersisyo at may mas mahusay na gawi sa pagdiyeta kaysa sa mga hindi gaanong aktibo sa pagtatalik. Ang kalusugan at kalakasan ng katawan ay maaari ring makatulong sa pakikipagtalik ng isang tao.

Mas malakas na sistemang imyuno

Ayon sa isang pag-aaral ng imyunidad sa mga tao na nasa romantikong relasyon, ang mga taong madalas makipagtalik (isa hanggang dalawang beses sa isang linggo) ay may higit na immunoglobulin A (IgA) sa kanilang laway. Ang mga taong nagkaroon ng mas kaunting pagtatalik (mas mababa sa isang beses sa isang linggo) ay mas mababa ang IgA. Ang IgA ay ang pangontra ng katawan na pumipigil sa mga sakit at ito ang unang linya ng proteksyon laban human papillomavirus o HPV. Ngunit ang mga nakikipagtalik nang higit sa tatlong beses sa isang linggo ay may parehong dami ng IgA sa mga taong hindi madalas na nakikipagtalik. Ang pag-aaral na ito ay nagmumungkahi na ang pagkabalisa at stress ay maaaring pumigil sa mga positibong epekto ng pagtatalik.

Mas mahusay na tulog

Inilalabas ng iyong katawan ang oxytocin, na tinatawag ding “love” o “intimacy” na hormon, at endorphins sa oras ng orgasmo. Ang kumbinasyon ng mga hormon na ito ay maaaring magkaroon ng parehong epekto sa isang sedatibo. Ang mas mahusay na pagtulog ay maaaring mag-ambag sa: mas malakas na sistemang imyuno, mas mahabang buhay, pakiramdam na nakapagpahinga nang mabuti, pagkakaroon ng mas maraming enerhiya.

Sa mga lalaki

Ayon sa isang bagong labas na rebyu, ang mga kalalakihan na mas madalas makipagtalik ay may mas kaunting panganib na magkaroon ng kanser sa prostate.

Napag-alaman sa isang pag-aaral na ang mga kalalakihan na may average na 4.6 hanggang 7 na pagbulalas sa isang linggo ay 36 porsyento na mas bihirang magkaroon ng kanser sa prostate bago ang edad na 70. Ito ay kumpara sa mga kalalakihan na nag-ulat ng 2.3 o mas kaunting pagbulalas sa isang linggo.

Para sa mga lalaki, ang pagtatalik ay maaaring makaapekto sa iyong mortalidad. Ang isang pag-aaral na isinagawa sa loob ng sampung taon ay nag-ulat na ang mga kalalakihan na madalas magbulalas (dalawa o higit pa sa isang linggo) ay may 50 porsiyento na mas mababang panganib ng mortalidad kaysa sa mga mas bihirang makipagtalik.

Bagaman magkakaiba ang mga resulta, ang kalidad at kalusugan ng iyong semilya ay maaaring mas bumuti depende sa kung gaano kadalas kang makipagtalik, tulad ng iminumungkahi ng ilang mga pananaliksik.

Sa mga babae

Ang pagkakaroon ng orgasmo ay nagpapabuti sa daloy ng dugo at naglalabas ng mga natural na kemikal na pampawala ng sakit. Ang seksuwal na aktibidad sa mga kababaihan ay maaaring: pagbutihin ang kontrol ng pantog, bawasan ang kawalan ng pagpipigil, maibsan ang menstrual at premenstrual cramps, pagbutihin ang pagkamayabong, pagbuo ng mas malakas na kalamnan ng balakang, tumulong gumawa ng mas maraming pampadulas sa ari ng babae, magbigay proteksiyon laban sa endometriosis, o ang paglaki ng tisyu sa labas ng iyong matris.

Ang pakikipagtalik ay makakatulong na palakasin ang iyong balakang. Ang matibay na balakang ay may mga benepisyo tulad ng mas kaunting sakit habang nakikipagtalik at mas mababang panganib na magkaroon ng vaginal prolapse. Nakita sa isang pag-aaral na ang pagtatalik ay maaaring magresulta sa repleksibong mga kontraksyon sa ari ng babae dulot ng pagtulak ng ari ng lalaki.

Ang mga babae na aktibo sa pagtatalik pagkatapos ng menopos ay mas kaunting panganib ng vaginal atrophy, o ang pagnipis ng mga pader ng ari ng babae. Ang vaginal atrophy ay maaaring magdulot ng kirot at sakit habang nakikipagtalik ati iba pa.

Ang pananaw

Ang pagtatalik ay isang mahalagang bahagi ng buhay at pangkalahatang kagalingan. Sa mga relasyon, ang orgasmo ay gumaganap ng isang makabuluhang papel sa pagpapalagayang-loob. Ang mga benepisyong pisikal at emosyonal tulad ng mas kaunting peligro ng sakit sa puso, mas mataas na pagpapahalaga sa sarili, at marami pa ay maaaring makuha sa pakikipagtalik.

Maaari ka pa ring magkaroon ng mga katulad na benepisyo nang walang pagtatalik. Ang pagsali sa iba pang mga kapaki-pakinabang na aktibidad tulad ng ehersisyo, pag-aalaga ng hayop, at pagkakaroon ng mga tunay na kaibigan, ay maaaring magbigay ng parehong mga benepisyo. Ang pagtatalik ay isang paraan lamang ng pagpapabuti ng kalidad ng buhay. Maaari kang makahanap ng kaginhawahan at kaligayahan kapag naglaan ka ng oras upang makipagtalik.

Pinagmulan: https://www.healthline.com/health/healthy-sex-health-benefits#in-men-and-women

https://onlinelibrary.wiley.com/doi/full/10.1111/j.1743-6109.2009.01677.x

https://journals.sagepub.com/doi/pdf/10.2466/pr0.94.3.839-844

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon