fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pagbibinata

reproductive health, family planning, male puberty

Ang pagbibinata ay panahon ng malaking pagbabago sa mga lalaki. Ang mga pagbabago ay hindi biglaan dahil nangyayari ito sa loob ng ilang buwan o taon.

Ang pagbibinata ay transisyon mula sa pagiging bata patungo sa pagiging isang ganap na may-gulang na. Karamihan sa mga batang lalaki ay dumadaan sa pagbibinata sa edad na 9-14.

puberty-sexology-boy
Image: https://www.agelessmedica.com/physical-changes-boys-girls-experience-puberty/

Pagbabago sa iyong katawan

Ang unang pagbabago sa iyong katawan ay ang paglaki ng iyong bayag. Maaaring hindi mo mapansin ang paglaki nito ngunit ito ang unang senyales na ikaw ay nagbibinata na.

May mga hormones sa isang bahagi ng utak na nagiging dahilan upang lumaki ang bayag. Ang scrotum ay nagiging mas manipis at bahagyang lumalaylay ang bayag. Di kalaunan, ang pubic hair ay tumutubo palibot sa ari at sa scrotum. Ang ari ay magsisimula na ring lumaki. 

Kasabay nito, may mga pagbabago ring nagaganap sa iba pang bahagi ng iyong katawan. May buhok na tutubo sa iyong kili-kili at kalaunan sa iyong mukha, braso, binti, at dibdib. Magkakaroon ka ng dagdag na tangkad at magiging mas matipuno.

Maaari kang makaranas ng pananakit sa iyong braso at binti dahil nababanat ang iyong kalamnan para bigyang daan ang paglaki ng iyong mga buto. Magiging mas malalim din ang iyong boses at kung minsan makakaranas ka ng pag-piyok, bagamat pansamantala lamang.

Magkakaroon ng pamamaga at panlalambot sa iyong mga utong. May ilang lalaki na nangangamba na baka tubuan sila ng suso o nag-iisip na may mali sa kanila, ngunit ang pamamaga ay bunga lamang ng mga hormon na naprodus sa panahon ng pagbibinata.

Ang pamamagang ito ay nawawala din sa paglipas ng panahon. Kapag ito nanatili sa loob ng isang taon o kung ikaw ay nababahala, kumunsulta sa iyong doktor.

Mga pagbabagong sikolohikal

Karamihan ng mga lalaki ay dumadaanan sa pabago-bagong emosyon habang nagbibinata. May pagkakataong makakaramdam ka ng kalungkutan o pagkagalit nang hindi mo alam ang dahilan. May sandaling malungkot ka at sa isang iglap naman ay masaya.

Maaari kang mabahala sa iniisip ng ibang mga bata tungkol sa iyo. At kung minsan naman ay ayaw mong maging malapit sa iyong mga magulang katulad ng dati. Ang mga ganitong damdamin ay normal na bahagi ng pagbibinata.

Kung ang iyong kalungkutan o lumbay ay nagtagal ng higit sa dalawang linggo o kung nahihirapan kang bumalik sa mga normal mong ginagawa, maghanap ka ng nakakatanda at kausapin sila ukol sa iyong nararamdaman. Ang mga unang tao na maaari mong kausapin ay ang iyong mga magulang, guro, o doktor.

Tigyawat o acne

Ang tigyawat ay karaniwang nararanasan sa pagbibinata. Ito ay dulot ng pagtaas ng produksyon ng langis sa balat at isang partikular na uri ng bakterya na nabubuhay sa butas (pores) ng balat.

Ang tigyawat ay maaaring makontrol sa pamamagitan ng kalinisan sa katawan at gamot. Ang pagkuskos sa mukha ay maaaring magpalala sa tigyawat — lingid sa kaalaman ng iba.

Anghit o body odor

Maaaring napansin mo ang pagkakaiba ng amoy ng iyong katawan ngayon kaysa dati lalo na pagkatapos ng paglalaro o pisikal na gawain. Ito ay isa sa mga normal at karaniwang indikasyon ng pagbibinata.

Sa mga panahong ito, kailangan mong maligo araw-araw at gumamit ng deodorant o antiperspirant.

Pinagmulan: https://www.healthline.com/health/parenting/stages-of-puberty#tanner-stage-3

https://kidshealth.org/en/kids/boys-puberty.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon