Madalas ka bang nababahala kung paano ka makitungo sa iba at kung ano ang tingin ng iba sa’yo? At dahil diyan, baka nalilimutan mo nang unahin ang pagmamahal sa sarili!
Mahalaga naman talaga na magbuo ng magandang relasyon sa ibang tao, tulad ng iyong partner o mga kaibigan. Ngunit, may isang relasyon na nangingibabaw sa lahat: ang iyong relasyon at pagmamahal sa sarili. Anuman ang mangyari at saan man magpunta, mananatili ang iyong relasyon sa sarili, at kung paano mo mahalin ang iyong sarili ay makakaapekto sa lahat ng iyong gagawin at desisyon.
Mahabang proseso ang pagdebelop ng magandang relasyon sa sarili. Pero pwedeng pwede pa rin simulan ang pagmamahal sa sarili! Simulan mo sa mga tips na ‘to:
Mag-journal
Isa sa mga pinakamabisang paraan para maunawaan ang mga emosyon at pag-iisip ay ang pag-journal. Nakakatulong ito na maging mas konektado sa sarili, mas malinaw ang mga emosyon, mas madaling maka-isip ng solusyon sa mga problema, pati na rin sa pagbabawas ng stress.
Paano mag-journal:
- Pumili ng notebook. Siguraduhin na sapat ang dami ng pahina para makapagsulat ka nang regular.
- Pumili ng paksa na nais mong isulat. Pwedeng tungkol sa iyong daily routine, paboritong pangyayari, o mga bagay na pinasasalamatan mo. Kung kailangan mo pa ng ideas, napakarami sa Internet.
- Mag-set ng timer na 10-20 minuto. Nakadepende talaga sa’yo kung gaano katagal mo gusto mag-journal. ‘Di naman ito kakain ng napakaraming oras ng iyong araw.
- Sulat lang nang sulat. Hayaan mong dumaloy ang iyong mga saloobin, at ‘wag kang tumigil para lang mag-edit. Ang layunin ay mailabas mo ang iyong mga emosyon at saloobin, nang walang pagpigil o pagtago.
- Kapag tumunog na ang timer, basahin ang naisulat mo, at mag-reflect dito.
Pwede ka mag-journal bago simulan ang araw, habang nasa lunch break, o bago ka matulog.
Alamin ang iyong mga hangganan
Kapag alam mo ang iyong mga hangganan, mas madaling matukoy ang mga bagay at tao na makakabuti sa’yo. Kasama rito ang paggiit ng iyong mga karapatan sa isang relasyon, paglayo sa sinumang ‘di maayos ang pagtrato sa’yo, at pagsabi ng iyong mga kagustuhan.
Isa sa mga paraan para igiit ang iyong mga hangganan ay ang malayang pagtanggi sa mga bagay na ayaw mo, paglayo sa mga usapin na walang ambag sa buhay mo, at pagtapos sa mga relasyon na ‘di nakakabuti sa’yo.
Kapag alam at iginiit mo ang iyong mga hangganan, mas makakaiwas ka sa stress at problema. Lagi rin tandaan na nararapat ka rin na respetuhin at makaranas ng kapayapaan sa buhay.
Sumubok ng bagay na bago sa’yo
May sport o aktibidad ka bang matagal mo nang gustong subukan? Gawin mo na? Senyales mo na ‘to na subukan na kung ano man ‘yun.
Minsan nakakatakot talaga simulan ang isang bagay na bago pa sa’yo. Pero kapag lumabas ka sa’yong comfort zone, nakakatulong ‘to na mas makilala mo ang sarili.
Dahan-dahan at paminsan-minsan mong hamunin ang sarili na gumawa ng mga bagay na naisipan mo na ring gawin dati. Nakakalakas rin ‘to sa kumpiyansa sa sarili, lalo na kung naging matagumpay ka sa ginawa mo! Tandaan rin na ‘wag rin naman maging masyadong malupit sa sarili kung ‘di naging matagumpay.
‘Wag matakot na mabigo
‘Di nakakatuwa na mabigo, pero marami ka rin matututunan sa sarili mo dahil dito.
Kung ‘di ka matagumpay sa unang subok, oportunidad ‘to na umatras, suriin ang nangyari, at isipin kung ano pa ba ang pwede mong baguhin sa iyong ginawa. Para sa susunod na pagkakataon, handa ka na at alam mo na kung anong gagawin para maging matagumpay.
Minsan nakakawalang gana talaga ‘yung pagkabigo. Ngunit, nakakalakas ito ng iyong kumpiyansa sa sarili… at saka mo na mapagtatanto na hindi katapusan ng mundo ‘pag hindi ka nagtagumpay sa unang subok.
Magpahinga mula sa social media
Minsan, social media ang nagiging daan para ikumpara ang sarili sa iba. Kailangan mong isaisip na ang mga pinopost ng mga tao sa kanilang social media pages ay karaniwang mga mabubuting bagay, masasayang sandali, at magagandang litrato lamang na nais nilang ipakita sa iba.
Magpahina ka rin mula sa social media. Pwedeng isang araw o linggo, o kaya parang bakasyon na aabot ng ilang linggo. Magandang gawin ‘to para mas ma-enjoy mo ang sariling buhay at oras.
Kapag hindi mo nakukumpara ang sarili sa iba, hindi mo na rin napepresyur ang sarili mo na maging katulad nila. Magiging mas masaya ka kapag ginagawa mo ang mga bagay na talagang nagpapasaya sa’yo.
Ang mga ito ay ilang mga bagay lamang na maaari mong gawin para mas mahalin ang sarili — napakarami ka pang pwedeng gawin. Ang mahalaga ay masaya ka sa ginagawa mo.
Tandaan na ang una at pinakamahalagang relasyon sa buhay mo ay ang sa sarili — kaya siguraduhin mo na ito’y mabuti at masaya!
Mga pinagmulan:
https://www.huffpost.com/entry/11-ways-to-improve-your-r_b_10269696 https://www.bustle.com/p/7-unexpected-but-amazingly-effective-ways-to-improve-your-relationship-with-yourself-7925162