fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ang sikreto sa masayang pamilya

Naisip mo na ba kung ilan ang gusto mong maging anak? Lahat tayo, may karapatang magdesisyon kung ilang anak ang gusto natin. Ang hindi madaling gawin ay ang sumunod sa napagkasunduan niyong mag-asawa.

Dito papasok ang family planning.

Ano ang family planning?

Ang “family planning” ay tumutukoy sa kaalaman at mga paraan na makakatulong sa mga mag-asawang magdesisyon kung kailan magkaka-anak, at kung ilan ang gustong anak.

Bawat miyembro ng pamilya—kahit ang mga anak—ay positibing naaapektuhan ng mabisa at wastong family planning.

Bakit ito kailangan?

Masisigurado ng mag-asawang nagfa-family planning na mabibigyan nila ng sapat na atensyon ang kanilang mga anak, maging ang isa’t isa.

Nakakatulong din ang family planning sa pag-iipon at pag-budget. Dahil lahat ng bagay ay may kaakibat na gastos, tulad ng edukasyon, bahay, pagkain at utilities,  mainam na masigurong kaya niyong maglaan ng sapat na budget para sa inyong pamilya..

Maraming  iba’t-ibang paraan o istilo ang family planning, kailangan lang ninyo malaman ang pinaka-akma sa inyong mag-asawa.

Ano ang family planning methods para sa mga lalaki? 

Para sa marami, lalo na sa mga lalaki, ang pinaka pangkaraniwang paraan ng family planning ay ang paggamit ng condoms. Ito ang pinakamurang kontraseptibo at maaari itong mabili sa mga botika at convenience stores.

Isa pang paraan para sa mga lalaki ay ang vasectomy.Isa itong ligtas, di masakit at mabilis na outpatient surgery, at walang maidudulot na matinding side effects. Nagsasagawa ang Commission on Population and Development (POPCOM) ng libreng vasectomy tuwing Nobyembre, pero maaaring magpa-schedule ng appointment sa pamamagitan ng kanilang website.

Sa ngayon ay wala pang contraceptive pills para sa mga lalaki. Hangga’t wala pa ito, condoms at vasectomies ang nananatiling pinakamabisang kontraseptibo para sa mga lalaki. 

Ano ang family planning methods para sa mga babae?

Sa kasalukuyan, mas marami ang contraceptive methods para sa mga babae. Kabilang na rito ang oral contraceptive pills na pumipigil sa pagpapakawala ng mature na egg cell na resulta ng ovulation o obulasyon. Dahil dito, walang egg cell na matatagpuan ang sperm cells pagkatapos ng pagtatalik. (Maaari niyong malaman ang tamang pag-inom ng pills sa article na ito.)

Ang mga babae’y pwede ring gumamit ng intrauterine device (o IUD). Ito’y isang hugis-T na aparato na inilalagay sa matris. Nababago nito ang paggalaw ng sperm cells sa loob ng babae. Sa kasalukuyan sa Pilipinas, mga copper IUD lamang ang maaaring makuha.

Meron ding mga injectables para sa mga babae na pumipigil sa pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpapalabas ng hormone na “progestin”. Nagpapakapal ito ng cervical mucus na makakapigil sa pagtatagpo ng sperm at egg cell. Ang injectables ay kailangang ireseta ng isang doktor at maaring makuha sa health centers at mga ospital.

Anumang contraceptive method ang mapili mo, importanteng pag-usapan niyo muna ng partner mo ang pagkuha’t paggamit ng mga ito. Mainam din na kumonsulta sa isang health expert para maintindihan kung anong method ang pinakamaganda para sa iyo.

May kasabihan tayong ang mga tatay ay haligi ng tahanan habang ang mga nanay naman ang ilaw. Bilang mga mag-asawa’t magulang, kailangang nating maging responsable’t masiguro na ang bawat batang mabubuo natin ay magkakaroon ng magandang buhay. Dito makakatulong ang maayos na family planning.

Sa susunod na mapapaisip ka kung ilang anak ang gusto mong palakihin, tandaan mong hindi lamang ‘yan simpleng bagay: isa na ‘yang malaking bahagi ng pagkakaroon ng pamilya.

Mga pinagmulan:

https://ncr.popcom.gov.ph/contact-us/

https://doh.gov.ph/faqs/What-are-the-benefits-of-using-family-planning

https://www.themedicalcity.com/news/family-planning-basic-human-right

https://www.unfpa.org/family-planning

Ang imahe ay mula sa Freepik

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon