fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Nanunuyo ba ang Balat ni Junjun? Ito ang mga Dahilan

Bilang mga lalaki, maaaring hindi natin agad napapansin ang panunuyo ng ating balat, sa kadahilanang maraming importanteng bagay ang ating ginagawa araw-araw. Pero, hindi dapat ganito ang kaso para sa ating ari.

Ang ating ari ay mayroong mas sensitibong balat kumpara sa ibang balat sa ating katawan, kaya nakakabahalang makita itong natutuyo. Sa kadalasan naman, hindi ito isang kondisyong medikal.

Hindi rin ito agad sintomas na dulot ng sexually transmitted infection (STI), pero dapat pa ring pagtuunan ng pansin upang maiwasan ang mas malalang kumplikasyon.

Basahin natin ang mga maaaring dahilan kung bakit natutuyo ang balat sa iyong ari.

Mga Dahilan

Sabon

Iba-iba ang mga uri ng mga sabong panligo at maaaring mairita nito ang iyong ari, na maaaring maging dahilan ng panunuyo nito. Ang paggamit ng banayad na sabon at tubig (o maaaring maligamgam na tubig lang) ay ang pinakamagandang paraan upang linisan ang iyong ari.

Tingnan rin ang gamit na sabong panlaba at “fabric conditioner”. Kung kayang magpalit sa isang “hypoallergenic” na uri, mas maganda.

Allergy

Ang mga allergy ay maaaring magpatuyo ng balat ng iyong ari. Ang mga allergy sa goma o latex, spermicide, o iba pang mga produkto ay ilan sa mga bagay na dapat mong ikonsidera na dahilan nito. Kung nakakaranas ng allergy sa paggamit ng latex na condom, tingnan rin ang ibang sintomas tulad ng rashes, pagluluha, pagtulo ng sipon, pagbahing, o hirap sa paghinga.

May mga uri ng condom na hindi gumagamit ng goma na mabibili sa mga tindahan nito, kaya pwedeng ito na lang ang gamitin mo.

Chafing o Kiskisan

Ang pagsusuot ng mga panloob na masyadong masikip ay maaaring magdulot ng chafing o kiskisan sa lugar ng iyong ari at maaaring maging sanhi ng panunuyo ng balat at mga maliliit na sugat. Ang pagpapalit sa mas komportable at maluwag na panloob ang pinakamadaling sulusyon rito. Maaari ring maglagay ng lotion o iba pang produktong pangbalat sa lugar ng iyong ari upang mabawasan ang kiskisan ng iyong balat.

Kakulangan sa pampadulas habang nakikipagtalik/masturbasyon

Ang pagkakaroon ng matagal na sekswal na aktibidad, maging masturbasyon ito o pagtatalik, nang walang sapat na pampadulas ay maaaring magdulot ng panunuyo ng balat sa ari. Ang paggamit ng mga lubricant ang pinakamagandang sulusyon upang maiwasan ang panunuyong ito, at mas mapaganda ang inyong sekswal na gawain. May tatlong uri ng lube; gawa sa oil, gawa sa tubig, at gawa sa silicon. Alamin kung ano ang mas gusto mo bago gumamit ng mga ito.

Impeksyong fungal

Kung mayroong rashes, pamamaga o pag-nana, at tuyong balat sa ari, maaaring sintomas ito ng isang impeksyong fungal.

May dalawang pangunahing impeksyon sa ari. Ito ay hadhad at balanitis.

Ang hadhad ay nagdudulot ng mapulang rashes at kumakalat ito sa hita at ibang parte sa pagitan ng puwet at pisngi nito. Sa balanitis, namamaga ang ulo ng ari at namumula, at kadalasa’y ito ay dinudulot ng yeast infection.

Magagamot ito ng pangkaraniwang antifungal na cream. Kung naniniwala kang mayroon ka nito, magpalit at labhan ang mga damit araw-araw.

Eksema

May iba’t-ibang eksema na maaaring makaapekto sa balat ng iyong ari. Karagdagan sa pagkakaroon ng nanunuyong balat sa ari, maaari ring magkaroon ito ng matinding pangangati at mga maliliit na bukol na may iba-ibang laki sa ilalim ng balat.

Kung hindi ka pa nasusuri para sa eksema, makipag-usap sa iyong dermatologist upang malaman kung anong uri ng eksema ang iyong nararanasan at mabigyan ka ng tamang paggamot dito. Sundin nang mabuti ang sinabi ng iyong doktor.

Soryasis

Ang soryasis ay isa rin sa posibleng dahilan kung bakit nagkakaroon ng tuyong balat sa ari at ito rin ay isa sa pinakamadalas na nararanasan ng lalaki.

Madali mong makikita ang soryasis dahil ito’y isang pamamaga sa balat. Kung ito’y nasa ari, hindi ito makaliskis tulad ng kung paano ito sa ibang parte ng iyong katawan. Ito’y maaaring manipis at maputi na walang kaliskis o may pulang bilog na nakapalibot dito.

Kung may nakita kang soryasis sa iyong ari, magpatingin agad sa iyong doktor upang mabigyan ng tamang gamot. Bibigyan ka nila ng tamang paraan ng paggamot nito at kung gaano mo kadalas dapat gagamitin ito.

Kung nagkaroon ka na ng soryasis, maaari mong gamitin ang gamot na ibinigay sa iyo sa iyong ari. Kung nagpatuloy pa rin, bumalik sa iyong doktor.

Mga remedyo sa bahay

Para gumaling ang panunuyo ng balat sa ari, mabuting iwasan muna ang mga sekswal na aktibidad sa loob ng 24 oras. Walang pagtatalik o kahit masturbasyon upang magkaroon ng sapat na oras ang iyong ari na maibalik ang dati nitong itsura.

Kapag naliligo, subukang gumamit ng banayad na sabon o ibang sabon na pwede sa sensitibong balat. Kapag hinuhugasan na ang iyong ari, mas mabuting gumamit ng maligamgam na tubig lang kaysa sa sabon. Kung gumamit ng sabon, siguraduhing banlawan ng mabuti pagkatapos kuskusin ng dahan-dahan.

Maaari ka ring gumamit ng lotion o moisturizer. May mga cream at lotion na ginawa para sa ari ng lalaki, kaya iwasang gumamit ng kaparehas ng ginagamit mo sa iyong katawan upang maiwasan ang iritasyon.

Ang pag-inom din ng tubig ay makakatulong sa pagbabalik ng natural na pagkabasa nito.

Para sa mga impeksyong fungal

Iwasan munang magkaroon ng kahit anong sekswal na aktibidad habang pinapagaling ang kahit anong impeksyong fungal. Nakakahawa ang mga ito at maaaring maipasa sa iyong kapareha. Mas mabuting walang pakikipagtalik na mangyari habang hindi pa gumagaling.

Mabuti ring magpalit at maglaba ng damit nang madalas. Makakatulong ito upang mapabagal ang pagkalat ng fungi at mas mapabilis ang paggaling.

Kailan dapat pumunta sa doktor

Kung hindi gumaling sa mga remedyo sa bahay o mas lalong lumalala, pumunta na sa iyong doktor. Ipakita sa kanila ang iyong kondisyon upang mabigyan ng tamang lunas.

Kung mayroon kang mga sakit sa balat tulad ng soryasis at eksema, mas mabuting kumunsulta muna sa iyong doktor o dermatologist bago gamutin ang sarili. Mabibigay nila ang iyong totoong kundisyon at tamang panlunas na angkop para dito.

Pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/mens-health/dry-skin-on-penis

https://www.medicalnewstoday.com/articles/325286

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon