fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pagdumi at regla: May koneksyon ba?

Poop and periods: Is there a connection?

May napapansin ka bang kakaiba sa pagdumi mo kapag ika’y nireregla?

Maliban sa premenstrual syndrome, normal na makaranas ng pagbabago sa pagdumi, gaya ng tibi, pagtatae, at madalas na pagdumi.

Simple lang ang eksplanasyon dito: mga hormones! Ito ang koneksyon ng pagdumi at regla.

Bakit mas madalas magdumi kapag nireregla?

Bago reglahin, ang katawan ay naglilikha ng prostaglandins. Ito’y isang hormone na nag-uudyok sa matres na mag-contract para mailabas nito ang regla.

Pero ang prostaglandins ay maaari ring makaapekto sa bituka. Maaari itong magresulta sa mas madalas na pagdumi.

Bakit nagtatae?

Sa ibang babae, mas matubig lang ang kanilang dumi. Pero may ilan rin na nakakaranas naman ng pagtatae sa mga unang ilang araw ng kanilang regla.

Dulot rin ito ng mas mataas na antas ng prostaglandins. Naaapektuhan rin nito kung paano naa-absorb ng katawan ang tubig, saka nagreresulta sa mas matubig na dumi at mas mataas na tsansang magtae.

Minsan, mahirap matukoy kung masakit lang ba puson mo o kailangan mo magdumi. Parehong masakit, at karaniwang sinasamahan pa ng presyur sa balakang, bandang ibaba ng likod, at pwet.

Bakit nagtitibi naman minsan?

Hormones pa rin ang sagot diyan.

Habang ang karamihan ay nakakaranas ng mas madalas na pagdumi, may iba naman na baliktad ang nararanasan.

Tumataas ang antas ng progesterone bago ang regla. Maliban sa pagdulot ng pagkapal ng uterine lining, ang pagtaas ng antas ng progesterone ay pwede ring makaapekto sa pagdumi.

Mas mabagal ang pagdaloy ng pagkain sa bituka, at nagreresulta sa pagtibi bago reglahin o sa mga unang ilang araw ng regla.

Anong pwedeng gawin?

Hindi mo makokontrol ang reaksyon ng iyong katawan sa pagbabago ng mga antas ng hormones. Ngunit may ilang mga bagay na pwede mong gawin para hindi gaanong malubha ang maranasan:

  • Uminom ng maraming tubig
  • Kumain ng maraming natural fiber, tulad ng mga prutas, madadahong gulay, at whole grains.
  • Regular na mag-ehersisyo

Kung ang iyong pagdumi ay nakakaapekto na sa iyong pang-araw-araw na gawain, mainam na humingi na ng payo sa doktor. Maaaring resetahan ka ng hormonal contraceptive tulad ng pills para makatulong sa mga sintomas ng PMS at ma-regulate ang mga antas ng hormones.

Kailan dapat ako mabahala?

May ilang mga gastrointestinal o gynecological conditions na maaaring magdulot ng malulubha at madalas na sintomas. Ito ay:

  • endometriosis
  • fibroids
  • ovarian cysts
  • polycystic ovary syndrome (PCOS)
  • irritable bowel syndrome

Kumonsulta na sa doktor kapag nakakaranas ng matinding pananakit ng puson o regla na nagtatagal ng higit sa pitong araw, o kung nakakapansin ng dugo o uhog sa dumi.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/period-poop

https://www.medicalnewstoday.com/articles/327009

https://health.clevelandclinic.org/why-do-you-poop-more-on-your-period/

https://www.natracare.com/blog/why-do-you-poop-more-on-your-period/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon