Sa mga pagkakataon na kailangan mong gumamit ng emergency contraception, baka mag-alangan kang gawin ito dahil sa ilang mga katanungang gumagambala sa iyong isip. Kumalma, huminga nang malalim at basahin ang mga pinaka karaniwang tanong at sagot sa Yuzpe Method sa ibaba. Makakatulong ang mga itong pakalmahin ang iyong isip dahil mas mauunawaan mo paano makakatulong sa iyo ang method!
Paano ba gumagana ang Yuzpe Method?
Ang mga pills ay nakakapigil o nakakaantala sa obaryo (ovary) na maglabas ng selulang itlog (egg cell) nang lima hanggang pitong araw. Pagkalipas nito, patay na ang mga esperma sa loob ng matries ng babae, dahil kaya lamang nito mabuhay nang limang araw. Ngunit, ang Yuzpe Method ay hindi makakagambala sa implantasyon ng napertilisang selulang itlog o sa ganap nang pagbubuntis.
Gaano kabisa ang Yuzpe Method?
Ang Yuzpe Method ay halos 88% epektibo sa pagpigil sa pagbubuntis kapag nagawa sa loob ng 72 oras pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik, at mas mabisa ito kapag mas maagang nagawa.
Paano ko malalaman kung naging epektibo ang Yuzpe Method?
Ang mga karaniwang karanasan ay hindi garantiya na naging epektibo ito; at gayun din, hindi ibig sabihin na hindi ito mabisa kapag hindi nakaranas ng mga side effects.
Walang paraan para malaman kung gumana ba ang Yuzpe Method, maliban na lang sa pagdating ng susunod mong regla. Tandaan na iba ang spotting sa regla, kaya kailangan mong maghintay ng ilang linggo.
Pwede ko bang doblehin ang paggawa ng Yuzpe Method para mas mabisa?
Ang paggawa ng Yuzpe Method nang dalawang beses o pag-inom ng pills nang higit pa sa ayon sa direksyon ay hindi makakadagdag sa bisa nito, pero maaari nitong mapalala ang mga karaniwang karanasan tulad ng pagduduwal.
Para masiguro na lubos itong mabisa, sundan nang mabuti ang mga hakbang at gawin ito sa loob ng iminumungkahing panahon. Uulitin, mas mainam kung mas maaga.
Gaano katagal made-delay ang aking regla pagkatapos gawin ang Yuzpe Method?
Ang pagdating ng iyong regla pagkatapos gawin ang Yuzpe Method ay ang siguradong senyales na hindi ka buntis, kaya rin siguro napatanong ka kung kailan mo ito maaaring asahan.
Ang Yuzpe Method ay maaaring magdulot ng kaunting pansamantalang pagbabago sa iyong siklo ng regla, tulad ng pagpapaaga o pag-aantalang regla kumpara sa karaniwan. May ilang babae na dinatnan ng regla pagkatapos ng isa o dalawang linggong delay. May iba naman na lumipas pa ang tatlo hanggang apat na linggo.
Pwede bang gawin ang Yuzpe Method nang higit sa isang beses sa loob ng isang linggo o buwan?
Maaaring ulitin ang Yuzpe Method kung kinakailangan, kahit sa loob ng iisang siklo ng regla. Ngunit, tandaan na dahil ito’y emergency contraception, layon nito ay magsilbing backup method. Hindi iminumungkahing gamitin ang Yuzpe Method bilang regular na kontrasepsyon maliban na lang kung kailangan talaga. Mabuting gawin lamang ito bilang huling solusyon kapag nabigo ang ibang kontrasepsyon o hindi nakagamit ng kontraseptibo habang nakikipagtalik nang walang proteksyon. Mabuting gumamit ng long acting reversible contraceptive (LARC) methods nang regular kung nais lubos na maprotektahan mula sa hindi inaasahang pagbubuntis.
Ligtas ba ang Yuzpe Method para sa mga nagpapasusong ina?
Oo, maaaring gawin ng mga nagpapasusong ina ang Yuzpe Method.
Makakaapekto ba ang Yuzpe Method sa ganap nang pagbubuntis?
Hindi, ang Yuzpe Method ay hindi nakakaapekto sa isang ganap na pagbubuntis at hindi ito nagdudulot ng pagkalaglag. Kita rin sa mga ebidensya na ang emergency contraception ay hindi nagdudulot ng mga birth defects o nakakaapekto sa sanggol kapag nabuntis na ang babae noong siya’y gumamit ng emergency contraception.
Mga pinagmulan:
https://www.fphandbook.org/questions-and-answers-about-emergency-contraceptive-pills
https://www.your-life.com/en/your-questions/emergency-contraceptives/
https://www.healthline.com/health/emergency-contraception/safety#safety-issues
https://www.healthline.com/health/healthy-sex/plan-b-weight-limit
https://www.healthline.com/health/healthy-sex/plan-b-weight-limit#tips-for-max-efficacy