fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ang Lahat Ng Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Kuto Sa Maselang Bahagi Ng Katawan

Ang mga kuto sa maselang bahagi ng katawan — kilala rin bilang “crabs” — ay maliit na mga parasitiko na nakadikit sa balat at buhok malapit sa maselang bahagi ng iyong katawan. Ang crabs ay hindi mapanganib, at kadalasan ay madali itong mapuksa.

Milyun-milyong tao ang nagkakaroon ng crabs bawat taon. Ang mga ito ay maliliit na insekto na tila maliliit na bersyon ng mga alimango na nakikita mo sa dalampasigan. Nabubuhay sila sa balat at magaspang na buhok na nasa paligid ng iyong maselang bahagi ng katawan, at nabubuhay sila sa pagsipsip ng iyong dugo.

Ang crabs ay madaling kumalat sa panahon ng pagtatalik. Kasama sa mga sintomas nito ang matinding pangangati. Bagamat hindi kaaya-aya ang pagkakaroon ng crabs, hindi ito nagiging sanhi ng anumang malubhang problema sa kalusugan. Kadalasan, madaling patayin ang mga ito gamit ang mga gamot na nabibili sa botika.

Ang pagkakaroon ng crabs ay hindi nangangahulugang marumi ka – wala itong kinalaman sa kalinisan sa katawan. Ang sinuman ay maaaring magkaroon ng crabs kung mayroon silang malapit at personal na ugnayan sa isang taong mayroon nito.

Paano naikakalat ang crabs?

Larawan mula sa: https://www.medicalnewstoday.com/articles/173681

Karaniwang kumakalat ang crabs sa pagtatalik, dahil gusto nilang mabuhay sa mga buhok sa maselang bahagi ng katawan.

Madaling naikakalat ang mga kutong ito mula sa buhok ng isang tao patungo sa iba, kapag ang kanilang mga maselang parte ay malapit sa bawat isa.

Karamihan sa mga tao ay nakakakuha ng crabs sa panahon ng pagtatalik, ngunit kung minsan ay kumakalat sila sa ibang paraan. Maaari ka ring makakuha ng crabs kung dumikit ka sa mga bahagi ng katawan ng isang taong mayroon nito na may magaspang na buhok tulad ng: pilikmata, kilay, buhok ng dibdib, kilikili, balbas, at bigote. Minsan, ito’y kumakalat sa pamamagitan ng paggamit ng damit, tuwalya, o kama na mayroong crabs.

Ang crabs ay hindi kumakalat sa pamamagitan ng mabilis at kaswal na paghawak o pagdidikit, tulad ng pakikipagkamay o yakap. Bihirang makakuha ng crabs mula sa inidoro dahil hindi sila nabubuhay nang matagal kung malayo sila sa katawan ng tao. Hindi rin nila kayang kumapit sa mga makinis na lugar.

Kahit na ang crabs ay nasa buhok, hindi angkop sa kanila ang mabuhay sa buhok ng iyong ulo. Ang mga kuto sa maselang bahagi ng katawan ay naiiba sa mga kuto sa ulo, at karaniwang hindi nakukuha crabs mula sa buhok ng iyong ulo. Gayundin, ang mga kuto sa ulo ay karaniwang hindi makikita sa maselang bahagi ng katawan.

Ano ang mga sintomas kung mayroon akong crabs?

Kadalasan, ang mga sintomas ng kuto sa maselang bahagi ng katawan ay nagsisimula 5 araw pagkatapos mong makuha ito. May mga tao na walang sintomas, o sa palagay nila ang mga sintomas ay sanhi ng ibang bagay (tulad ng pantal). Ang pinakakaraniwang sintomas ng crabs ay ang matinding pangangati sa iyong maselang bahagi. Ang pangangati at iritasyon ay dulot ng reaksyon ng iyong katawan sa kagat ng mga kutong ito. Kasama sa mga sintomas ng crabs ang:

  • Matinding pangangati sa maselang bahagi ng katawan.
  • Maliliit na mga kuto sa buhok sa iyong maselang bahagi. Maaari mong makita ang crabs sa pamamagitan ng pagtingin ng malapitan, o maaaring kailangan mong gumamit ng magnifying glass. Ang mga kuto sa maselang bahagi ng katawan ay kulay-abo o kayumanggi, at mukhang maliliit na mga alimango. Mas maitim sila kapag napuno sila ng dugo.
  • Mga itlog ng crabs (tinatawag na nits) sa ilalim na bahagi ng buhok sa maselang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay maliit at mahirap makita na hugis-itlog at dilaw, puti, o mala-perlas. Karaniwang nasa isang kumpol ang mga itlog ng crabs.
  • Maitim o mala-bughaw na bahagi ng balat kung saan naninirahan ang mga kuto ng maselang ng katawan. Ang mga pantal na ito ay nagmula sa kagat ng crabs.
  • Lagnat, madaling pagkapagod, at pagiging magagalitin.

Ano ang gamot para sa crabs?

Ang mga gamot sa kuto ng maselang bahagi ng katawan ay madaling gamitin at kinabibilangan ng mga gel, shampoo, at foam. Karamihan sa mga ito ay ibinebenta ng over-the-counter sa mga botika, kaya maaari mo itong bilhin kahit walang reseta mula sa isang doktor. Maaari kang bumili ng mas malakas na gamot para sa crabs kung may reseta ka. Kung mayroon kang crabs sa iyong kilay o pilikmata, kailangan mo ng isang espesyal na uri ng gamot na maaari mo lamang makuha mula sa iyong doktor. Kung ikaw ay buntis o nagpapasuso, kausapin ang iyong doktor bago gumamit ng anumang gamot. Ang tanging bagay na talagang makakapuksa sa iyong crabs ay mabisang mga gamot na inilaan upang patayin ang mga kuto sa maselang bahagi ng katawan. Ang mga remedyo sa bahay tulad ng mainit na paliguan o pag-ahit ay hindi gumagana. Ang mga gamot na para sa pangangati (tulad ng hydrocortisone cream) ay makakatulong sa iyong pakiramdam, ngunit hindi nila kayang puksain ang crabs.

Paano puksain ang crabs?

Kahit na matapos mo ang paggamot, ang karamihan sa mga nits (mga itlog ng kuto) ay mananatili sa iyong buhok. Maaari mong alisin ang mga ito gamit ang iyong mga kuko o isang suklay na may pinong mga ngipin.

Kasabay ng paggamit ng gamot, hugasan o linisin ang lahat ng iyong sapin sa kama at tuwalya. Hugasan o linisin ang anumang damit na suot mo habang mayroon kang mga crabs. Labhan ang mga telang  ito sa pinakamainit na setting, at patuyuin ito sa hot cycle ng hindi bababa sa 20 minuto.

Maaari mo ring ilagay ang mga tela na hindi maaaring hugasan sa isang selyadong bag sa loob ng 2 linggo, hanggang sa mamatay ang crabs at ang kanilang mga itlog. Maaari ka ring gumamit ng vacuum para linisin ang mga basahan at iba pang mga kasangkapan sa bahay . Hindi mo na kailangang magbayad ng tagapatay ng peste o pausukan ang iyong bahay.

Sabihin sa iyong mga seksuwal na kasosyo at sinumang mayroon kang matalik na ugnayan sa nakaraang buwan na maaaring mayroon silang crabs. Sabay sabay na gamutin ang crabs upang hindi kayo muling makapanghawa sa bawat isa. At huwag makipagtalik hanggang sa matapos ang lahat gamutan at tiyak na permanenteng napuksa na ang crabs. Magandang ideya din ang magpasuri para sa iba pang mga STI.

Kung makakita pa rin ng buhay na kuto pagkatapos ng 9-10 araw, ulitin ang ginawang pamamaraan. At siguraduhin na hugasan mo ang lahat ng kailangang hugasan, at tiyaking ginawa din ito ng iyong kapareha. Kung hindi pa rin napuksa ang crabs, kausapin ang iyong doktor.

Pinagmulan: https://www.plannedparenthood.org/learn/stds-hiv-safer-sex/pubic-lice/how-do-i-treat-pubic-lice

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon