fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Kumusta ang relationship niyo? I-check natin ‘yan!

The relationship checkup guide

Narinig mo na ito nang isang beses, dalawang beses, o marahil kahit isang libong beses, ngunit kailangan mong marinig itong muli: ang komunikasyon ay ang susi sa isang malusog, masayang relasyon. Oo, GANOON kahalaga, na kailangan mo lang itong marinig muli!

Ang paglalaan ng oras upang kumustahin ang iyong partner at ang inyong relasyon ay makakatulong sa anumang problema o isyu na nagaganap. Kahit na mukhang maayos at wala kang anumang mga problema, makakabuti pa rin sa inyong magpartner ang pagkakaroon ng regular relationship checkup. Makakatulong ‘to maka-iwas sa mga problema bago pa man mangyari ang mga ito, at pigilan ang maliliit na isyu na lumala o lumaki pa lalo.

Tulad ng pagpunta mo sa doktor para sa yearly checkup, o ang pagdala sa iyong sasakyan sa mekaniko para sa maintenance check, ang bawat relasyon ay kailangan ring ma-recharge sa pana-panahon. Magkasama man kayo ng ilang dekada, ilang taon, o kahit ilang buwan lang, tiyak na makikinabang ka sa mga regular na relationship checkup.

Pagkakataon mo na rin ito para pasalamatan ang iyong partner para sa kung ano ang kanilang nagawa, pati na rin buksan ang mga bagay na bumabagabag sa iyo. Ngunit tandaan, hindi dapat ikaw lamang ang nagsasalita. Bigyan ang iyong partner ng pagkakataon na magbukas din ng mga saloobin, at bilang kapalit, makinig nang mabuti para maunawaan ang kanilang punto.

Narito ang isang gabay sa kung ano ang dapat ninyong talakayin.

Kamusta ang relasyon niyo?

Una, talakayin ang estado ng inyong relasyon sa kabuuan. Kinikilig ka pa rin ba sa’yong partner? Tuwing kailan mo ito nararamdaman? Kailan kayo huling nag-date? Ano ang nagugustuhan mo sa inyong relasyon?

Sa bahaging ito, pagkakataon mo na para pag-isipan kung ano ang nararamdaman mo tungkol sa antas ng intimacy sa relasyon, at alalahanin ang maliliit na bagay at sandali na pinahahalagahan mo at gusto mong pasalamatan ang iyong partner. Maaari mo ring banggitin ang mga bagay o aktibidad na pareho ninyong gustong gawin muli, o mga bagong bagay na gusto niyong subukan.

Paano ang inyong sex life?

Mahirap ‘tong pag-usapan para sa karamihan ng mga magpartner, pero napaka halaga nito para sa kasiyahan ninyong dalawa. Anuman ang napagkasunduan niyo, magandang ideya na suriin kung pareho kayong kuntento sa kung gaano kadalas kayo nakikipagtalik at sa mga sexual activities na inyong ginagawa.

Mainam din na buksan ang mga bagay na gusto, at hindi mo gusto. Maaari mo ring tanungin ang iyong partner kung mayroong anumang bagay na gusto niyang subukan sa susunod.

Paano kayo magiging mas mabuti para sa isa’t isa?

Walang perpektong tao, at kapag bukas kang makinig sa mga hinaing ng iyong partner, malalaman mo kung ano ang maaari mong gawin o ayusin para maging mas mabuting partner.

Bago tanungin kung paano ka magiging mas mabuting partner, maglaan ng oras para pag-isipan ang mga bagay na sa tingin mo ay magagawa MO para mapabuti ang iyong relasyon sa kanila. Palaging may pagkakataon para maging mas mabuting partner, at matutulungnan niyo ang isa’t isa kapag pinag-usapan ninyo ito.

Ang mga tanong tulad ng “paano kita matutulungan,” “ano ang kailangan mo na hindi mo nakukuha,” o “ano pa ang maaari kong ibigay o gawin para sa iyo,” ay makakatulong na hikayatin ang iyong partner na magsaad ng kanilang mga naiisip.

Masaya ka ba?

May mga taong hindi talaga masaya deep inside, pero nagagawa pa rin nilang ipakita na parang nag-e-enjoy sila — sana ‘di ka (o ang iyong partner) ganon!

Sa anumang bagay, kasama ang mga relasyon, ito ay dapat magpasaya sa iyo. Kapag kayo’y masyadong na-busy na sa kanya-kanyang mga gawain at responsibilidad, baka nalilimutan niyo na ang inyong kasiyahan sa relasyon — huwag nang hintayin na mangyari iyon! I-check niyo rin paminsan-minsan at tiyaking pareho kayong masaya.

May dinadala ka pa rin ba mula sa past?

Baka may isang bagay na palagi ninyo pa ring pinag-aawayan, o may isang isyu na hindi niyo pa rin nareresolba. Kung may bumabagabag pa rin sa iyo o sa tingin mo ay kailangang tugunan, buksan ito sa iyong partner at alamin kung ano ang nararamdaman niya tungkol dito. Kapag naayos niyo na iyon at pareho kayong okay na, iwanan mo na ito sa nakaraan at siguraduhing mananatili ito sa nakaraan.

Mga pinagmulan:

Emery, L. (September 7, 2017). The Activity All Long-Term Couples Should Do Once A Year. Bustle. https://www.bustle.com/p/what-to-talk-about-in-a-relationship-checkup-because-every-long-term-couple-should-touch-base-annually-74249 

Laithland, G. (July 16, 2019). A Three-Step Guide to a Relationship Check-Up. Medium. https://medium.com/@gwennalaithland/a-three-step-guide-to-a-relationship-check-up-2c1ed3e36662 

Ryan, W. (n.d.). The importance of a relationship checkup. TherapyEverywhere. https://drwilliamryan.com/relationship-checkup/ 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon