fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Refractory Period?

Ang refractory period ay ang panahon na kung saan ang katawan ng tao ay nagpapahinga pagkatapos ng orgasmo. Sa panahong ito, ang istimulasyong sekswal ay may maliit o walang epekto sa katawan at hindi mag-reresulta sa ereksyon, orgasmo o pagbulalas.

Sa sexual response cycle ng isang tao, ito ay parte ng resolusyon, kung saan ang katawan ay ipinapahinga ang masel, puso, at paghinga, at pinapababa ng presyon ng dugo.

Para sa mga lalaki, kapansin-pansin ito. Nangyayari ito kada pagbulalas. Hindi sila magkakaroon ng ereksyon at hindi rin sila makakaranas ng orgasmo kung hindi sila magpapahinga ng ilang minuto.

Nakakaranas rin nito ang mga babae, pero ibang-iba kumpara sa mga lalaki dahil may kakayahan pa silang makaranas ng orgasmo nang maraming beses. Maaari pa rin silang pansamantalang hindi magkaroon ng interes sa mga sekswal na aktibidad.

Gaano kahaba ang refractory period?

Walang siguradong tagal ang refractory period. Kadalasan itong nagbabago depende sa katawan ng tao.

Ang mga babae ay maaaring ilang segundo lang bago makabalik dahil kaya nilang magkaroon ng maraming orgasmo nang sunod-sunod.

Pero kumplikado ito pagdating sa mga lalaki. Malaki ang pagbabago nito mula ilang minuto, ilang oras, ilang araw, o mas matagal pa bago magkaroon muli ng pagkapukaw na sekswal. Nagdedepende ito sa edad, kung saan ang mga mas batang lalaki ay kayang makipagtalik ulit matapos ang ilang minutong pahinga habang ang mga matatanda ay maaring umabot ng 12-24 na oras o mas mahaba pa.

Mababawasan ba ang haba ng refractory period?

May ilang mga bagay na pwedeng gawin ang mga lalaki upang mabawasan ito. Ilan sa mga ito ay ang pagpapabuti ng pagpukaw na sekswal, sekswal na paggana, at pangkabuuang kalusugan.

Para sa pagpukaw na sekswal, maaaring:

  • Magbago ng iskedyul ng sekswal na aktibidad – maging mas madalas o mas kaunti ito, depende sa iyong sekswal na aktibidad ngayon. Maaari itong magbigay ng iba’t-ibang haba ng refractory period.
  • Matuto ng bagong posisyon – ang mga bagong posisyon ay maaaring magdala ng bagong sensasyon at pagpukaw na sekswal.
  • Maghanap ng bagong erogenous zones – mas pakiligin ang mga erogenous zones na alam mo o maghanap ng bago para sa bagong sensasyon.
  • Magrole-play o alamin ang pantasya ng bawat isa – subukang magrole-play o gumawa ng sitwasyon na magagawa ninyo ang mga pantasya ng isa’t-isa.

Para sa sekswal na paggana, maaaring:

  • Subukang mag-pelvic floor na ehersisyo – mga ehersisyo sa pelvic floor o Kegel’s exercise ay maaaring makatulong sa pagkontrol ng iyong pagbulalas.
  • Bawasan o iwasang uminom ng alkohol bago makipagtalik – makakasira ang alkohol sa iyong pagpukaw na sekswal. Ang pagbabawas o hindi pag-inom nito ay makakatulong.
  • Asikasuhin ang iyong erectile dysfunction – kung nakakaranas ka ng ED, ikonsulta ito sa iyong doktor upang mabigyan ka ng gamot dito. Ang mga gamot na ito ay makakatulong upang mabawasan ang iyong refractory period.

Para sa iyong pangkabuuang kalusugan:

  • Mag-ehersisyo – maging mas aktibo sa pamamagitan ng pag-eehersisyo para sa maayos na presyon ng dugo at mabawasan ang kolesterol.
  • Kumain ng masustansyang pagkain – ikaw ang iyong kinakain, kaya ang pagkain ng mga masustansyang pagkain ay makakatulong sa pangkabuuang kalusugan mo, kasama na ang kakayahan mo sa pakikipagtalik.

Sources:

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/refractory-period

https://www.medicalnewstoday.com/articles/refractory-period#reduction

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon