fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Lahat Ng Kailangan Mong Malaman Tungkol Sa Menstrual Cup

menstrual cup

Sa lahat ng babae na naiinis na sa hindi maginhawang regla — makinig kayo dahil may magandang balita kami!

Kung ikaw ay palaging gumagamit ng napkin o tampon, baka interesado kang gumamit na ng menstrual cup. Madalas nang napag-uusapan ang makakalikasang alternatibo na ito, ngunit ano nga ba ang nakakatuwa tungkol dito?

Ano ito?

Ang mga menstrual cup ay nasa merkado mula pa noong 1930s, ngunit hindi kasing sikat tulad ngayon. Bagaman mas maraming babae ang nagsisimula nang pumabor sa menstrual cup, ang kamalayan tungkol sa produktong ito ay medyo mababa pa rin.

Ang mga maliliit at malalambot na mga tasang hugis imbudo ay gawa sa silicone na pang medikal ang kalidad o latex na goma, na ginagawa silang madaling pisilin sa iba’t ibang mga hugis at magkasya sa loob ng pwerta.

Kinokolekta ng menstrual cup ang iyong regla sa halip na sipsipin ito tulad ng kung paano gumagana ang mga napkin at tampon. Ang mga menstrual cup ay kayang maglaman ng mas maraming dugo kaysa sa iba pang mga pamamaraan, at maiiwan hanggang sa 12 oras depende sa iyong daloy.

Ang bukod tanging kalamangan ng mga menstrual cup ay ang pagiging matipid. Dahil pwede itong uli’t ulitin gamitin, maaaring magtagal ng maraming taon hangga’t maayos ang pag-alaga dito..

Ligtas ba ito?

Mahalagang bumili lamang ng menstrual cup mula sa isang kilalang tagagawa upang matiyak na ang makukuha mo ay gawa sa kalidad, medikal, at ligtas na mga materyales. Ang murang menstrual cup mula sa kaduda-dudang website ay maaaring hindi ligtas, kaya mabuting magsaliksik muna kung saan magandang bumili.

Hindi dapat masakit ang mga menstrual cup; ngunit kung ika’y nakakaramdam ng sakit, maaaring hindi angkop ang laki nito para sa iyo o kailangan mong alisin muna at saka ibalik. Baka sanhi ng pananakit ay ang maling posisyon nito.

Hindi ka dapat mag-alala na “mawala” ang menstrual cup sa loob mo. Kung mayroong anumang direksyon na pwedeng patunguhan nito, ito ay pababa — kung sakaling hindi mo ito mailalabas, humingi ng tulong sa iyong doktor.

Basta’t lagi mong hinuhugasan ang iyong mga kamay bago ipasok at alisin ang menstrual cup, at lubusan mong nililinisan ang cup bago gamitin ito, ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon ay napakababa.

Paano ito magkakasya sa pwerta?

This image has an empty alt attribute; its file name is menstrual-cup-logo-feminine-period-hygiene-product_176448-161-min.jpg

Baka ika’y kabahan sa itsura ng menstrual cup at maisip mong “paano ito magkakasya sa akin?!” Ngunit kung nauunawaan mo ang iyong katawan at anatomya, alam mong swak na swak sa loob ang menstrual cup.

Upang matiyak na akma sa iyo ang sukat, kailangan mong kunin ang tamang laki para sa iyo. Karaniwang dalawa ang sukat na mayroon: maliit at malaki, depende sa inaalok ng tatak. Karaniwang inirerekumenda na kunin ang maliit na menstrual cup kung ikaw ay wala pang 30 taong gulang at hindi pa nanganganak. Ang malaking menstraul cup ay karaniwang mas angkop sa mga higit sa 30 o nanganak na.

Ngunit tandaan, hindi lahat ng mga babae ay nilikha na pare-pareho ang katawan. Kung gaano kataas o kababa ang iyong serviks ay makakaapekto din sa kung aling sukat ng menstrual cup ang babagay sa iyo. Ngunit paano mo malalaman iyon? Kailangan mong tignan kapag ika’y niregla. Maaari mong matukoy kung gaano kalawak ang iyong pwerta sa pamamagitan ng pagpasok ng malinis na mga daliri sa loob upang hanapin ang serviks. Kung hindi ka komportable na gawin ito, ang pakikipag-usap sa iyong tagabigay ng serbisyong pangkalusugan ay maaaring makatulong sa iyo.

Paano gamitin ito?

Ang mga menstrual cup ay hindi kasing dali at simple gaya ng mga napkin at tampon, kaya maaaring kailangan ng kaunting panahon para masanay sa paggamit.

Maaaring hindi komportable sa una ang pagpasok ng menstrual cup, pero baka makatulong na mapadali ito sa pamamagitan ng pagbasa sa gilid nito gamit ang tubig o pampadulas gawa sa tubig. Mahalaga ring tiyakin na ang menstrual cup ay lubusang hinugasan at nilinisan bago gamitin ito.

Ang paglalagay nito

  1. Hugasan nang mabuti ang iyong mga kamay
  2. Mahigpit na itiklop sa kalahati ang menstrual cup (maraming paraan upang tiklupin ito, alamin kung alin ang gumagana para sa iyo), at hawakan ito ng isang kamay na dapat ang gilid ay nakaharap sa itaas.
  3. Ipasok ang menstrual cup, dapat nasa taas ang gilid, sa iyong pwerta. Ito’y dapat ilang pulgada sa ibaba ng iyong serviks.
  4. Kapag ang menstrual cup ay nailagay na sa loob ng pwerta, dapat ito ay “mag-pop” pabukas at saktong magkasya upang lumikha ng airtight seal na pumipigil sa pagtagas.
Related image
Image: https://beautymnl.com/bloom/articles/this-is-exactly-how-you-should-be-folding-your-menstrual-cup

Hindi ka dapat makaramdam ng anumang sakit o maramdaman mo kung na saan ang menstrual cup sa loob kung tama itong naipasok. Kapag ito ay nakapasok na nang maayos, maaari kang magpatuloy sa iyong pang-araw-araw na mga gawain nang walang abala.

Maaari mong iwanan ang menstrual cup sa loob ng hanggang 6 hanggang 12 na oras. Depende sa daloy ng iyong regla kung kailan mo dapat ito ilabas para alisin ang nakolektang laman. Sa pagpatak ng ika-12 na oras, dapat mo na itong alisin. Ngunit kung ang iyong daloy ay mabigat para mapuno ang menstrual cup bago pa ang ika-12 na oras, kailangan ito ilabas nang mas maaga sa iskedyul upang maiwasan ang mga tagas. Mainam na dalawang beses sa isang araw inilalabas ang menstrual cup.

Ang pag-alis nito

  1. Hugasan nang mabuti ang iyong mga kamay
  2. Ilagay ang iyong hintuturo at hinlalaki sa loob ng iyong puki upang maabot ang tangkay ng menstrual cup. Dahan-dahang hilahin ang tangkay hanggang sa mahawakan mo ang ibaba ng menstrual cup
  3. Pisilin ang ibaba ng menstrual cuo upang maalis ang selyo, at dahan-dahan hilahin ito palabas ng pwerta.
  4. Ibuhos ang nakolektang regla sa lababo o inidoro
  5. Hugasan nang mabuti ang menstrual cup

Ang paglinis nito

Hugasan at punasan nang mabuti ang iyong menstrual cup bago ipasok ito sa iyong pwerta. Huwag kalimutan na i-sanitize at hugasan ito nang lubusan bago at pagkatapos ng bawat regla. Karamihan sa mga menstrual cup ay nabibili nang may sarili nang supot o lalagyan. Sa tamang pag-aalaga, ang iyong menstrual cup ay maaaring tumagal ng hanggang sampung taon.

Tumatagas ba ito?

Hindi ka dapat nakakaranas ng mga tagas sa iyong menstrual cup kung naipasok mo ito nang tama. Ang ilan sa mga karaniwang dahilan para sa mga pagtagas ay:

  • Hindi tama ang sukat para sa iyo, na pumipigil sa perpektong pagbubuklod sa mga gilid ng iyong pwerta.
  • Hindi ito ipinasok nang tama, na nangangahulugang hindi ito matagumpay na na-seal. Dapat makarinig ka ng “pag-pop” kapag ito ay nagbuklod.
  • Ito ay puno na at kailangan nang alisin ang nakolektang regla.
  • Ang posisyon ng iyong serviks. Ang menstrual cup ay maaaring madaling mawala sa tamang pwesto kapag tumatama ito sa serviks. Alamin kung aling menstrual cup at sukat ang angkop sa iyo.

Mga kalamangan

Matipid. Bagaman hindi pa masyadong sikat ang mga menstrual cup sa Pilipinas, mayroon nang ilang mga kagalang-galang na tatak na mula sa P575 – P899 ang halaga. Oo, nagkakahalaga sila nang higit pa sa isang pakete ng napkin o tampon, ngunit ang isang menstrual cup ay maaaring magamit hanggang sa sampung taon. Iyon ay tulad ng paggastos ng P57.50 – P89.90 lamang sa isang taon.

Makakalikasan. Dahil magagamit muli ang mga menstrual cup, wala ka nang itatapon na mga gamit nang napkin o tampon. Tinulungan mo ang iyong sarili na makatipid ng pera, at nakakatulong ka pa sa kalikasan!

Ligtas hanggang 12 oras. Maaari mong iwanan ang iyong menstrual cup sa loob hanggang sa 12 oras nang hindi nag-aalala tungkol sa toxic shock syndrome (TSS), isang impeksyong bakterial na nauugnay sa mga tampon na naiwan nang ilang oras sa loob.

Mas marami ang makokolekta. Ang mga menstrual cup ay maaaring maglaman ng higit sa isang onsa ng likido, na doble pa kaysa sa kung ano ang maaaring makolketa ng mga tampon at napkin. Malaking ginhawa ang menstrual cup sa mga araw na mabigat ang iyong daloy.

Hindi mangangamoy. Kung ikaw ay madalas mag-alala na baka ika’y mangamoy regla, ang menstrual cup ay nakakaiwas sa paglabas ng ganitong amoy dahil lumilikha ito ng airtight seal sa loob ng iyong pwerta.

Wala kang mararamdaman. Kung perpektong naipasok mo ang menstrual cup, hindi mo na mapapansin na nandoon ito! Ang paggawa ng mga pisikal na aktibidad kapag ika’y nireregla ay mas madali at mas komportable kapag gumagamit ka ng menstrual cup. Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa mga pagtagas, pagsubaybay sa oras para magpalit, o sa pag-umbok ng napkin sa pantalon.

Mga kahinaan

Hamon ng paghahanap ng tamang sukat ng menstrual cup para sa iyo. Hindi isang-sukat-akma-sa-lahat (one-size-fits-all) ang mga ito, at may ilang mga kadahilanan na kailangang isaalang-alang kapag pipili ng tamang sukat. Maaaring kailanganin mong dumaan sa kaunting hamon bago mahanap ang perpekto para sa iyo, ngunit maaaring makatulong sa iyo ang isang tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.

Maaari itong maging makalat. Maaaring matapon ang mga nilalaman kapag aalisin mo na ang mga nakolektang regla. Ang paghuhugas nito ay maaari ring maging isang hamon kung gagawin mo ito sa isang pampublikong banyo.

Kailangan ng pagsasanay. Ang pagpasok ng isang bagay sa pwerta ay hindi normal na aktibidad na karaniwang ginagawa mo sa pang-araw-araw, kaya kakailanganin mo ng kaunting panahon upang masanay sa tamang pagpasok ng menstrual cup.

Ang pagpalit sa menstrual cup ay desisyon ayon as personal na kagustuhan. Kung hindi ka pa rin sigurado, kausapin ang iyong doktor upang malaman ang iyong pwedeng pagpilian at matulungan ka pumili ng angkop sa iyo.

Mga pinagmulan:

https://www.abc.net.au/life/a-guide-to-using-menstrual-cups/11672814

https://www.healthline.com/health/womens-health/menstrual-cup#how-to-use

https://www.webmd.com/women/guide/menstrual-cup#1

Please follow and like us:

6 thoughts on “Lahat Ng Kailangan Mong Malaman Tungkol Sa Menstrual Cup

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon