fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang mga dahilan ng mahapding pakiramdam sa ari ng lalaki?

Ang mainit, mahapdi o parang nasusunog na pakiramdam sa ari ay talaga namang nakakabahala, lalo na kung hindi mo alam kung ano ang dahilan nito. Ang mahapding pakiramdam ay madalas nadarama tuwing umiihi. Ito’y karaniwang sintomas ng ilan sa mga sexually transmitted infections (STIs) at karamihan nama’y madaling magamot.

Ito ang ilan sa mga nagdudulot ng mahapdingari:

Urinary Tract Infection (UTI)

Ang Urinary Tract Infection o UTI ay dala ng bacteria na pumasok at nagdulot ng impeksyon sa kahit anong parte ng urinary tract o daluyan ng ihi, na kinabibilangan ng bato, pantog, ureters, at urethra. Isa sa pinakamadalas na sintomas nito ay ang mahapding pakiramdam tuwing umiihi. Kabilang din sa mga sintomas ay ang madalas na pag-ihi, ihi na may malakas na amoy at/o madilim na kulay, pananakit sa balakang, at ang pakiramdam na hindi nauubos ang laman ng pantog.

Ang UTI ay madaling magamot ng mga antibiotic. Pero, siguruhing kumonsulta muna sa iyong doktor. Ang iyong doktor ang magsasagawa ng ilang pagsusuri sa kung anong bacteria ang nagdudulot ng impeksyon, saka sila magbibigay ng pinakamabisang uri ng antibiotic para rito. Ang pag-inom din ng maraming tubig ay makakatulong kasabay ng paggagamot.

Chlamydia

Isa sa pinakakilalang STI ay ang chlamydia, na madaling naipapasa sa iba’t-ibang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng walang proteksyon. Nagdudulot din ang chlamydia ng mahapding pakiramdam sa ari kapag umiihi at hindi normal na tulo galing.

Ang paggamot sa chlamydia ay kadalasang kinakailangan ng serye ng mga antibiotic na reseta ng iyong doktor. Makakatulong din kung iiwas muna sa mga sekswal na aktibidad habang ginagamot ito.

Ang pagpigil naman sa chlamydia ay kasing-dali lamang ng pagususuot ng condom tuwing makikipagtalik. Ang chlamydia ay kadalasang hindi rin nagpapakita ng sintomas, kaya kung ikaw ay may maraming kapareha, ugaliing magpasuri palagi.

Penile Yeast Infection

Ang penile yeast infection ay karaniwang nakukuha mula sa pakikipagtalik sa taong may vaginal yeast infection. Karaniwang sintomas ng impeksyong ito ay ang mahapding pakiramdam sa ari, pangangati, pagpapantal, at puting tulo.

Kahit na madaling gamutin ang yeast infection gamit ang mga over-the-counter na antifungal na cream o ointment, mabuting magpareseta muna sa doktor, dahil baka ang impeksyon ay mas malala sa inaakala mo.

Urethritis

Ang urethritis ay ang pamamaga ng urethra o ang tubo na nagdadala ng ihi mula sa pantog papalabas ng katawan. Ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng mahapding pakiramdam sa ari dahil dito dumadaan ang ihi. Dito rin lumalabas ang semilya. Ang ilan pa sa madalas na sintomas nito ay:

  • Mahapding pakiramdam sa ari kapag umiihi
  • Pangangati o mahapding pakiramdam malapit sa ulo ng ari
  • Dugo sa ihi o semilya
  • Kakaibang tulo mula sa ari

Ang kondisyong ito ay may ilang pagkakapareha sa UTI sa mga inisyal na sintomas nito, pero hindi dapat sila mapagkamalang pareho dahil iba ang paggagamot sa urethritis. Abiso mula sa iyong doktor ang kinakailangan upang malaman ang tamang paggagamot para sa kondisyong ito.

Gonorrhea

Ang gonorrhea ay isang karaniwang STI na dinudulot ng bacteria na madalas umaapekto sa mga mainit, mahalumigmig na lugar sa katawan. Kasama rito ang urethra, na maaaring magdulot ng mahapding pakiramdam sa ari. Ang STI na ito ay hindi madalas magpakita ng sintomas, pero kapag mayroon, ito ang mga pinakamadalas:

  • Mahapding pakiramdam sa ari kapag umiihi
  • Pananakit o pamamaga ng bayag
  • Tulo mula sa ari

Karamihan sa mga modernong antibiotic ay maaaring magamot ang gonorrhea. Kung suspetsa mo na ika’y nakakaranas nito, makipag-ugnayan sa iyong doktor o tagapagbigay ng kalingang medikal at magpasuri agad. Iwasan din ang sekswal na aktibidad habang ginagamot ang gonorrhea upang makatulong sa mabilis na paggaling nito.

Kanser sa ari

Sa pinakabihirang mga kaso, ang mahapding pakiramdam sa ari ay maaaring sintomas ng kanser sa ari. Ang uri ng kanser na ito ay napaka-bihira. Kasama sa hindi maipaliwanag na pananakit sa ari, ilan sa mga sintomas nito ay ang pag-iiba ng kulay ng ari, mga bukol o singaw, at pangangapal ng balat sa ari.

Ang paggagamot ng kanser sa ari ay kadalasang kinakailangan ng operasyon. Ang radiation therapy ay maaaring pamalit o dagdag sa operasyon. Ang malalaking mga tumor ay maaaring mangailangan ng chemotherapy.

Ang mahapdi o mainit na pakiramdam sa iyong ari ay maaaring nakakakaba sa simula, pero kapag alam mo na kung ano ang nagdudulot nito, maaari mo nang kalmahin ang iyong sarili dahil karamihan sa mga ito ay madaling magagamot ng tamang medikasyon. Tandaan din ang iba pang sintomas kagaya ng pamamantal o lagnat at makipag-ugnayan sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.

Karamihan sa mga STI  ay madaling maiwasan sa paggamit ng condom. Kaya, ugaliing magdala palagi sa bawat sekswal na gawain, lalo na kung marami ang iyong mga kaparehang sekswal.

Pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/hot-penis

https://www.medicalnewstoday.com/articles/penis-burning

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon