fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Anong nagdudulot ng pregnancy cravings?

What causes pregnancy cravings?

‘Di man “sosyal” ang manggang hilaw at bagoong, ngunit tiyak na nagbibigay ito ng ibang uri ng kaligayahan sa mga buntis!

Makakaranas ka ng maraming pagbabago sa katawan habang nagbubuntis. Sa katunayan, magbabago rin ang iyong gana kumain, at posible ring bigla mong i-crave ang mga pagkaing hindi mo karaniwang kinakain.

Ano nga ba ang sanhi ng cravings kapag buntis? May mga cravings bang delikado? Alamin natin!

Bakit nagkakaroon ng cravings?

‘Di pa rin natutukoy ng mga eksperto kung ano bang tiyak na sanhi ng pregnancy cravings. Gayunpaman, may ilang mga haka-haka kung bakit ito nararanasan.

Ayon sa ilan, paraan ito ng katawan para sabihin na kailangan nito ng ilang bitamina at sustansya. Mayroon ring mga nagsasabi na ang mga pagbabago sa hormones ay ang dahilan ng cravings.

Dahil sa lahat ng mga pagbabagong nararanasan mo habang nagbubuntis, marahil ikaw ay naghahangad lamang para sa iyong mga paboritong comfort food!

Kailan nagsisimula ang cravings?

Ang pregnancy cravings ay madalas na nagsisimula kasama ng morning sickness sa bandang katapusan ng unang trimester. Pagkatapos, ito ay tataas uli sa ikalawang trimester, at bumababa habang umuusad ang ikatlong trimester.

Ngunit hindi ka maghahangad ng pare-parehong mga pagkain habambuhay! Pagkatapos ng panganganak, halos agad ring hihinto ang iyong cravings.

Anong gagawin sa cravings?

Okay lang na pagbigyan ang ilan sa iyong mga cravings. Ngunit kailangan mo pa ring maging maingat sa iyong kinakain.

Masyadong maraming matamis, naprosesong pagkain, at junk food ay hindi mabuti para sa iyo at kay baby. Gayundin, hindi mo kailangang “kumain para sa dalawang tao.” Oo naman, may isa pang tao na lumalaki sa loob mo. Ngunit ang taong ito ay napakaliit pa rin!

Ang pagbubuntis ay hindi dahilan para kumain nang labis-labis. Ang dagdag na 200-300 calories sa isang araw ay sapat na.

Ang sobra-sobrang pagkain at hindi malusog na diyeta ay maaaring humantong sa mga komplikasyon tulad ng gestational diabetes at labis na pagtaas ng timbang. Maaari ka ring mahirapan sa labor dahil sa mga ‘to.

Gagabayan ka ng iyong OB-GYN o midwife sa pinaka magagandang kainin sa panahon ng pagbubuntis.

Mayroon bang mga delikadong cravings?

May ilang mga cravings na tila kakaiba. Ngunit ang ibang mga buntis ay maaaring mag-crave sa mga bagay na hindi pagkain, tulad ng lupa, chalk, sabong panlaba, krayola, at marami pang iba.

Ito ay maaaring senyales ng pica. Isa ‘tong kondisyon kung saan ang isang tao ay nakakaranas ng labis na pagnanais na kumain ng mga bagay na walang nutritional value.

Kadalasan ito ay pansamantala, ngunit mabuting kumunsulta kaagad sa isang doktor. Mabuting malunasan ito kaagad para maiwasan ang mga potensyal na malubhang epekto

Mga pinagmulan:

Greenwood, V. (July 16, 2020). What’s behind pregnancy cravings? Probably not what you’re thinking. BBC Future. https://www.bbc.com/future/article/20200715-the-surprising-reason-why-pregnant-women-get-cravings 

Wisner, W. (November 28, 2022). What To Know About Pregnancy Cravings. Very Well Family. https://www.verywellfamily.com/pregnancy-cravings-5069392 

Food cravings during pregnancy (n.d). Pregnancy, Birth & Baby. https://www.pregnancybirthbaby.org.au/food-cravings-during-pregnancy 

Bouchez, C. (October 8, 2008). Pregnancy Cravings: When You Gotta Have It!. Grow by WebMD. https://www.webmd.com/baby/features/pregnancy-food-cravings 
Newton, A. (August 9, 2018). When Do Pregnancy Cravings Start? Healthline. https://www.healthline.com/health/pregnancy/when-do-cravings-start

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon