fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Copper IUD

copper IUD, intrauterine device, Securit T IUD, Trust IUD, family planning, reproductive health

Sa Isang Tingin:

  • Maliit na instrumento gawa sa plastik at tanso na pinapasok sa matris upang maiwasan ang pagbubuntis.
  • Tumatagal hanggang sampung taon.
  • Hindi gumagamit ng hormon.
  • Kailangan pumunta sa tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.
  • Hindi halata.
  • Matipid.
  • 99% mabisa.

Ano Ito

Ang Copper IUD (intrauterine device) ay isang maliit na piraso ng plastik na nakabalot sa tanso at nilalagay ng doktor o healthcare provider sa loob ng matris. Tumatagal nang ilang taon ang bisa ng proteksyon ng mga IUD—umaabot nang lima hanggang sampu, depende sa uri na kinuha mo. Kung nais mong mabuntis, maaari mong ipatanggal ang IUD anumang oras, kung saan ang pagkamayabong ay bumabalik kaagad.

Sa Pilipinas, mayroong isang uri ng IUD.

Copper T

Isang IUD na hugis T at may tanso sa magkabilang braso at katawan nito. Ito ang pinakapangunahing IUD na magagamit. Pinoprotektahan nito ang mga kababaihan mula sa pagbubuntis nang hanggang sampung taon, at kadalasan ang pinaka-matipid na IUD.

Ang mga IUD ay mabisa na kaagad mula sa sandaling naipasok ito. Kumportable sila at hindi maramdaman ng babae kapag na sa loob na. Kung nararamdaman mo ang iyong IUD pagkatapos ng pagpasok, maaaring senyas ito na wala ang IUD sa tamang lugar. Bihirang mangyari, pero posible. Huwag subukang ayusin ito nang sarili, at mag-iskedyul ng appointment sa iyong healthcare provider. Hanggang sa mabisita mo siya, huwag umasa sa IUD upang maprotektahan laban sa pagbubuntis, kaya gumamit ng isa pang uri ng proteksyon, tulad ng condom.

Paano Ito Gumagana

Ang tanso sa mga IUD ay nakakagulo sa paggalaw ng mga esperma at pinipigilan ang mga ito na matagpuan ang selulang itlog.

Paano Gamitin Ito

Maaari mong ipalagay ang IUD anumang oras ng buwan, ngunit karamihan sa mga healthcare provider ay mas nais na ipasok ito habang ikaw ay nireregla; maaaring ang pinaka komportableng oras ay sa kalagitnaan ng pagreregla mo (Iyon ay kapag ang iyong sipitsipitan—ang pagbubukas sa iyong matris—ay pinaka bukas).

Kapag naipasok na nang maayos ang IUD, gugupitin ng healthcare provider ang mga tali, pero mag-iiwan ng sapat na haba para kapag ito ay aalisin na at para matingnan mo kung na sa tamang lugar ang IUD (Hindi naman nakalawit sa ari ang mga tali).

Maaaring makaramdam ng pananakit ng puson kapag nakapasok na ang IUD, ngunit mawawala rin ito sa pahinga at gamot pang-alis ng pananakit. May ilan na maaaring makaramdam din ng pagkahilo. Ilang linggo pagkatapos ng pagpasok, maaaring makaranas ng konting pagdurugo o pananakit ng puson din, ngunit ang mga ito ay mawawala din.

Kapag ipinasok na ang IUD, inirerekomendang tingnan kung na sa tamang posisyon ito isang beses kada buwan. Ang pinakamainam na oras gawin ito ay pagkatapos ng iyong regla dahil bahagyang bumubuka ang iyong serviks, kung kailan ang IUD ay may pinakamalaking posibilidad na mabago ang puwesto. Gayunpaman, bihira na ang IUD ay magalaw. Upang tingnan ang iyong IUD, gawin ang mga sumusunod na direksyon:

  1. Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang maligamgam na tubig at sabon.
  2. Mag-iskuwat (tulad ng pagupo sa inidoro).
  3. Ipasok ang isang malinis na daliri sa iyong ari hanggang sa maramdaman mo ang iyong serviks. Medyo matigas ang pakiramdam ng serviks, tulad ng dulo ng ilong.
  4. Pakiramdaman ang mga tali ng IUD. Kung naramdaman mo ang mga ito, ang iyong IUD ay na sa tamang puwesto. Kung hindi mo maramdaman ang mga tali o nararamdaman mo ang dulo ng IUD sa iyong serviks, ang iyong IUD ay wala sa tamang puwesto. Kapag na sa ganitong sitwasyon, huwag subukang ayusin ito nang sarili. Mag-iskedyul na kaagad ng bisita sa iyong healthcare provider, at pansamantalang gumamit ng iba pang paraan ng proteksyon laban sa pagbubuntis.

Mga Positibo

  • Madali at mabilis na proseso ng pagpasok.
  • Pangmatagalan.
  • Ang pagkamayabong ay naibalik kaagad pagkatapos alisin.
  • Napaka-epektibo.
  • Hindi naglalaman ng mga hormon, o nakakahadlang sa iba pang gamot.
  • Hindi kailangan isipin araw-araw ang proteksyon laban sa pagbubuntis, o sa tuwing magtatalik.
  • Maaaring ipaalis ang IUD anumang oras.
  • Tiyak na pangmatagalang proteksyon nang walang masyadong iisipin o gagawin.
  • Ligtas para sa mga naninigarilyo, at mga may hypertension at diyabetis.

Mga Negatibo

Ang pagkabahala sa mga posibleng epekto ay normal, ngunit para sa karamihan sa mga kababaihan, hindi sila namomorblema. Kung nakakaranas ka ng mga epekto, mawawala rin sila sa paglipas ng panahon.

Ang pinakakaraniwang reklamo:

  • Mas maraming dugo sa regla
  • May konting pagdurugo sa pagitan ng mga pagregla (lalo na sa mga unang ilang buwan pagkatapos ng pagpasok)
  • Pananakit ng puson at likod

Hindi gaanong karaniwang mga problema:

  • Pag-alis o pag-iba ng puwesto ng IUD
  • Pagtulak ng IUD sa uterine lining
  • Impeksyon (karaniwang dahil sa hindi malinis na pamamaraan ng pagpasok)

Mga Sagot sa Mga Maling Paniniwala

  • Hindi nagiging sanhi ng kanser, ulser at mga depekto sa kapanganakan.
  • Hindi nagiging sanhi ng pagiging hindi komportable o ng kirot sa mga kababaihan habang nakikipagtalik.
  • Hindi lumilipat sa puso o utak.
  • Ang mga babaeng hindi pa nanganganak ay maaaring gumamit ng IUD.
  • Hindi nakakadagdag sa panganib na makunan ang babae kapag siya ay nabuntis pagkatapos tanggalin ang IUD.

Tandaan, ang mga IUD ay ipinapasok lamang ng isang bihasang doktor o propesyonal na healthcare provider.

Pinagmulan:

https://www.plannedparenthood.org/learn/birth-control/iud/non-hormonal-copper-iud

Please follow and like us:

2 thoughts on “Copper IUD

  1. Bakit po kya 1 1/2 po ako dinudugo nagpaconsult na po ako sa ob ko sabi normal lang pero nagaalala parin po ako kase nanghihina pp ako lagi po masasakit katawan ko normal lang po ba ito? Salamat😊

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon