fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Kontraseptibong Implant

Sa Isang Tingin

  • Napakaliit na plastik na ipinapasok sa braso upang maiwasan ang pagbubuntis
  • Hindi halata
  • Reversible
  • Mahigit sa 99 porsyentong epektibo
  • Walang proteksyon mula sa mga STI (sexually transmitted infection). Gumamit ng condom bilang karagdagang proteksyon sa impeksyon.
  • Isang mabilis na proseso para sa tatlong taong proteksyon.

Ano Ito

Ang implant ay isa sa mga pinaka-epektibong kontraseptibo. Isa o dalawang maliliit na piraso ng plastik (depende sa tatak) ang ipinapasok sa ilalim ng balat, sa itaas na bahagi ng braso. Pinoprotektahan ka mula sa pagbubuntis sa pamamagitan ng dahan-dahang paglabas ng hormon na progestine sa iyong katawan, na umaabot hanggang tatlong taon.

Hindi halata na may implant kang gamit, at madarama lamang kapag pinindot o pinisil mo ang lokasyon nito. Wala kang kailangan gawin mula sa iyong bahagi maliban sa pagpapapasok nito at hayaan itong protektahan ka hanggang sa nais mong ipatanggal o kailangan na itong palitan—kaya isa ito sa mga magagandang pagpilian kung naghahanap ng kontraseptibo na wala masyadong kailangan alahanin. Ang mga implant ay ligtas din para sa mga babaeng higit sa 35 taong gulang dahil maaari itong magamit hanggang sa menopause.

Paano Ito Gumagana

Ang hormon na inilalabas ng implant ay nakaka-iwas sa pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpigil sa mga obaryo mula sa pagpapakawala ng mga egg cell, at pagpapalapot ng cervical mucus sa pasukan ng matris para harangan ang semilya mula sa pag-abot sa egg cell.

Paano Gamitin Ito

Bago ang pagpasok, ang healthcare provider ay maglalagay ng anesthesia (o pampamanhid) sa lokasyon kung saan ilalagay ang implant). Gamit ang isang trocar (isang makapal, guwang na karayom), ang implant ay ipapasok sa itaas na bahagi ng braso, sa pagitan lamang ng layer ng balat at kalamnan.

Kapag ipinasok ang implant habang ikaw ay nireregla, epektibo na ito kaagad. Kung naipasok ito nang higit sa pitong araw pagkatapos ng iyong huling regla, kakailanganin mong gumamit ng backup na kontraseptibo, gaya ng condom, sa loob ng isang linggo.

Ang implant ay mabisa hanggang tatlong taon, ngunit maaari mo itong ipaalis nang mas maaga kung nais mo. Walang kailangan alalahanin habang may implant ka. Kapag ito ay dapat nang palitan, kailangan mong bisitahin ang iyong healthcare provider upang alisin ito at palitan ng bago.

Mga Positibo

  • Ligtas sa mga nagpapasusong ina
  • Mabisa hanggang tatlong taon
  • Hindi halata
  • Ligtas sa mga naninigarilyo, at mga may diabetes
  • Maaaring makontrol ang sintomas ng PMS (premenstrual syndrome)
  • Halos agad na bumabalik ang kakayahan mabuntis kapag tinanggal na (ngunit maaari ring umabot hanggang tatlong linggo)
  • Maraming mga babae na may implant ay nakakaranas ng mas kaunti, mas magaan na regla, o tuluyang paghinto ng pagregla (na wala namang malubhang epekto sa kalusugan)

Mga Negatibo

Ang pagkabahala sa mga negatibong epekto ay normal, ngunit para sa nakararaming kababaihan, hindi sila namroblema. Kung nakakaranas ka ng mga hindi kanais-nais na epekto, mawawala rin ito sa paglipas ng panahon. Habang nagpapakilala ka ng mga hormon sa iyong katawan, kailangan bigyan ng kaunting panahon para ito’y mag-adjust.

Kung ang mga negatibong epekto ay nagpapatuloy ng higit sa anim na buwan, pwedeng makipag-usap sa healthcare provider tungkol sa pagpalit ng kontraseptibo.

Karaniwang Mga Epekto

  • Mga hindi regular na regla (karaniwang nangyayari sa unang 6-12 na buwan)
  • Pananakit ng lokasyon ng implant (sandali lamang ito, mga dalawa o tatlong araw pagkatapos ng pagpasok)

Karamihan sa mga epekto na ito ay mawawala pagkatapos ng tatlong buwan.

Mga Pinagmulan:

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon