fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Bakit maitim ang intimate area ko?

Dumadaan sa mga pagbabago ang iyong katawan habang nagkaka-edad. Pero ‘di mo siguro naisip na pati ang balat sa paligid ng iyong ari ay dumadaan sa pagbabago rin.

Normal lang para sa balat sa labia, scrotum, at anus na maging mas maitim kaysa sa ibang bahagi ng katawan. Ito ang mga karaniwang sanhi ng hyperpigmentation, o ang pag-itim ng balat.

Mga hormones

Ang balat ay mayroong melanocytes, mga selulang responsable sa paglikha ng melanin. Ang melanin ay ang nagbibigay kulay sa iyong mga mata, buhok, at balat.

Ang mga melanocytes sa intimate area ay sensitibo sa mga hormones. Sa pagtaas ng antas ng estrogen — lalo na sa pagdadalaga at pagbubuntis — unti-unti ring umiitim ang genital area.

Priksyon

Ang priksyon ay maaaring magdulot ng melanocyte hyperactivity. Dito, napaparami ang mga nililikhang melanin ng mga selula; kaya nagreresulta ito sa hyperpigmentation.

Ang labia, bandang itaas ng hita, at singit ay ang mga parteng karaniwang nakakaranas ng priksyon at kiskisan araw-araw.

Pamamaga

Maaaring magresulta sa hyperpigmentation ang pamamaga.

Ilan sa mga karaniwang sanhi ay ang yeast infection, ingrown, at impeksyon sa loob ng follicle ng buhok (folliculitis).

Edad

Habang nagkaka-edad, dumadaan rin ang balat sa priksyon at pagbabago sa mga hormones. Kaya ‘wag mag-alala: normal lahat nito.

Maaari ring mangitim ang iba pang bahagi ng katawan

Ang mga utong, areolae, at nunal ng mga babae ay maaaring mangitim kapag buntis, dahil sa pagbabago sa mga antas ng hormones. Maaari ring magdulot ng linea nigra, o ang maitim na guhit sa gitna ng puson.

Maaari ring mangitim ang mga bahaging nagtitiklop palagi ang balat, tulad ng siko, tuhod, kilikili, at kamao.

Pwede ring magkaroon ng post-inflammatory hyperpigmentation mula sa mga tigyawat o iritasyon kahit saan sa katawan.

Iba-iba ‘to para sa bawat indibidwal

Kung napa-isip kung hanggang gaano kaitim kaya aabot, ito ay nakadepende sa iyong natural na kulay ng balat. Walang “normal” na kulay na balat; may tsansa lamang na mangitim kumpara sa ibang bahagi ng katawan.

Mahirap pigilan ang hyperpigmentation dahil nangyayari talaga ito habang nagkaka-edad. Pero pwedeng maiwasan ang priksyon para hindi agad-agad na nangingitim ang genital area:

  • Umiwas magsuot ng masisikip na damit at underwear
  • Panatilihing moisturized ang balat
  • Umiwas sa pagtanggal ng buhok, tulad ng pag-aahit at pagwa-wax (dahil maaari itong magdulot ng folliculitis at pamamaga)

Naisipan mo na rin siguro gumamit ng mga pampaputi tulad ng kojic soap sa iyong intimate area; ngunit hindi ito magandang gawin dahil matatapang ang sangkap nito, at maaaring makasama sa sensitibong balat.

Maselan ang balat sa iyong intimate area. Kaya posibleng magresulta lang sa iritasyon, na nagdudulot rin ng pangingitim.

Ang biglang pagbabago sa kulay ng balat ay maaaring mangailangan ng atensyon ng doktor

May ilang mga kondisyon na pwedeng magdulot ng biglang pagbabago sa kulay ng balat. Kung makati ‘yung bahaging ito, posibleng nagmula ito sa impeksyon o alerhiya sa isang bagay.

Ang mga kondisyon gaya ng dyabetis ay karaniwang nagdudulot ng pangingitim ng balat sa leeg at kili-kili. May mga sexually transmitted infection (STIs) rin, tulad ng genital warts, na maaaring magresulta sa biglang pangingitim ng balat, na may pantal-pantal.

Kung may napansing kakaiba bigla, mainam na kumonsulta sa doktor ukol dito.

Normal ang pangingitim, lalo na habang nagkaka-edad. Hindi ka nag-iisang nakakaranas nito. Sa katunayan, lahat ng tao ay makakaranas nito.

May mga cosmetic treatments na maaaring bawasan ang pangingitim. Kaya kung talagang determinado kang sumailalim sa mga ganitong pamamaraan, mainam na pumunta sa dermatologist para humingi ng payo.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/why-is-my-private-area-dark

https://www.femhealthproject.com/article/why-is-my-vaginal-area-dark

https://www.femina.in/wellness/gynaec/5-reasons-why-your-vaginal-area-are-darkening-what-to-do-about-it-180214.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon