Siguro napag-isipan mo na rin magladlad nung natanto mo ang iyong oryentasyong sekswal. Kung napagdesisyunan mo nang magladlad, ang susunod na iyong pag-iisipan ay kung paano ito gawin.
Kadalasang inaasam ng karamihan na straight ang ibang tao maliban na lang kung sabihin nila na hindi. Isa ‘to sa mga dahilan kung bakit may mga nais magladlad at sabihin kung ano ang kanilang oryentasyon. Ang paglaladlad ay napakapersonal na proseso pero maaaring maging nakapagpapalaya at nakakasabik na karanasan sa sinumang handang gawin ito. Maraming posibleng dahilan kung bakit nais mo itong gawin. Baka dahil:
- Nais mo lang ipahayag kung sino ka at ano ang iyong pagkakakilanlan
- Nasa isang relasyon ka at gusto mong ipakilala ang iyong partner at inyong relasyon sa ibang tao
- Naghahanap ka ng karelasyon
- Gusto mong bumuo ng koneksyon at pagkakaibigan sa ibang tao na kapareho mo ng oryentasyong sekswal
Ang dahilan mo ba ay nakalista sa itaas? Kung hindi, ikaw pa rin naman ang ultimong magdedesisyon kung maglaladlad ka o hindi. Sapat nang dahilan ang gustong magladlad! Pero bago tahakin ang unang hakbang ng iyong lakbay sa paglaladlad, narito ang ilang bagay na dapat mong malaman.
Hindi mo naman kailangan magladlad
Hindi mo naman talaga kailangan magladlad, lalo na kung ayaw mo talaga o sa palagay mong mas negatibo kaysa sa positibo ang kalalabasan nito. Wala dapat ma-pressure o maplitian magladlad.
Lahat ay may kanya-kanyang lakbay
Lahat ng tao ay may kanya-kanyang natatanging lakbay, at walang mas maganda kaysa sa iba. Ikaw lang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon para magladlad.
May ibang nagladlad nung sila’y bata-bata pa, at may iba naman na medyo may edad na nung nagladlad. At mayroon namang mga tao na hindi na talaga nagladlad. Pwede rin namang magladlad ka sa lahat ng kilala mo, o ibahagi lang ito sa iilang taong komportable ka.
Wala namang panuntunan at tama o maling paraan para magladlad. Kung paano mo ito gagawin ay depende sa iyong karanasan at sitwasyon.
Paisa-isang hakbang lang
Ang paglaladlad ay isang proseso na hindi mo kailangan madaliin. Paisa-isang hakbang lang ang iyong gawin, at magladlad lamang kung kailan talagang handa ka.
Baka gusto mong magladlad sa isang tao muna na lubos mong pinagkakatiwalaan. Pwede itong malapit na kamag-anak o matalik na kaibigan na bukas ang isip, at tanggap at suportado ka. Kung sila’y parte rin ng LGBTQ+ community at nakaranas nang magladlad, pwede ka ring humingi ng payo at suporta habang ika’y dumadaan sa proseso.
Walang isang tiyak na paraan
Walang tama o maling paraan para magladlad, so gawin kung anuman ang pinakakomportable para sa iyo. Minsan nakakatakot ang harap-harapang usapan, lalo na kung kinakabahan ka tungkol sa kung ano ang magiging reaksyon ng taong kausap mo. Pero kung sa palagay mo’y ito ang pinakamabuting paraan para sa iyo, gawin mo na!
Maaari kang magladlad sa isang kaibigan sa pamamagitan ng pagbanggit lang nito nang kaswal o pagpunta sa isang LGBTQ+ na pagtitipon. May iba rin na ginagamit ang social media para magladlad, sa pamamagitan ng pagpost ng litrato nila sa pride march, na may kasamang taos-pusong caption na nilalathala ang kanilang pagkakakilanlan at paglalakbay.
Mga iba pang paraan na pwede mong subukan ay video message, tawag, text message, email, at sulat. Baka alinman sa mga ito ang nababagay na paraan sa iyo kung hindi mo naman inaasahan ang agarang tugon at kung nais mong magbigay ng kaunting pagitan at panahon para iproseso ang mga bagay.
Pag-isipan ang panahon at lugar
Walang perpektong panahon o lugar para magladlad, mayroon lamang mga lugar kung saan ika’y pinakakomportable, ligtas, at maginhawa — at ikaw ang maaaring pumili nito.
Hindi ka ba komportable na baka may ibang taong makarinig ng iyong sasabihin? Baka hindi mo gugustuhin na magladlad sa isang pampublikong lugar. Pero kung nangangamba ka na baka saktan ka ng taong kakausapin mo, baka mas mainam na sa pampublikong lugar ka magladlad. At saka, mabuting umiwas sa mga lugar na maingay at maraming tao para hindi mangyari ang mga maling pagdinig at mga hindi pagkakaintindihan. Puwede itong gawin sa bahay o sa isang pribadong lugar kung ika’y komportable. Magsama ka ng kaibigan para samahan ka kung sa tingin mo kailangan mo ng suporta habang naglaladlad.
Kung tingin mo hindi mabuti ang magiging reaksyon ng taong paglaladlaran mo, hindi siguro magandang panahon gawin ito habang may pagtitipon ng pamilya o mahabang biyahe. Hindi rin magandang ideya ang pagpapadala ng iyong mensahe sa tao kung siya’y nasa trabaho o bakasyon.
‘Di na bale kung saan at kailan ka magladlad, siguraduhin lang na ika’y ligtas at komportable sa iyong napili.
Iba’t iba ang posibleng reaksyon
Baka mabigla ang iba, at siguro may iba rin na hindi makapaniwala. Bigyan lamang sila ng sapat na panahon at espasyo para iproseso ang kanilang nalaman. Posible ring may mga katanungan na susmulpot sa kanilang isip, tulad ng “kailan mo pa nalaman,” at “sigurado ka ba talaga?” Hindi mo naman kailangan sagutin ang mga ito, maliban na lang kung talagang gusto mo.
Tandaan lamang na anuman ang kanilang sabihin, ang iyong pagkakakilanlan ay totoo at ikaw lamang ang pinaka nakakakilala sa iyong sarili.
At saka, sabihan mo rin ang taong pinagladlaran mo kung pwede niya ba ibahagi sa ibang tao ang balita at kung kanino lamang niya ito pwedeng sabihin.
Mga huling paalala
Tandaan na ang pagladlad ay kadalasan isang proseso na walang katapusan kaysa sa isahang malaking pangyayari sa iyong buhay. At habang nakakakilala ka ng ibang tao sa iyong buhay, baka kailangan mo magladlad nang paulit-ulit — pero syempre kung gusto mo lamang.
May mga taong magkakaroon ng negatibong reaksyon. Wala kang kontrol sa kanilang tugon, pero may kontrol ka sa iyong reaksyon sa kanilang sasabihin. Subukang huwag personalin ang kanilang mga salita. Tandaan na ang kanilang reaksyon ay repleksyon ng kanilang sarili, hindi ikaw.
Maraming tao ang nakapansin na malaking tulong ang pagkakaroon ng matibay na suporta. Pwede kang sumali sa mga LGBTQ+ groups sa Iinternet, at makakilala ng mga bagong kaibigan na may kwentong katulad ng iyo.
Mga pinagmulan:
https://www.healthline.com/health/how-to-come-out
https://www.plannedparenthood.org/learn/teens/lgbtq/coming-out/how-do-i-come-out